The Spirit and the Church

January 27, 2013  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Acts 2

[sorry, audio is not available for this sermon]

The Problem of Not-So-Amazing Church

Kung naaalala ninyo, itinuro ko na ang Acts 1-2 last Nov. 11 bilang bahagi ng “Story of God” sermon series natin. Last week binalikan natin ang chapter 1. Ngayon naman ay ang chapter 2. Ang kaibahan ngayon ay mas nakafocus tayo kung paano mas magiging biblikal ang church natin at kung paano maaayon sa malaking plano ng Dios sa buong mundo. Hindi lang ito para sa BBCC, kundi pati sa church natin sa Barangca, at pati sa lahat ng iba pang church na maitatayo ng church natin sa pagtutulungan ng bawat isa sa atin.

Last week nakita natin na dapat ang church ay Jesus-centered church. Wala nang ibang bagay, wala nang ibang isyu na mas mahalaga pa kaysa ang ginawa ni Jesus at patuloy niyang ginagawa. Ngayon, ano ang mangyayari kung hindi si Jesus ang nasa sentro? Kung pastor ang nasa sentro, kapag namatay na ang pastor o umalis na, mamamatay na rin ang church at mag-aalisan na rin ang iba. Kapag pera naman ang nasa sentro, away-away ang mangyayari sa church kapag hindi nagkasundo. Kapag mga activities at programs naman, magpapakabusy na lang tayo at makakalimutan na ang panahon para sa Panginoon. Kapag building ang nasa sentro, hindi na natin maiisip na kapag nasa bahay ay church din pala. Pumupunta na lang tayo sa “church” kapag Linggo at hindi na tayo namumuhay bilang “church” mula Lunes hanggang Sabado. This is a not-so-amazing church.

The Story of the Spirit and the Church

But when Jesus remains at the center of the church, something amazing will happen. In fact, something amazing happens in the life of the early church. Let’s now look at the story of Acts chapter 2.

Tulad ng ibinilin ni Jesus, nanatili sa Jerusalem ang mga tagasunod ni Jesus para hintayin ang ipinangakong Espiritu.

Habang naghihintay sila, may 120 tagasunod ni Jesus ang nagtipon sa isang kuwarto para manalangin isang araw makaraan ang pitong linggo nang muling mabuhay si Jesus. Habang nananalangin sila, bigla na lang may dumagundong, parang isang malakas na hangin at kulog, sa bahay na pinagtitipunan nila.

Bigla na lang may parang mga dilang apoy ang dumapo sa bawat isa sa kanila. Bawat isa sa kanila ay napuno ng Espiritu ng Dios at nagsimulang magsalita sa mga wikang hindi naman nila nakasanayan! Lumabas sila sa kalye at nagsimulang ibalita ang lahat ng nakita nilang ginawa ni Jesus.

Narinig ang malakas na tunog na ito sa buong siyudad, at dumagsa ang maraming tao sa labas ng bahay para makita kung ano ang nangyayari. Sa mga panahong iyon, maraming mga Judio (mga galing sa lahi ni Abraham) na galing pa sa iba’t ibang bansa ang nasa Jerusalem para sa isang pista.

Nang marinig ng mga tao na nagsasalita ang mga tagasunod ni Jesus sa iba’t ibang wika, nagtaka sila, “Paano nangyari ‘to? Hindi ba’t mga taga-rito sila, pero paanong nakapagsalita sila wika ng mga bansang pinanggalingan natin tungkol sa mga kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios?” Namangha sila at nagtanungan sa isa’t isa, “Anong ibig sabihin nito?”

Pero ang ilan ay kinutya ang mga tagasunod ni Jesus at sinabi, “Mga lasing lang iyan!”

Nagsalita si Pedro, isa sa mga pinakamalapit na tagasunod ni Jesus, at ipinaliwanag sa mga tao kung ano ang nangyayari, “Akala n’yo ba’y lasing ang mga ito? Nagkakamali kayo. Maaga pa masyado, alas-nuwebe pa lang. Ang nakikita n’yo ngayon ay katuparan ng mga sinabi ng Dios sa mga mensahero niya daan-daang taon na ang nakakaraan. Sinabi nilang darating ang araw na ibubuhos ng Dios ang kanyang Espiritu sa lahat ng uri ng tao – lalaki man o babae, bata man o matanda – para ipahayag nila ang kanyang mga salita.”

