God Shows Himself in Suffering

January 29, 2012  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Job 1-42

Listen Now

Downloads

Bad Things Happen to God’s People

Bad things happen to God’s people. Nakita natin ‘yan last week sa kuwento ng Dios sa buhay ni Jose. Ang nangyari sa buhay niya ang dahilan kung bakit hindi tayo naniniwala sa karma. Kasi naniniwala tayo sa grace ni God, sa sovereignty niya. Magagawa niya ang lahat, gagamitin niya kahit ang masasamang ginawa sa atin o ginawa natin para sa ikabubuti natin, para sa ikabubuti ng iba, at para sa karangalan niya.

Alam nating totoo ito. Pero di ganoon kadaling paniwalaan kung puro masasama nakikita nating nangyayari sa buhay natin. Madaling sabihin sa ibang tao na humihingi ng tulong o payo sa atin, pero di madaling tanggapin kung di naman nila nakikita o naiintindihan bakit kailangan o bakit pinahintulutan ng Dios na mangyari iyon.

Bilang pastor, marami na akong narinig sa inyong mga tanong na, “Pastor, bakit po nangyayari ito sa amin? Para kaming nasa kumunoy at di na makaahon! Wala bang katapusan ang problema namin sa pamilya? Bakit kami?” Marami na sa inyo ang nakita kong umiyak, at iniiyak ko din iyan sa Panginoon sa panalangin.

Maraming Cristiano na nasalanta ng baha sa Cagayan de Oro at Iligan ang nagtatanong din niyan. Pati mga pamilya ng mga daan-daang Cristianong pinatay ng mga radikal na Muslim sa Nigeria noong nakaraang taon, iyon din ang tinatanong. Kahit pa nakatapos ako ng Master of Divinity sa seminary, di ko agad masasagot. Kahit kami ngang mag-asawa nagtatanong sa Dios. Malaki ang nawala sa pera namin last year. Lord, bakit nangyari iyon? Di agad masasagot ang ganoong tanong. Pero ang prayer ko, sa pamamagitan ng kuwentong ito, makatulong sa inyo at makatulong din kayo sa mga taong magtatanong.

Dito muna tayo sa aklat ni Job, bago pumunta sa Exodus. Kasi ang mga pangyayari dito ay nangyari, sabi ng mga Bible scholars, sa panahon nina Abraham. At bukod doon, magandang follow-up ito sa kuwento ni Jose. Ganito ang kuwento…

The Suffering of Job

Si Job, na taga-Uz, ay isang lalaking may magandang relasyon sa Dios, sumusunod sa kanya at umiiwas sa kasalanan. Pinagpala siya ng Dios at binigyan ng asawa, sampung anak, maraming tauhan, 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka, at 500 asno. Palagi siyang naghahandog sa Dios at nananalangin para sa kanyang pamilya.

Isang araw, lumapit ang mga anghel sa harapan ng Dios at sumama sa kanila si Satanas. Sinabi sa kanya ng Dios, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa mga tao sa buong mundo dahil may malapit siyang relasyon sa akin at may malinis na pamumuhay.” Sagot ni Satanas, “Kaya lang naman siya ganyan kasi pinagpapala mo siya at iniingatan. Subukan mong kunin ang lahat ng kanyang kayamanan at sigurado akong itatakwil ka niya.” Sabi ng Dios, “Sige, tingnan natin, kunin mo ang lahat ng nasa kanya, basta ‘wag mo lang siyang sasaktan.”

Isang araw, may nagbalita kay Job, “Ninakaw po ang inyong mga baka at asno at pinatay ang mga tauhan n’yo!” Di pa tapos magsalita ang tauhan ni Job, may sumunod na naman at sabi, “May bumagsak pong apoy mula sa langit at natupok ang mga tupa n’yo kasama ang mga nag-aalaga!” May isa pa, “Tinangay po ang mga kamelyo n’yo at pinatay pati mga tauhan n’yo!” May dumating pa at sabi, “Habang nagkakasiyahan po ang mga anak n’yo sa bahay ay bumagsak ang bahay at namatay silang lahat!” Malungkot na malungkot si Job sa mga narinig niyang balita. Umiyak siya at lumuhod at sinabi, “Ipinanganak akong walang dala, mamamatay din akong walang-wala. Ang Dios ang nagbigay, siya din ang kukuha. Purihin ang kanyang pangalan!”

