God Draws Near through His Word

June 24, 2012  |  By Derick Parfan  |  Scripture: 1 Kings 17-22; 2 Kings 1-2

Download  sermon audio    sermon notes    story guide   story graphics 
Listen now…

Communication and Communion

Mahalaga ang paggamit ng salita at pakikipag-usap sa pagpapatibay ng relasyon nating mga tao. Ang dalawang tao nagiging magkaibigan dahil nagsisimula sa kuwentuhan at habang tumatagal mas nakikilala nila ang isa’t isa at nagiging close ang friendship nila. Ang isang babae at isang lalaki, nadedevelop at nagsisimulang ma-inlove dahil sa text, chat, o kwentuhan. Kapag nakasal na, mas nagiging malalim ang relasyon nila kapag nagiging open ang communication nila. Pero kapag hindi nag-uusap o kaya naman kung mag-usap ay pasigaw, galit at madakdak o gumagamit ng masasakit na salita, sa halip na maging malapit sila nagiging malayo na. Ganoon din sa relasyon ng magulang sa anak. Kapag ang tatay naglalaan na makipag-usap sa anak niya at ito namang anak ay nakikikinig sa tatay niya, mas gumaganda ang relasyon nila.

Sa relasyon natin sa Dios, ganoon din. Maliwanag sa mga napagdaanan na nating mga kuwento sa Bibliya na nagsasalita ang Dios, gumagamit siya ng salita para kausapin tayo. Para maging maganda ang relasyon natin sa kanya. Ipapakilala niya ang sarili niya sa tao sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ganoon noon ang nararanasan nina Adan at Eba sa hardin ng Eden. Kakuwentuhan nila ang Dios, kausap, at sila naman nakikinig, nasisiyahan at nakikipag-usap din. Kaya ang relasyon ng tao noon sa Dios ay walang katulad, malapit na malapit. Sabi nga ng pinsan ko sa Story of God namin last Thursday sa bahay nila, “Sana ngayon ganoon pa rin!” Kasi nga alam naman nating hanggang ngayon nagsasalita ang Dios sa iba’t ibang paraan, at hindi siya tumitigil, hindi niya tinatanggal ang atensiyon niya sa atin, nilalapit niya ang sarili niya, pero tayo naman hindi nakikinig, abalang-abala sa kung anu-ano, kaya ayon tuloy nararamdaman nating ang relasyon natin sa Dios hindi ganoon kalapit.

Nagsimula ang problema ito kina Adan at Eba din. Sa halip na sa Dios makinig, sa ahas sila nakinig. Nang hinahanap sila ng Dios, ang ginagawa na nila nagtatago dahil sa takot at kahihiyan. Pumasok ang sakit, kamatayan, at paghihirap sa buhay ng tao dahil nalayo tayo sa Dios. Binigyan tayo ng magandang posisyon ng Dios na maging hari at reyna na mamamahala sa lahat ng nilikha ng Dios, pero nabigo tayo sa tungkuling iyon, dahil hindi tayo nakinig sa salita ng Dios.

Failed Kings in the Divided Kingdom

Ganoon din ang nangyari pagkamatay ni Haring Solomon, anak ni Haring David. Nakita natin iyan last week. Na dahil wala sa sentro ng buhay niya ang Dios (“Life without God at the center is nothing” last week), hindi na siya nakikinig sa Dios kahit magbigay pa ng mga babala sa kanya. Ito ang naging dahilan ng pagbagsak niya at ang parusa ng Dios na kukuhanin ang halos lahat ng kaharian sa kanya at magtitira lang ng isa alang-alang sa pangako niya kay David. Ituloy natin ang kuwento, ganito ang nangyari pagkatapos na mamatay si Solomon, galing sa 1 Kings 12-16:

Pagkamatay ni Solomon, pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Rehoboam. Hindi siya nakinig sa payo ng matatanda at naging mas malupit siya kaysa sa kanyang ama. Dahil dito, nagrebelde ang Israel laban sa kanya sa pangunguna ni Jeroboam, isa sa mga opisyal dati ni Solomon. Bilang katuparan ng salita ng Dios kay Solomon noon, si Jeroboam nga ang naging hari ng sampung angkan ng Israel. Naiwan naman kay Rehoboam ang angkan ng Judah at Benjamin. Dito nagsimulang mahati ang kaharian. Ang hilaga ay tinawag na Israel. Ang timog naman ay Judah.