“Makinig kayong mabuti,” tuloy ni Pedro. “Pinatunayan ng Dios na siya ang nagpadala kay Jesus sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya. Pero anong ginawa ninyo? Pinatay n’yo siya! Pero, muling siyang binuhay ng Dios. Nakita namin ang lahat ng ito. Kaya ngayon, nakaupo siya sa pinakamataas na posisyon sa langit, sa kanang kamay ng Dios. At dahil sa ginawa niya, ipinadala ng Dios ang Espiritung ipinangako niya, gaya ng nakikita at naririnig n’yo ngayon. Malinaw na ang Dios ang nagpasyang si Jesus – na inyong pinatay – ang siyang Panginoong at Tagapagligtas.”

Nabagabag ang mga tao sa narinig nila, kaya tinanong nila, “Ano ang dapat naming gawin?”

Sumagot si Pedro, “Bawat isa sa inyo ay dapat tumalikod na sa inyong mga kasalanan, magsimulang lumapit sa Dios, at magpabautismo sa pangalan ni Jesus para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. Pagkatapos, matatanggap n’yo ang regalo ng Dios – ang kanyang Espiritu. Ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at maging sa mga hindi lahi ni Abraham.”

Nang araw ding iyon, tatlong libo ang naniwala sa sinabi ni Pedro, nagsisi sila at nagtiwala kay Jesus. Tumalikod sila sa mga kasalanan nila para sumunod kay Jesus at mamuhay sa paraang gusto ng Dios. Binautismuhan sila at naging kabilang sa iglesia – ang pamilya ng Dios. Binigyan din sila ng kapangyarihang maipamuhay ang pangako ng Dios na maging pagpapala sila sa lahat ng mga tao.

Inilaan ng mga tagasunod ni Jesus ang kanilang buhay para sa Dios at sa isa’t isa…kung may nangangailangan, tinutulungan…nagtitipon sa mga bahay-bahay para magkakasamang nakikipag-usap sa Dios, sama-samang nag-aaral kung paano mamuhay sa paraang gusto ng Dios. Masayang-masaya nilang ginagawa ang mga ito, at hindi sila maramot sa isa’t isa. Araw-araw magkakasama silang kumakain para bigyang karangalan at alalahanin ang buhay ni Jesus na ibinigay para sa kanila.

A Grace-Community Church

Sa simula ng kuwento, nakita nating magkakasama ang 120 sa isang kuwarto at nananalangin para hintayin ang pagdating ng Espiritu. Ang ginagawa nila ay pagsunod sa ibinilin ni Jesus. At talaga namang grabe ang mga sumunod na nangyari. Kapag si Jesus ang nasusunod sa church, kamangha-mangha ang mga nangyayari. Ganito din ang i-expect nating mangyayari sa church natin.

Una, naging grace-community church sila. Anong ibig sabihin noon? Bukod sa 120 tagasunod ni Jesus sa simula ng kuwento, sa dulo nadagdagan sila ng 3,000 sa loob lang ng isang araw. Isang araw! Anong amazing dito? Hindi lang iyong dami ng tao. Kundi kung ano ang klase ng buhay nila na sama-sama. Subukan n’yong gawin ito…tipunin n’yo ang 3,000 tao mula sa iba’t ibang bansa…magkakaiba ang salita niyan…magkakaiba ang ugali…ang social status…ang family background…may babae…may lalaki…may bata…may matanda…may mayaman…may mahirap…subukan n’yo. Anong mangyayari? Magkakagulo iyan. Mag-aaway-away. Pero iyon ba nangyari sa kuwento? Hindi!

Iyon ang amazing. Nagbigay si Luke ng summary sa Acts 2:42-47 kung ano ang klase ng buhay nila. Isipin n’yo ha…ang iba dito bago pa lang nagkakilala. Pero sama-sama sila sa iba’t ibang bahay siyempre. Kasi ang dami nila. Ang iba siguro hindi muna bumalik sa bansa nila. Kasi sobrang na-enjoy nila ang para bang “pamilya.” Magkakasama silang kumain. Dahil sila’y mga anak ng Dios, nakikinig sila sa kanilang Ama sa pamamagitan ng mga turo ng apostol. Nakikipag-usap sila sa Dios nang magkakasama. Sumasamba magkakasama. They do life together. Araw-araw ito ha. Hindi lang lingguhan. The church is for Monday thru Sunday. Kasi nga pamilya, magkakapatid kay Cristo. We are family. “Biblical community is first of all the sharing of a common life in Christ. It is when we grasp this truth that we are in a position to begin to understand true community” (Jerry Bridges, True Community).