Sinabi ng Dios kay Satanas, “Nakita mo na, tapat pa rin si Job sa akin kahit na nawala ang lahat sa kanya.” Sagot ni Satanas, “Kung siya naman ang saktan mo, siguradong tatalikuran ka na niya.” Sabi ng Dios, “Sige, gawin mo ang gusto mo, basta ‘wag mo lang siyang papatayin.”

Umalis si Satanas, at sinaktan si Job sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang paa. Nakakadiri at masakit ang naging kalagayan ni Job, kaya sinabi ng asawa niya, “Tapat ka pa rin sa Dios? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!” Sagot ni Job, “Bakit? Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin sa Dios at hindi ang masasama?”

Suffering, Sin, Satan, and the Sovereignty of God

Suffering and Sin. Alam na natin sa Chapter 2 ng The Story of God na pumasok ang paghihirap at sakit dahil sa kasalanan, at ang kasalanan naman dahil sa pagrerebelde ni Satanas at ng ibang mga anghel na sinundan naman ng pagsuway nina Adan at Eba sa Dios. Ang suffering ay bahagi ng consequence o parusa ng Dios sa kasalanan. Kaya nga pinaalalahanan ng Dios si Cain na mag-ingat dahil naghihintay ang kasalanan na tuklawin tayo. Pero ibig sabihin ba noon, na sa tuwing dumaranas ng paghihirap ang isang tao ay dahil pinaparusahan siya ng Dios sa ilang kasalanang ginawa niya? Ang taong naniniwala sa karma, sasabihing “Siyempre.” Pero ang taong naniniwala sa Salita ng Dios, sasabihing “puwedeng oo, puwede ring hindi.” Si Job, mayaman dati, sagana sa buhay, may masayang pamilya pero naghirap, nagkasakit, nawalan ng pamilya. Dahil ba nagkasala siya sa Dios? Di ba’t ang Dios na ang nagsabi na walang katulad si Job sa mga tao sa mundo, may magandang relasyon sa kanya at sumusunod.

Suffering and Satan. Naghirap si Job, hindi dahil sa nagawa niyang kasalanan. Baka naman si Satanas ang dapat sisihin? Yes and no. Sa kuwento, makikita nating si Satanas ang gumawa para mawala ang mga kayamanan ni Job, patayin ang pamilya niya, at magkasakit siya. Kayang gawin ito ni Satanas, at dapat siyempre ay mag-ingat tayo dahil siya ay parang leong umaatungal na naghihintay ng pagkakataon para tayo’y sakmalin. But Satan is not sovereign, he is not all-powerful. Hindi siya dapat sisihin sa lahat ng masamang nangyayari sa buhay natin, tulad ng ginawa ni Eba na ang ahas ang sinisi sa kahihiyang inabot nila. Oo nga’t naroon ang kamay ni Satanas sa nangyari kay Job. Pero hindi niya naman magagawa iyon kung di siya pahihintulutan ng Dios. Nagpaalam pa nga siya sa Dios.

Suffering and the Sovereign God.Alam ni Job na di dahil sa kasalanan niya kaya siya nagkaganoon. Pero di niya alam ang naging pag-uusap ng Dios at ni Satanas. Kahit di niya alam iyon, ang alam niya ipinahintulot iyon ng Dios na mangyari. Walang nangyayari sa buhay natin na di alam ng Dios. Pero sa halip na sisihin ang Dios, nagpuri pa siya sa Panginoon. Sa kabila ng sakit, hirap, kawalan, nagpuri pa rin siya sa Dios dahil alam niyang karapatan ng Dios na lumikha sa kanya ang magbigay ng buhay at bumawi nito, magbigay ng pagpapala at bumawi nito. Sa kabila ng iyak at hinagpis ay naroon pa rin ang pagsamba. Hindi siya tumalikod sa Dios at nanatiling tapat sa kanya, kahit pa ang asawa niya ay hinihimok siyang tumalikod na sa Dios.

The Counsel of Job’s Friends

Nabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang nangyari. Kaya dinalaw siya nina Elifaz, Bildad at Zofar para aliwin. Naawa sila sa kalagayan ni Job kaya wala silang masabi at sinamahan lang nila si Job sa loob ng pitong araw. Pagkatapos nito, nagsimula nang dumaing si Job…

Job: Isinusumpa ko ang araw na isinilang ako! Bakit ba hindi pa pinigilan ng Dios ang pagsilang ko nang hindi ko na naranasan ang ganitong hirap? Mas mainam pa sigurong mamatay na lang ako. Di ako makakain, walang tigil ang nararamdaman kong sakit! Ito na nga ang kinatatakutan kong mangyari. Gusto ko nang magpahinga, ang gulu-gulo na ng buhay ko ngayon!