Dahil sa takot ni Jeroboam na ang mga taga-Israel ay lumipat sa Judah para doon sumamba dahil naroon ang templo, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka at sinabi, “Mga Israelita, narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.” Nilagay ang mga ito sa magkabilang dulo ng Israel – sa Dan at Bethel. Ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Ipinasabi ng Dios kay Jeroboam, “May ilalagay ang Dios na hari sa Israel na siyang gigiba sa sambahayan ni Jeroboam.” Pagkamatay niya, pinalitan siya ng anak niyang si Nadab. Dalawang taon lang itong naghari dahil pinatay siya ni Baasa, na pumalit sa kanya bilang hari. Tulad ng salita ng Dios, pinagpapatay ni Baasa ang buong pamilya ni Jeroboam, wala siyang itinira kahit isa. Sa 20 naging hari ng Israel matapos itong mahati hanggang sila ay itapon sa Assyria, lahat sa kanila ay gumawa ng masama sa paningin ng Dios.

Sa timog naman sa Judah, pumalit kay Rehoboam ang anak niyang si Abia. Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa Dios hindi tulad ni David na kanyang ninuno. Pero dahil kay David, niloob ng Dios na magmumula sa angkan niya ang maghahari sa Jerusalem. Dahil ginawa ni David ang matuwid sa paningin ng Dios, hindi niya nilabag ang utos ng Dios, maliban lang sa ginawa niya sa asawa ni Batsheba. Pagkatapos ng tatlong taong paghahari ni Abia, pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Asa. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Dios, tulad ng ninuno niyang si David. Ipinatanggal niya ang mga dios-diosan at pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil sa mga pagpapagawa nito ng mga kasuklam-suklam na mga dios-diosan. Nagkaroon din ng 20 hari sa Judah bago ito ipatapon sa Babylonia. Karamihan sa kanila ay di naging katulad ni David, pero meron ding ilan na tulad ni Asa na tumulad kay Haring David.

Failure to Listen to God

Ang di nakikinig sa salita ng Dios ay nalalayo sa kanya. Kung hindi tayo nakikinig sa kanya, ibig sabihin sinusuway natin ang utos niya o hindi pinaniniwalaan ang mga pangako niya. Nakita natin iyan sa kuwento kanina. Si Rehoboam naging mas malupit pa sa tatay niya, di nakikinig sa payo ng matatanda. Ganoon din ang anak Rehoboam na si Abia. Si Jeroboam naman, tinularan pa si Aaron na kapatid ni Moises na gumawa ng gintong baka – daig pa nga kasi dalawa ang ginawa. Tahasang pagsuway sa Dios! Ganoon din ang anak niyang si Nadab at ang pumalit sa kanyang si Baasa. Pero bago pa man mahati ang kaharian, katulad nila ang unang haring si Saul na di rin nakinig at nipastangan pa ang salita ng Dios. Si Solomon din hati ang puso sa Dios. Nalayo sila kasi di sila nakinig sa salita ng Dios.

Di tulad ni David! Halos lahat ng hari ikukumpara sa kanya kung katulad niya. Kung tulad niya, ayos. Kung hindi, masama naman. Kasi nga si David, oo nga’t sa kaso ni Uria at Batsheba di siya nakinig sa Dios, pero nang sabihan siya ni propeta Natan inamin niyang nagkasala siya at nagsisi siya. Kaya naging malapit ang relasyon niya sa Dios. Kaunti lang ang tulad niya – gaya ni Asa – sa mga naging hari ng Judah. Sa Israel, walang katulad itong si David. Ang nakikinig sa salita ng Dios ay nalalapit sa kanya. Listening to God’s word draws you closer to him. When you disregard his word, it will draw you away from him and face the severe consequences of living a life apart from.