Paano sila magiging isang pamilya? Hindi ba’t ang dami nila? Pumupunta sila sa templo nang sama-sama (2:46). Pero sa kanya-kanyang bahay, nagkakainan sila doon at nagpipira-piraso ng tinapay na maaaring ang tinutukoy ay ang Lord’s Supper na ibinilin ni Jesus bago siya patayin. Kainan! Kasi nga mahalaga ang sama-samang kumain sa pagpapakita ng magandang relasyon sa bawat isa. Kapag ang isang pamilya, hindi na nagkakasama-sama sa pagkain, ano ang masasabi natin sa relasyon nila? Pero kung lagi silang magkakasama, nagkukuwentuhan, nagkukumustahan, nagtatawanan, nananalangin nang sama-sama, nag-aaral ng Salita ng Dios na sama-sama, nagpaplano, anong klaseng relasyon ang nabubuo doon?

Kaya mahalaga ang Lord’s Supper sa buhay ng iglesia. Nakalagay din iyan sa Statement of Faith natin: “Ang Panginoong Hesus ay nagtagubilin sa iglesia upang tuparin at isagawa ang dalawang ordinansa: ang pagbabautismo sa tubig at ang Banal na Hapunan. Ang mga ito ay hindi paraan upang maligtas, sa halip ito’y mga simbulo lamang ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos. Tanging ang mga mananampalataya lamang ang maaaring makiisa at makibahagi sa dalawang ordinansang nabanggit .”

Ang tanong sa atin ngayon, saan natin ginagawa ang Lord’s Supper? Dito lang ba sa worship center natin every first Sunday? Pag-isipan natin ‘to. Baka ngayon sinasabi ng Dios base sa nakita natin sa kuwento na bakit hindi natin simulang gawin ito sa bahay-bahay kasama ang ibang mga kapatid kay Cristo, tulad ng Kaagapay Group? Kaya nga nakalagay sa church covenant natin na nangako tayong uugaliin ang pagdalo sa pagsamba at sa Kaagapay Group. Because we share a common life together. Dahil kay Cristo naligtas tayo, dahil sa biyaya niya. Kaya ibabahagi din natin ito sa iba. Kapag may nangangailangan tutulungan. Iyon ang grace-community church. Iyon ang amazing. Kapag may bumisita sa atin, magugulat sila at sasabihin, “Kay sasaya naman ng mga taong ito! Ngayon lang ako nakakita ng ganito sa buong buhay ko!”

Paano nangyari ‘to? Ang hirap kaya niyan na iba-iba ang backgrounds, iba-ibang edad at educational background, may mayaman at mahirap, tapos magkakasama na parang isang pamilya. Parang imposibleng mangyari? Iba-iba man, pero merong isang nagbubuklod sa kanila at sa atin. The Story of God! Hindi basta pagkain ang nagbubuklod sa atin, kundi ang pagkain ng Salita ng Dios.

A Story-Formed Church

Ganito ang nangyari sa kuwento. Noong araw ding iyon, 3,000 ang naniwala sa sinabi ni Pedro. Nabuo sila dahil sa Story na sinabi ni Pedro. Kaya pagkatapos noon, nabuo ang church, iyon ang nagbuklod sa church. They were Story-formed. We also must be Story-formed.

Ano ang kuwento? Una sinabi niya na ang mga nangyayari at mga nangyari ay bahagi ng katuparan ng mga pangako ng Dios. Mga Judio ang mga kausap niya, galing sa iba’t ibang bansa. Pamilyar na sila sa sinasabi ng mga propeta sa Kasulatan (OT sa atin ngayon). Pero kung tayo naman ang magkukuwento nito sa iba, dapat sabihin natin ang kuwento ng Old Testament, kaya nga halos limang linggo ang inilalaan natin para maikuwento ang mula sa paglikha ng Dios hanggang sa mga mensahe ng mga propeta sa 12-Week Story of God natin.

Pagkatapos noon, sinabi ni Pedro kung paano natupad ang plano ng Dios sa pagdating ni Jesus. Sa buhay niya, mga himalang ginawa niya, ang pagkamatay niya sa krus, ang kanyang muling pagkabuhay, at pag-akyat sa kanang kamay ng Dios sa langit. Sa buong kuwento ni Pedro, patungo lahat kay Cristo. Dahil kay Cristo kaya siya nagkukuwento sa kanila. At ito ang nag-iisang Kuwentong pinaniwalaan ng 3,000 katao sa araw ding iyon. Ito ang nag-iisang Kuwentong pinaniwalaan din natin at lahat ng mga Cristiano. Ito ang kuwentong bumubuo sa church natin. We are Story-formed. Ito ang amazing. Kahit pa marami na tayong iba’t ibang mga kuwento at mga aral na narinig, merong Isang Kuwento na lahat sa atin ay pinaniniwalaan natin. This is the Story of God!