Nagsimulang kausapin siya ng kanyang mga kaibigan…

Elifaz: Dati ikaw ang nagbibigay ng payo sa mga naghihirap? Bakit ngayon, ikaw na ang nanghihina at nawawalan ng pag-asa? Isipin mo ngayon, may tao bang matuwid na ganyan ang sasapitin tulad mo? May tao bang malinis sa paningin ng Dios na Manlilikha? Hindi ba’t sa sarili ring kagagawan ng tao kaya dumarating ang kahirapan at kaguluhan? Ang Dios ang nagtutuwid sa iyo, kaya kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Makinig ka kasi naranasan na namin ‘to.

Job: Alam n’yo ba kung bakit ako nakapagsalita nang ganoon? Hindi n’yo nga kayang timbangin ang bigat ng dinaranas ko ngayon. Hiling ko lang naman sa Dios na patayin n’ya na ko para mawala nang lahat ‘to. Kahit naman nagkaganito ako, di ko naman itinakwil ang mga salita niya. Kala ko dadamayan n’yo ko kasi mga kaibigan ko kayo, di pala kayo maaasahan. Tatahimik ako kung sasabihin n’yo sa akin kung ano ang nagawa kong mali at bakit ako nagkakaganito. Kung hindi, tigilan n’yo na ang paghusga sa akin, dahil wala naman akong nagawang kasalanan. Panginoon, bakit n’yo po ito ginawa sa akin? Ano po ba ang kasalanan ko sa inyo? Kung meron man, bakit di n’yo na lang ako patawarin at nang matapos na lahat ng ito?

Bildad: Kelan ka titigil ng pagsasalita ng walang kabuluhan? Makatarungan ang Dios. Nagkasala laban sa kanya ang mga anak mo kaya pinarusahan sila. Tanungin mo ang mga matatanda. Sasabihin nilang ang halamang tubig ay di nabubuhay ng walang tubig. Ganoon din ang sasapitin ng mga taong tumatalikod sa Dios. Pero ang matuwid, hindi itatakwil ng Dios.

Job: Tama naman ang sabi mo, pero sino ang makapagpapatunay na wala siyang kasalanan sa Dios? Sinong makikipagtalo sa Dios at magtatagumpay? Marunong siya at makapangyarihan sa mga gawa niya, sino ang makapagrereklamo sa kanya? Ang magagawa ko lang naman ay magmakaawa. Panginoon, natutuwa ba kayo sa nangyayari sa akin? Alam n’yo naman ang buhay ko pero sino ang magtatanggol sa akin? Bakit ginamit n’yo ang inyong kapangyarihan laban sa akin?

Zofar: Paano mo mapatutunayang wala kang kasalanan? Magsalita sana ang Dios at sabihin ang mga di mo alam. Kaya mo bang unawain ang lahat-lahat tungkol sa Dios? Kung magsisisi ka lang at lalapit sa Dios, makakalimutan mong lahat ng paghihirap na nararanasan mo. Magkakaroon ng liwanag ng pag-asa sa buhay mo.

Job: Akala n’yo ba’y mas marunong pa kayo kaysa sa akin? Di n’yo ba naisip na ang mga taong lumalaban sa Dios, bakit sila pa ang maginhawa ang buhay? Walang silbing makipagtalo pa ako sa inyo. Para kayong mga doktor na walang silbi. Tumahimik na lang kaya kayo. Sa Dios ko na lang ito idudulog. Kahit patayin pa niya ako, patuloy pa rin akong magtitiwala sa kanya. O Dios ko, ang hiling ko lang naman ay tigilan n’yo na ang ginagawa n’yong pahirap sa akin. Kausapin n’yo naman ako at sagutin ang mga tanong ko. Maikli lang naman ang buhay naming mga tao, bakit ganito pa ang kailangang maranasan ko?