Lahat naman ng tao mula noon hanggang ngayon, ayaw makinig sa Dios. Maging si David kinakailangan pa ng isang propeta para makuha ang atensiyon niya. Pag sinabing propeta, hindi lang ito iyong mga nagsasabi kung ano ang mangyayari (foretell) kundi sila ang nagsasabi ng katotohanang galing sa Dios (forthtell). Simula kay Adan at Eba, bihira nang dumiretsong makipag-usap ang Dios sa mga tao, sa mga propeta lang halos tulad nina Abraham at Moises. Nang marinig nga ng mga tao ang Dios na nagbigay ng utos sa bundok ng Sinai, nanginig sila sa takot. Kaya si Moises ang tagapagsalita ng Dios. Ginagamit din ng Dios ang mga propeta para pagsabihan ang mga hari at ang mga tao. Si Samuel kay Saul. Si Natan kay David. Para ibalik sila palapit sa Dios dahil nalalayo na sila sa salita niya.

Elijah, Ravens and the Widow

Nang panahon ng nahating kaharian, marami ring mga propeta – may tinatawag pa ngang “school of prophets.” Hindi rin naman lahat sa kanila ay faithful sa Dios. Pero merong talagang tapat sa Dios tulad ni Elias sa panahon ni Haring Ahab, ang pinakamasamang naging hari ng Israel. Ito ang nangyari ayon sa 1 Kings 16:29 – 17:24:

Naging hari ng Israel si Ahab, anak ni Omri, ilang taon bago matapos ang paghahari ni Asa sa Judah. Pero kaiba kay Asa, masama ang ginawa ni Ahab sa paningin ng Dios, malala pa sa mga ginawa ng mga haring nauna sa kanya. Hindi pa siya nasiyahan sa paggawa ng mga kasalanang ginawa ni Jeroboam, kinuha pa niyang asawa si Jezebel na anak ng hari ng Sidon. Sa impluwensiya ng kanyang asawa nagpatayo si Ahab ng templo at altar para sa dios-diosang si Baal sa Samaria. Ginalit niya si Yahweh, ang Dios ng Israel, mas matindi pa sa mga ginawa ng mga nauna sa kanya.

Sinabi ni propeta Elias kay Ahab, “Hangga’t buhay si Yahweh, walang hamog o ulan ang darating sa loob ng ilang taon hangga’t hindi ko sinasabi.”

Pagkatapos nito, dumating ang salita ng Dios kay Elias, “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Kerit na nasa silangan ng Jordan. Doon ka iinom at uutusan ko ang mga uwak na dalhan ka ng pagkain.” Ginawa nga ni Elias ang ayon sa salita ng Dios. At tulad ng sinabi ng Dios, dinadalan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi. Doon din siya umiinom sa batis hanggang matuyo na ito dahil hindi na umuulan.

At dumating ulit ang salita ng Dios sa kanya, “Pumunta ka sa Sarepta sa Sidon at doon ka tumira. May inutusan akong biyuda doon na magpapakain sa iyo.” Pumunta nga doon si Elias at sinabi sa kanya ng biyuda, “Wala na akong tinapay. Isang dakot na harina na lang ang meron ako at kaunting langis. Pag niluto ko ito at kinain namin, mamamatay na kami sa gutom.” Sumagot si Elias, “Huwag kang mag-alala. Igawa mo ako ng tinapay at dalhin mo sa akin. Tapos gumawa ka naman ng para sa iyo at sa anak mo. Sinasabi ng Dios na hindi magkukulang ang harina mo at hindi mauubos ang langis mo, hanggang dumating ulit ang ulan.” Ginawa nga ng babae ang sinabi ni Elias. At araw-araw silang nakakakain dahil hindi nauubos ang harina at langis ayon sa salita ng Dios na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.