At kung ganoong ang naranasan natin, gusto nating ang ibang tao ganoon din. Ganoon din si Pedro, kaya nga sinabi niya sa kanila na sila ang pumatay kay Jesus dahil siyempre sa kanilang mga kasalanan. Dahil doon, nabagabag ang mga tao at nagtanong kung anong gagawin nila. Hindi puwedeng marinig lang ang kuwento. Kailangan may desisyon. Tumalikod sa kasalanan, sumampalataya kay Cristo, at magpabautismo bilang pagsunod sa utos ni Jesus. Kaya naman sa simula ng covenant natin ganito ang nakasulat: “Dahil sa patnubay ng Banal na Espiritu, tinanggap ko si Jesu-Cristo bilang aking sariling Tagapagligtas at Panginoon, at ipinahayag ko sa madla ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng salita at ng bautismo sa tubig.”

Hindi ba’t ganito rin ang gagawin natin pagkatapos maibahagi ang 12-Week Story of God sa mga kaibigan natin. Aayain na silang sumunod kay Jesus at maging part din ng Story. At pagkatapos ay patuloy na ipamuhay iyon. Tapos sasanayin sila na sila rin naman ang magkuwento noon sa iba. Bakit? Si Pedro lang ba sa tingin n’yo ang nagkuwento noon? Tatlong libo kayang mahigit ang nakarinig, hindi ba’t ang 120 sa kanila ganoon din ang ginagawa? We are Story-formed. Lagi tayong nakikinig sa kuwentong iyan. Sa worship, sa kaagapay group, sa mga kuwentuhan lang natin araw-araw, sa bahay. Kasama iyan sa covenant natin: “Makikipagtipan ako nang regular sa Diyos sa pampamilya at pansariling debosyon na may pag-aaral ng Biblia at pananalangin.”

A Spirit-Empowered Church

Tapos ipapakita natin sa mga tao na binabago tayo ng Story of God. At siya namang ikukuwento natin sa iba. Ang tanong, kaya n’yo ba? Hindi? Yan ang tamang sagot. Hindi talaga natin kaya sa sarili natin. Alam ni Jesus iyon. Kaya nga sabi niya sa kanila, “Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya’t huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga’t hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit” (Luke 24:49). Tapos bago niya sabihing magiging saksi sila ng lahat ng nakita nila, sabi muna niya, “Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (Acts 1:8). Maliwanag na ang intensiyon ni Jesus para sa church ay maging Spirit-empowered, hindi money-empowered, hindi human resources-empowered, hindi technology-empowered, kundi Spirit-empowered. Iyon ang amazing na nangyari sa church noon at nangyayari din sa atin ngayon. We are missionaries empowered by the Spirit.

Tandaan nating ang Spirit ay ang third person of the Trinity. Siya ay Dios din. Nakalagay sa Statement of Faith natin: “Iisa lamang ang Diyos, magpasawalang-hanggang namamalagi sa pamamagitan ng tatlong namumukod [ngunit pantay-pantay] na mga Persona: ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu…Ang Banal na Espiritu ay Diyos din. Nangungusap Siya sa tao tungkol sa kasalanan at bumabago sa buhay ng lahat ng nagsisisi at nagtitiwala kay Hesu-Kristo.”

Tandaan din nating ang Spirit ay katuparan ng pangako ng Dios, regalo ng Dios sa atin. Ang pagdating ng Espiritu ay pagtupad ni Jesus sa pangako niya na hindi niya sila iiwan at hahayaang nag-iisa. “And I will ask the Father, and he will give you another Helper, to be with you forever, even the Spirit of truth, whom the world cannot receive, because it neither sees him nor knows him. You know him, for he dwells with you and will be in you. I will not leave you as orphans; I will come to you” (John 14:16-18). At ang paghiling ni Jesus sa Ama na ipadala ang Espiritu ay ayon naman sa pangako ng Dios: “‘And in the last days it shall be, God declares, that I will pour out my Spirit on all flesh, and your sons and your daughters shall prophesy, and your young men shall see visions, and your old men shall dream dreams; even on my male servants and female servants in those days I will pour out my Spirit, and they shall prophesy” (Acts 2:17-18; from Joel 2:28-32).

Tandaan din nating ang Spirit ay ang mismong presensiya ng Dios na nasa atin. Kung paanong ang presensiya ng Dios ay nanahan sa Garden of Eden kasama sina Adan at Eba, sa Tabernacle habang ang Israelita ay naglalakbay sa disyerto, sa Temple sa panahon ni Haring Solomon – gayundin ang Espiritu ng Dios ay nananasan sa bawat isang sumasampalataya kay Cristo, simula nang siya ay magtiwala kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Sa lahat – ibig sabihin, bata man o matanda, babae man o lalaki, bago ka mang Cristiano o leader na sa church, kasambahay ka man o manager, college graduate ka man o high school dropout. That’s the amazing thing na nangyayari sa church – ordinary people can do extraordinary things because of the Spirit.