Elifaz: Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo, at baka matisod pa ang iba sa mga salita mo. Bakit ka nagsasalita ng masama laban sa Dios? Kaya mo bang mamuhay nang malinis sa paningin niya? Maghihirap habambuhay ang mga taong nagrerebelde sa Makapangyarihang Dios. Di siya makakatakas. Kaibigan, ito ang payo namin sa iyo: magpasakop ka na sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya. Tiyak na pagpapalain ka niya ulit kung susunod ka sa kanya.

Job: Akala ko nandito kayo para aliwin ako, pero bakit lalo n’yo pa kong pinahihirapan? Ang payat ko na at nanghihina pa. Pinagtatawanan ako ng tao. Sinugatan ako ng Dios. Tapat naman ako sa kanya, alam n’ya iyon, pero bakit nangyayari ‘to? Sabi ng iba, ‘wag daw akong mag-alala, may makikita rin akong liwanag. Pero wala naman, nagdidilim na nga ang mga paningin ko at malapit na akong mamatay.

Bildad: Hayan ka na naman, Job. Ayusin mo nga ang mga salita mo. Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang taong masasama tiyak na mamamatay, mawawalan sila ng tirahan, ng pamilya, ng mga kaibigan, dahil hindi sila kumikilala sa Dios.

Job: Paulit-ulit n’yo lang akong iniinsulto. Akala n’yo ba’y matuwid kayo? Akala n’yo ba’y dahil sa kasalanan ko kaya nangyayari ‘to? Ang Dios ang may gawa nito sa akin! Ang Dios! Umiiyak ako’t humihingi ng tulong sa kanya. Di naman siya sumasagot. Nawala na ang lahat sa akin. Nilayuan na ako ng mga kaibigan ko. Pinagtatawanan ako ng mga bata. Nandidiri sila sa akin. Pero ito ang pag-asa ko: alam kong buhay ang Dios na aking Tagapagligtas, siya ang magpapawalang-sala sa akin. Nasasabik akong mamatay kasi sa araw na iyon, makikita kong mukhaan ang Dios.

Zofar: Sandali lang ang saya ng mga taong masama at di naniniwala sa Dios. Sa paggawa nila ng masama ay binubusog nila ang sarili nila, pero bubusugin din sila ng Dios ng kahirapan. Matitikman nila ang pait ng galit ng Dios. Ipapakita niya sa lahat ang kasalanan nila.

Job: Hindi naman sa tao ang daing ko, kundi sa Dios. Isipin nga ninyo, bakit humahaba ang buhay ng masasama? Bakit sila pa ang masagana ang buhay? Bakit sila pang tumatalikod sa Dios ang parang pinagpapala niya at bakit di niya parusahan? Isipin n’yo nga ang sagot diyan! Paano n’yo ngayon mapapalubag ang loob ko? Hindi naman totoo ang mga sinasabi n’yo! Walang kuwenta! Alam ng Dios ang mga daing ko sa kanya. Gusto ko nang malaman at maintindihan kung ano ang sasabihin niya. Pero malaya siya kung ano ang gusto niyang gawin, at walang makapipigil sa kanya. Pero bakit sa halip na liwanag ang makita ko, bakit puro kadiliman? Ang mga ginto nga mahirap hanapin sa minahan, paano pa kaya ang karunungang nanggagaling sa Dios? Nasaan na ang Dios ko?

What’s Wrong with this Counseling Session?

Noong una, maganda ang ginawa at sinabi ng mga kaibigan ni Job nang makita ang paghihirap niya. Bakit maganda? Kasi wala silang ginawa at walang sinabi. Di ba’t karaniwang kapag may nakita tayong kapatid nating may problema ay mahalagang samahan natin siya, umiyak kasama niya, sa halip na solusyunan agad o magsalita tungkol sa problema niya. Sa loob ng pitong araw maganda, pero nang magsimula na silang magsalita, yun na ang naging problema, kaya makikita natin sa katapusan ng kuwento mamaya na papagalitan sila ng Dios sa mga sinabi nila kay Job. Anong mali sa counseling session nila?

Talking too much, not listening. Ang dami nilang mga sinabi. Di sila nakikinig sa mga daing ni Job. May mga tanong si Job, “Bakit ganoon? Bakit ganito?” ni hindi nila pinapansin. Akala nila mas may alam sila sa mga nangyayari. Ni hindi rin naman nila alam ang usapan ng Dios at ni Satanas. Hindi naman nila alam ang lahat ng detalye ng buhay ni Job, ang mga iniisip niya, ang mga nasa puso niya. Kaya sabi ni Job na wala silang kuwentang doktor, imbes na gumaling ang maysakit, lumalala pa. Dapat tumahimik na lang sila. Maganda ang intensiyon nila, tulad din ng iba sa atin dito kapag may nagshare ng problema, sasabihin natin, “OK lang iyan, maaayos din ang lahat, gaganda rin ang takbo ng buhay mo bukas.” Sigurado ka?