Kinalaunan, nagkasakit ang anak ng babae at namatay. Sinabi niya kay Elias, “Galit ba kayo sa akin? Pumunta ba kayo rito para parusahan ako sa kasalanan ko?” Sabi ni Elias, “Ibigay mo sa akin ang bata.” Kinuha ni Elias ang bata, inihiga, at nanalangin, “O Yahweh na aking Dios, buhayin po ninyo ang batang ito.” Sinagot ng Dios ang hiling niya at muling nabuhay ang bata. Agad na sinabi ng babae kay Elias, “Ngayon, nalalaman ko na kayo’y lingkod ng Dios at totoong lahat ng salita ng Dios na sinabi n’yo.”

The Word of God

Ang dami nating matututunan sa kuwentong ito. Pero magfocus lang tayo tungkol sa itinuturo ng Dios tungkol sa salita niya o sa pakikipag-usap niya sa atin. Paano nagsasalita ang Dios? Nagsasalita ang Dios sa iba’t ibang paraan. Directly, kinakausap niya si Elias. “Dumating ang salita ng Dios kay Elias…” Paulit-ulit itong binabanggit. Narinig niya ang utos ng Dios sa kanya. Pumunta kay Ahab. Pumunta sa biyuda sa Sidon. Indirectly naman, kinakausap din siya ng Dios. Iyong ibong pinadala ng Dios para pakainin siya, sinasabi ng Dios, “Nandito ako para ibigay lahat ng kailangan mo.” Si Ahab, kinausap din ng Dios sa pamamagitan ni propeta Elias, words of judgment naman. Ang biyuda, words of encouragement, a promise. And through miracles, nalaman niyang nagsasalita ang Dios. So obviously, gagamitin ng Dios ang iba’t ibang paraan para makipag-usap sa atin.

Kanino nagsasalita ang Dios? Nagsasalita ang Dios sa iba’t ibang uri ng tao. Sa hari man o sa propeta. Sa masamang tao man o sa matuwid. Sa mayaman man o sa mahirap. Sa buhay man o sa patay na. Sa Israelita man o sa di-Israelita. Sa nakikinig man at sumusunod sa salita niya, o sa mga taong nagbibingi-bingihan at sumusuway sa salit niya. The point is, sino ka man, gusto kang kausapin ng Dios. Kung nagtitiwala ka sa kanya, palalakasin niya ang loob mo. Kung sumusuway ka, sasawayin ka niya at bibigyan ng babala. Kung ano ang kailangan mo sa oras na ito, iyon ang sasabihin ng Dios.

Bakit nagsasalita ang Dios? Nagsasalita ang Dios para patunayang totoo ang salita niya. Na kapag sinabi niyang iyon ang mangyayari, siguradong mangyayari. Sinabi niyang hindi uulan, iyon ang nangyari. Sinabi niyang uutusan niya ang ibon para kay Elias, iyon ang nangyari. Buti pa nga ang ibon at ulan, sumusunod sa utos ng Dios! Si Ahab at ang mga Israelita hindi! Sinabi niya, sa pamamagitan ni Elias, sa biyuda na di sila mauubusan ng pagkain, iyon ang nangyari. Sinabi niyang mabubuhay ulit ang bata, iyon ang nangyari. Kapag Dios ang nagsabi, garantisado. No second-guessing. It is not 90% sure. But 100%. We can be confident in his word.

Nagsasalita din ang Dios para patunayang siya lamang ang totoong Dios. Ang isyu dito ay ang pagsamba sa dios-diosang si Baal. Marami pang iba, pero primary ‘to. Si Baal ang god of fertility ng mga taga-Sidon. Na siya ang nagpapatubo sa mga pananim (fertility of land), at nagbibigay din ng mga anak (fertility of woman). Dinala ito ni Jezebel, anak ng hari ng Sidon, na napangasawa ni Ahab. Hindi pinaulan ng Dios, para patunayang ang pagtubo ng pananim ay sa kanya nanggagaling, hindi kay Baal. Pinapunta si Elias sa isang pamilya sa Sidon, para patunayang sa lupaing iyon, hindi si Baal ang hari, kundi si Yahweh. Nang mamatay ang anak ng babae, binuhay ulit ng Dios para patunayang sa kanya nanggaling ang buhay, hindi kay Baal. Ang kapangyarihan ng salita ng Dios ay patunay na siya lamang ang nag-iisang Dios. Si Ahab at mga Israelita, salawahan, hindi naniwala sa Dios. Buti pa ang biyudang taga-Sidon naniwala.