Dahil sa Spirit na nasa atin, there is so much power available for each of us. We can do the impossible. Kaya nga parang may dilang apoy na dumapo sa kanila, para ipakita ang kapangyarihan ng Espiritu ng Dios. This is the power available for all disciples. Uulitin ko – all disciples! Ibig sabihin, kung wala ang Espiritu, hindi natin magagawa ang mga bagay na nais ng Dios. Makakapagsalita ba sila sa iba’t ibang wikang hindi naman nila napag-aralan pa? Hindi sinasabi sa kuwentong ito na komo nasa atin ang Espiritu makakapag-speaking in tongues na tayo tulad ng sinasabi ng ilang grupo. Desisyon iyon ng Espiritu kung ano ang gusto niyang gawin sa atin. Hindi tayo ang may kontrol noon. Nagulat din nga ang mga disciples noon na bigla na lang silang nakapagsalita ng iba’t ibang wika. The point is the unmistakeable power available for them. With amazing results!

Kaya nabuo ang church at nagsama-sama bilang isang pamilya dahil din sa Spirit. Kaya 3,000 ang naniwala sa mensahe ni Pedro dahil din sa Spirit. Obvious ang work ng Spirit noong araw na iyon. Kaya nga nagtaka ang mga tao. Sabi pa ng iba, lasing lang iyan! Kasi nga parang hindi sila ang gumagawa, kontrolado sila ng Espiritu, na para bang isang lasing na kontrolado ng espiritu ng alak. Kaya nga sabi ni Pablo sa  Ephesians 5:18, “Do not get drunk with wine; but be filled with the Spirit.” This is the Spirit-empowered church. At kung ganoon ang mangyayari sa church natin, something very amazing will happen.

Waiting for Something Amazing

Kapag may church na ang miyembro ay nagkakanya-kanya, walang pakialaman, hindi amazing iyon. Pero kapag Grace-community sila, that’s amazing. Kapag may church na ang miyembro ay hindi naglalaan ng panahon sa salita ng Dios o sa Story of God – na alalahanin ito at ibahagi sa iba, hindi amazing iyon. Pero kapag Story-formed ang church, that’s amazing. Kapag may church na ang mga members ay hindi mo ma-feel ang work ng Holy Spirit at para bang ibang espiritu ang na-sesense mo, hindi amazing iyon. Pero kapag Spirit-empowered ang church, that’s really amazing.

Merong tag-line ang NBA, “Where Amazing Happens.” Isa ako sa mga fans ng basketball. Talaga namang amazing kapag nakita mo ang mga players na parang lumilipad at nagda-dunk. Kapag nakakaiskor ng marami ang mga superstars at nananalo ang team nila. Pero iilan lang naman ang talagang “amazing” diyan. Ang 20,000 sa loob ng stadium ay mga nanonood lang. Pero kapag ang church, hindi lang iilan ang “superstars” kundi lahat halos ay nakagagawa ng mga bagay na humanly impossible, Spirit-empowered na mga gawa, iyon ang amazing.

Tulad halimbawa ng mga nangyari last week. Naospital ang isa sa mga members natin, ang nanay niya kababaptize lang at ang tatay naman next week magpapabaptize. Pero sinugod sila ng maraming members sa ospital para dalawin, ipagpray, palakasin ang loob, para ipadama kung ano ang pagdadamayan ng isang pamilya.

Last Sunday din, nakatapos tayo ng Story of God Training para sa pamilya Bautista. Ang pinakabata sa kanila (12 yrs old) ay nakapagkuwento sa mga kaklase niya at sa Sabado ay nakaschedule silang magsimula ng Story of God. Tulong-tulong sila ngayon bilang pamilya na aabot sa iba pang pamilya na kung paanong binago at binabago sila ng Story of God, ganoon din ang maexperience ng ibang family.

Ganyan ang nangyayari kapag ang church natin ay Jesus-centered. Nagiging Grace-community tayo, Story-formed, at Spirit-empowered. Something amazing is happening in this church. And if we remain Jesus-centered, more amazing things will happen. Natural lang, dahil we have an amazing God at work in our church. Sana nandito pa rin kayo at kasama sa ating pamilya kapag nangyari ang mga bagay na iyan.

One thought on “The Spirit and the Church

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s