Condemning Job, not comforting. Bakit? Kasi mali ang theology nila, mali rin ang application nito. Oo nga’t may kahirapan dahil sa kasalanan, pero hindi ibig sabihing lahat ng kahirapan ay sanhi ng kasalanang nagawa natin. Di ba’t ang Dios na mismo ang nagsabing walang katulad si Job sa kanyang pagiging matuwid? Ang Panginoong Jesus, pinako ba siya sa krus dahil masama siyang tao? Ang mga misyonerong pinag-uusig, makasalanan ba sila’t pinapahirapan sila? Sa halip na makatulong ang mga kaibigan ni Job, lumala pa. Hinusgahan na agad nila si Job. Hindi naman iyon ang kailangan niya noong panahong iyon.

Trying to solve Job’s problems, not helping him listen to God. Sabi nila, basta magsisi ka lang, tumalikod sa kasalanan, sumunod sa Dios, magiging maganda ang lahat, pagpapalain ka ulit niya. Hmmm…di ba’t ganoon na naman ang buhay niya? Bakit di naging maganda? Akala nila alam nila ang solusyon, akala nila nasa kanila ang karunungan. Pero di ba’t dapat na tinulungan nila si Job na makinig sa Dios? Na hayaan ang Dios na gumawa ng solusyon? Ang problema natin nasa Dios ang solusyon, wala sa tao. Ang mahalaga, sa halip na salita tayo nang salita, o makinig nang makinig sa payo ng iba – gaano man kahalaga iyon – mas mahalagang ang Dios ang pakinggan natin, hayaan nating siya ang gumawa.

The Revelation of God

Nang wala nang masabi si Job at ang kanyang mga kaibigan, pinagsabihan sila ng mas nakababatang si Elihu, na kanina pa nakikinig sa usapan nila.

Elihu: Oo nga’t mas matanda kayo sa akin, pero ang karanasan at katandaan ay hindi garantiya ng karunungan. Ang Dios na Makapangyarihan ang nagbibigay nito. Job, ‘wag mong sabihing hindi sinasagot ng Dios ang daing mo, ang totoo, paulit-ulit siyang nagsasalita, hindi lang siya pinapansin ng tao. Kaya tumahimik ka at makinig. Makatarungan ang Dios at hindi siya gumagawa ng mali. Kung loloobin niyang kunin ang buhay ng isang tao, karapatan niya iyon. ‘Wag mong masamain ang Dios. Tama lahat ng ginagawa niya. Sa paghihirap tinuturuan tayo ng Dios na makinig sa kanya. Kahit sa panahon ng bagyo at baha, may sinasabi pa rin ang Dios. Di natin maunawaan ang kanyang kadakilaan kaya ‘wag kang titigil sa pagpupuri sa kanya. Pagkatapos magsalita ang lahat, mula sa isang ipu-ipo ay sinagot ng Dios si Job.

Dios: Ang mga sinabi mo’y nagpapatunay lang na di mo alam ang mga nangyayari. Humanda ka, tatanungin kita, sumagot ka kung kaya mo! Nasaan ka ng inilatag ko ang pundasyon ng mundo habang ang mga anghel ko ay sumisigaw sa tuwa? Sino ang nagsabi sa alon ng dagat na hanggang diyan ka lang? Sino ang nagpapasikat at nagpapalubog sa araw? Alam mo ba kung paano nabubuo ang ulan? Kaya mo bang hawakan ang mga bituin sa langit? Sino ba ang nagpapakain sa mga leon at mga kambing? Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo? Ikaw ba ang nagdisenyo sa ganda ng mga ibon? Ikaw ba ang nagturo sa lawin kung paano lumipad? Masasabi mo bang mali ako?

Job: Nahihiya po akong sumagot sa inyo. Tatahimik na lang po ako.