Elijah Versus the Prophets of Baal

Mas magiging malinaw ito sa susunod na bahagi ng kuwento. Galing ito sa 1 Kings 18-22; 2 Kings 1-2:

Pagkaraan ng tatlong taong tagtuyot sa Israel, dumating ulit kay Elias ang salita ng Dios, “Pumunta ka kay Ahab, at ako’y magpapaulan na.” Pagdating ni Elias kay Ahab, sinabi ni Ahab sa kanya, “Ikaw ba iyan, na nanggugulo sa Israel?” Sumagot si Elias, “Ikaw ang nanggugulo, dahil tinalikuran n’yo ang mga utos ng Dios at sumamba kay Baal. Ngayon tipunin mo ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera.” Nang matipon na ito ni Ahab, kasama ang mga Israelita sa Bundok Carmel, sinabi ni Elias sa mga tao, “Kailan pa ba kayo magiging salawahan? Kung si Yahweh ang Dios, siya ang sambahin n’yo. Kung si Baal, siya ang sundin n’yo.” Hindi nakaimik ang mga tao.

Hinamon ni Elias ang mga propeta ni Ahab, “Magkatay tayo ng tig-isang toro. At ilagay sa ibabaw ng gatong. Tumawag kayo sa dios n’yo. At tatawag din ako sa Dios ko. Kung sino ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ay siya ang tunay na Dios. Mauna na kayo.” Ganoon nga ang ginawa ng mga propeta ni Baal, at tumawag sila, “O Baal, sagutin mo kami!” Ginawa nila ito mula umaga hanggang tanghali. Sumayaw-sayaw pa sila sa palibot ng altar pero wala pa ring nangyari. Tanghaling tapat na ng sinabi ni Elias, “Sige, lakasan n’yo pa! Baka nagpapahinga lang siya o natutulog o may pinuntahan, gisingin n’yo!” Kahit sinugatan pa nila ang sarili nila, wala pa ring sumagot sa kanila.

Pinalapit ni Elias sa kanya ang mga tao. Nanalangin siya, “O Yahweh, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, patunayan n’yo sa araw na ito na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa salita n’yo. O Yahweh, pakinggan n’yo po ako para malaman ng mga tao na kayo si Yahweh, ang Dios, at pinababalik n’yo ang kanilang puso palapit sa inyo.” Dumating agad ang apoy na galing sa Dios at sinunog nito ang handog at ang lahat ng kinalalagyan nito. Nang makita ito ng mga tao, lumuhod sila at sinabi, “Si Yahweh ang Dios! Si Yahweh ang Dios!” Atayon sa utos ni Elias, pinagpapatay nila ang mga propeta ni Baal at walang nakatakas kahit isa. Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, di nagtagal ay dumilim ang langit dahil sa makapal na ulap, humangin at umulan nang malakas.

Pag-uwi ni Ahab, isinumbong niya sa asawa niyang si Jezebel ang mga ginawa ni Elias. Kaya pinasabi ni Jezebel kay Elias, “Isinusumpa kong bukas na bukas din ay ipapatay kita tulad ng ginawa mo sa mga propeta.” Natakot si Elias kaya tumakas siya at lumayo. Sabi niya sa Dios, “Sobra na ito, Panginoon. Mainam pa sana’y mamatay na lang ako.” Nakatulog si Elias at paggising niya ay may nakita siyang tinapay at inumin. Kumain siya at uminom at pinalakas ng Dios. Naglakbay siya sa loob ng 40 araw hanggang makarating sa Horeb, ang bundok ng Dios. Pumasok siya sa isang kuweba at doon natulog.

Dumating ang salita ng Dios, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” Sumagot si Elias, “Ako na lang po ang natitira sa mga lingkod n’yo. Ang mga Israelita ay tumalikod na sa inyong kasunduan. At gusto pa nila akong patayin.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin na dumurog sa mga bato, pero wala ang Dios sa hangin. Lumindol, pero wala ang Dios sa lindol. May apoy na dumating, pero wala pa rin ang Dios doon. Pagkatapos may narinig na tinig si Elias na parang isang bulong. Sinabi ng Dios sa kanya, “Huwag kang manghina, naglaan ako ng 7,000 Israelita na hindi luluhod at hahalik sa larawan ni Baal.” Pagkatapos nito, pinili ng Dios si Eliseo na pumalit kay Elias. Si Elias naman ay sinundo ng isang karwaheng apoy na hinihila ng kabayong apoy at dinala ng isang malakas na ipu-ipo paakyat sa langit. Pagkaraan ng ilang taon, lahat ng sinabi ni Elias na parusa ng Dios kina Ahab at Jezebel ay nagkatotoong lahat.

The Word of God

Paano nagsasalita ang Dios? Nagsasalita ang Dios sa iba’t ibang paraan. Directly, nakikipag-usap siya kay Elias. “Dumating ang salita ng Dios kay Elias…” Indirectly, nang tumakas si Elias kay Jezebel, nagpadala ang Dios ng pagkain, na indirectly sinasabi, “Narito ako para palakasin ka.” Indirectly through prophet Elijah to Ahab and the Israelites. Obvious sa pamamagitan ng apoy, not so obvious sa pamamagitan ng isang bulong. God can speak to a man in private. God can speak in public. Gagamitin ng Dios iba’t ibang paraan para kausapin ka, para makinig ka sa kanya.

Sino ang gusto niyang kinakausap? Nagsasalita ang Dios sa iba’t ibang uri ng tao. Napatunayan ng Dios ang salita niya sa isang biyuda sa Sidon sa kuwento kanina, dito naman sa mga Israelita na.

Bakit nagsasalita ang Dios? Nagsasalita ang Dios para patunayang totoo ang salita niya. Kapag sinabi niyang uulan na, iyon nga ang mangyayari. Kapag sinabi niyang paparusahan niya sina Ahab at Jezebel, iyon nga ang kakila-kilabot na mangyayari. Kapag sinabi niyang babagsak ang apoy, iyon ang mangyayari. Totoo ang salita ng Dios.

Nagsasalita din ang Dios para patunayang siya lamang ang totoong Dios. Ginamit niya si Elias na lingkod niya na ang ibig sabihin ng pangalan ay, “si Yahweh ang Dios.” Si Baal, di nakikinig sa panalangin, ang Dios lang ang totoong tumutugon sa panalangin. Kaya kailangang magdesisyon ang mga Israelita, hindi puwedeng namamangka sa dalawang ilog, salawahan. At iyon nga ang nasabi nila, “Si Yahweh ang Dios! Si Yahweh ang Dios!” Gusto ng Dios na ipakita ang sarili niya, at hindi na natin maikailang siya lang ang tunay na Dios.

Kung titingnan natin ang mga kuwento ngayon, makikita nating ginagawa ng Dios ang lahat ng ito para kausapin ang tao dahil dito: God draws near through his word (Inilalapit ng Dios ang sarili niya sa atin sa pamamagitan ng salita niya). Narinig natin ang panalangin ni Elias, “O Yahweh, pakinggan n’yo po ako para malaman ng mga tao na kayo si Yahweh, ang Dios, at pinababalik n’yo ang kanilang puso palapit sa inyo.” Iyan ang gustong mangyari ng Dios sa simula’t simula pa. Hanggang ngayon ganoong pa rin. Naririnig mo ang salita ng Dios ngayong Linggo at sa araw-araw sa pamamagitan Biblia, ng Banal na Espiritung nasa iyo, ng ibang tao, ng mga nangyayari sa buhay mo. Gusto kang kausapin ng Dios. Gusto niyang mapalapit sa iyo. Dahil di tayo lumalapit sa kanya, siya na ang gumawa ng paraan.