Patuloy siyang kinausap ng Dios at ipinakita sa kanya ang kanyang karunungan at kapangyarihang di maaabot ng tao. Kaya sumagot si Job…

Job: Alam ko pong magagawa n’yo ang lahat at walang makapipigil sa inyo. Inaamin ko pang nakapagsalita ako ng mga bagay na di ko naman lubos na naiintindihan. Noon ay narinig ko lang ang tungkol sa inyo pero ngayon ay nakita ko na kayo. Nahihiya ako sa lahat ng sinabi ko tungkol sa inyo. Nagsisisi po ako at nagpapakumbaba sa harap n’yo.

Pagkatapos ng mga ito, pinagalitan ng Dios ang tatlong kaibigan ni Job dahil hindi sila nagsalita ng buong katotohanan tungkol sa Dios, di tulad ng ginawa ni Job. Sinabihan sila ng Dios na maghandog para maipanalangin sila ni Job at mapatawad ng Dios. Ipinanalangin nga sila ni Job at sinagot naman ng Dios ang kanyang panalangin. Muli siyang pinagpala ng Dios at binigyan pa ng doble ng kanyang kayamanan noon. Nagkaroon ulit siya ng malaki at masayang pamilya, nabuhay nang 140 taon pa at nakita pa ang kanyang mga anak at mga apo bago mamatay.

The Word and Work of God in the Suffering of His Children

Akala ni Job, nawala na ang Dios. Akala natin iniiwan tayo ng Dios sa panahon ng kahirapan natin. Akala natin hindi niya sinasagot ang mga daing natin. Pero dito sa huling bahagi ng kuwento nakita nating God shows himself in our sufferings.

In our suffering, God is shouting…so we need to be silent and listen to what he is saying. Bago magreklamo, bago makinig sa iba. Kung hindi naman kayo ang naghihirap at may lumapit sa inyo, tulungan n’yo siyang makinig sa sinasabi ng Dios. Mas mahalaga ang sasabihin ng Dios kaysa sa sinasabi nating mga tao. Tumingin ka sa nilikha ng Dios, may sinasabi siya. Sa Bibliya, malinaw ang sinasabi niya. Sa mga pangyayari sa buhay natin, lalo na sa panahon ng sufferings, meron din.

In our suffering, God is sovereign…so we need to submit and trust his wisdom and power. He is our Creator and Sustainer. Ang tanong natin hindi dapat, “Bakit?” Walang obligasyon ang Dios na ipaliwanag sa atin ang mga ginagawa niya. Tulad ng tanong ng mga tagasunod ni Jesus nang may nakita silang isang ipinanganak na bulag, “Sino po ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag? Siya po ba o ang magulang niya?” Sagot ni Jesus, “Hindi siya ipinanganak na bulag dahil nagkasala siya o ang mga magulang niya. Nangyari iyon para maipakita ang kapangyarihan ng Dios” (John 9:2-3). Ang tanong natin dapat ay, “Paano mabibigyang karangalan ang Dios sa pangyayaring ito?” At, “Ano ang gagawin kong tugon?”

If we listen to God, and submit to his will, what will happen? Tulad din ni Job na bumalik at naging doble pa ang kanyang kayamanan, at nagkaroon ulit ng masayang pamilya? Maaaring oo, maaaring hindi. Ang gustong sabihin ng Dios, na siya ang nagbibigay, siya rin ang bumabawi, siya rin ang saganang magbalik ng mga pagpapala. At kung di man maibalik ang kayamanang nawala sa atin, ang pamilyang nawala sa atin, sinasabi ng Dios, “Anumang mawala sa iyo, hinding-hindi kita iiwanan. Hindi ang kasalanan, o ang kamatayan, o ang kahirapan, o ang Kaaway, o anumang bagay sa mundong ito ang maaaring makapaghiwalay sa iyo at sa akin.” Sa lahat ng nakay Cristo, ito ang pangako ng Dios. Ito ang pinanghawakan ni Job, “Buhay ang aking Tagapagligtas. Nananabik akong makita siya. Mawala na ang lahat sa akin, ‘wag lang ang aking Dios.” Iyon ang gusto ng Dios, masabik tayong makita siya. Pagdating ng araw na iyon, wala nang sakit, wala nang hirap. Bakit? Kasi ang ating Tagapagligtas ay dumanas na ng hirap para sa atin na mga nagtitiwala sa kanya.

[youtube http://www.youtube.com/watch?v=eOOFAaUGfRE]

3 thoughts on “God Shows Himself in Suffering

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s