Jesus, the Word of God

God draws near through THE WORD – Jesus Christ. Kitang-kita natin ang pagkakatulad ng ministeryo ni Elias sa ministeryo ni Jesus. Si Elias, nakikinig sa salita ng Dios at sumusunod dito. Pero si Jesus, higit pa doon, nakikinig siya sa  Hindi lang siya nagbibigay ng tinapay, siya ang tinapay ng buhay. Hindi lang siya nagbibigay ng buhay, siya ang ating buhay. Kaya nga siya ang katuparan ng lahat ng mga propeta. He is the ultimate Prophet. Siya ang Salita ng Dios na nagkatawang tao, sabi ni Juan (1:1, 14). We draw near to God through his word, ultimately through Jesus Christ, the living Word. Hindi sapat na marinig lang natin ang salita ng Dios, kasi nga hindi tayo makakalapit din sa kanya dahil sa ating kasalanan. Kaya iyon ang ginawa ni Jesus. Inilapit niya sa atin ang Dios, para lubusan natin siyang makilala. Kung sino si Jesus, iyon ang Dios. At tinananggal niya ang balakid ng kasalanan para lubusan tayong makalapit sa Dios. “Long ago, at many times and in many ways, God spoke to our fathers by the prophets, but in these last days he has spoken to us by his Son…” (Heb. 1:1-2).

Our Response

Ngayong alam nating nagsasalita ang Dios – hanggang ngayon, sa bawat isa sa atin, sa iba’t ibang paraan (lalo na sa Biblia), para patunayang siya lang ang Dios at totoo lahat ng salita niya, may gustong tugon ang Dios na gawin natin.

Hilingin natin ang palagiang pagdating ng salita ng Dios sa atin. Kung gusto talaga natin, sabihin natin sa Dios, “Lord, tulad po ni Elias na kinakausap n’yo, ganoon din po ang gusto ko ngayon.” Tulad ni Samuel na sinabi sa Dios, “Speak, Lord, for your servant is listening.” Pakinggan natin ang salita ng Dios. Hindi pakinggan si pastor o ang sermon, kundi ang Dios. May pagkakaiba iyon. Hindi lang basahin ang Biblia, kundi pakinggan ang Dios. May pagkakaiba din iyon. Nagsasalita palagi ang Dios, ang problema lang di tayo nakikinig. At kapag narinig natin siya… Mamuhay tayo ayon sa salita ng Dios. Ganito ang pattern ng buhay ni Elias: “Dumating sa kanya ang salita ng Dios…Ginawa niya ang ayon sa salita ng Dios.” Iba kasi iyong nakikinig lang pero binabalewala naman. Si Ahab, si Jezebel, at mga Israelita, naririnig din ang salita ng Dios, pero di sila namuhay ayon sa salita ng Dios.

Manalangin tayo ayon sa salita ng Dios. Sabi ni James, “The prayer of a righteous person (iyong nakikinig at namumuhay ayon sa salita ng Dios) has great power” (James 5:16-18). Tulad ni Elijah, sinabi niyang umulan, umulan. Hiniling niya ang apoy, bumagsak ang apoy. Hindi ba natin magagawa iyon? Isa lang naman ang Dios natin di ba? Nasa atin din naman ang salita ng Dios? Bakit di natin hilingin sa Dios na patunayan niyang totoo ang salita niya, na siya lamang ang totoong Dios? That’s why our prayer is so weak, because we do not pray like this. Pray like these, “Raise the dead, Lord!” He will do it. May gagawin din tayo. Sabihin natin sa iba ang salita ng Dios – na ito’y totoo at siya lang ang totoong Dios. Hindi tayo hihintong ikuwento sa iba ang Story of God. Hindi tayo hihinto kasi gusto nating masabi din ng mga tao, “Jesus is Lord! Jesus is Lord!”

Masabik tayong balang araw ay harapan nating maririnig ang salita ng Dios. Hindi namatay si Elias. Dinala siya ng Dios diretso sa langit na parang sinasabi, “Tapos na ang pinapagawa ko sa Dios. Dito ka na at mag-usap tayo.” Iyan din ang dapat nating kasabikan, makausap nang mukhaan ang Dios.

One thought on “God Draws Near through His Word

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s