God Brings Light Out of Darkness

April 1, 2012  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Judges 17-21; Ruth 1-4

Download   sermon notes    story guide   story graphics 
Listen now…

Note: To download the audio (in mp3), click the “menu” button on the bottom right corner of the sermon player.

We Don’t Select the Stories We Need to Hear

Alam nating lahat ang kuwento kung bakit may Palm Sunday. Ilang araw na lang bago patayin at ipako sa krus ang Panginoong Jesus, pumasok siya sa Jerusalem (ang political at religious center ng Israel). Sakay ng isang asno, sinalubong siya ng mga tagasunod niya na nagsisigawan sa tuwa dahil sa mga himalang nasaksihan nilang ginawa ni Jesus. Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala. Mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. Purihin ang Dios sa langit” (Luke 19:35-38).

Maganda ang kuwento ng isang pamilya at isang bayang ang Dios ang kinikilalang hari. At pinangungunahan ng mga taong maka-Dios. Pero kapag ang isang pamilya o isang bayan ay malayo sa Dios, hindi maganda ang kuwentong kalalabasan. Kapag palayo nang palayo sa Dios at hindi na siya ang kinikilalang hari, pasama nang pasama ang kuwento. At ayaw nating marinig ang ganitong kuwento, ayaw nating iparinig o ipanood sa mga anak natin. Siyempre pipiliin nating pakinggan o panoorin ang magagandang kuwento. Kapag nanonood kayo ng isang pelikula tapos kasama n’yo ang anak n’yo, sa kalagitnaan bigla na lang may eksenang sobrang malaswa o sobrang violent, gusto n’yong takpan ang mata at tainga niya.

Pero ibang usapan na kapag mga kuwento sa Bibliya ang pag-uusapan natin. Pinili ito ng Dios na ilagay dito para ibukas natin ang mata at tainga natin para tingnan, pakinggan, at pag-isipan. May mga bagay dito na parang ayaw nating ikuwento sa bata o kahit tayo ayaw nating basahin dahil nakapangingilabot ang mga pangyayari. Pero hindi tayo ang pipili dito ng kuwentong papakinggan natin. Ang Dios ang pipili. May apat na kuwento na gusto ng Dios na pakinggan natin ngayon. Ang unang dalawa ay mahirap pakinggan, ang huling dalawa ay masarap pakinggan. Lahat ng kuwentong ito ay may kinalaman sa bayan ng Betlehem sa Juda na siyang pangunahing tribo o lahi ng Israel.

Two Bad Bethlehem Stories

Story of Judges 17-21. Sa panahong iyon, wala pang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay gumagawa kung ano ang tama sa paningin nila, kung ano ang gusto nilang gawin. May isang Israelita na taga-Efraim na ang pangalan ay Mica. Isang araw, sinabi niya sa nanay niya, “Narinig ko pong isinumpa n’yo ang kumuha ng 1,100 pilak n’yo. Heto na po. Ako po ang kumuha.” Sabi ng nanay niya, “Patawarin ka sana ng Dios, anak. Ihahandog ko ngayon ang mga pilak na ito para maligtas ka sa sumpa.” Pagkatapos, ang ilan sa mga pilak na ito ay pinagawa ng kanyang nanay na isang imaheng dios-diosan at inilagay sa bahay ni Mica. Nagpagawa pa si Mica ng mga dios-diosan sa loob ng kanyang bahay, at ng espesyal na damit pampari. At ginawa niyang pari ang anak niyang lalaki.

Samantala, may isang binatang Levita na nakatira sa Bethlehem ng Juda. Ang pangalan niya ay Jonatan at apo siya ni Moises. Nang umalis siya para humanap ng malilipatan, napadaan siya sa bahay ni Mica. Nang malaman ni Mica na isa siyang Levita, inalok niya ito, “Dito ka na lang tumira sa amin. Gagawin kitang tagapayo at pari. Susuwelduhan kita ng sampung pilak kada taon. Ako na bahala sa isusuot at kakainin mo.” Nang pumayag ang Levita, sinabi ni Mica, “Ngayon tiyak na pagpapalain na ako ng Dios dahil may pari na ako na mula sa lahi ni Levi.”

Isang araw, may limang lalaki na mula sa lahi ni Dan ang napadaan sa bahay ni Mica habang naghahanap sila ng lugar na sasakupin para sa lahi ni Dan. Nakita nila ang mga dios-diosan sa loob ng bahay. Nalaman din nilang ginawang pari ni Mica ang Levitang kasama niya. Pag-uwi nila, ikinuwento nila sa mga kasama nila ang nakita nila sa bahay ni Mica. Kaya bumalik sila at ninakaw ang mga dios-diosan ni Mica. Niyaya din nila ang Levita, “Sumama ka sa amin. Gagawin ka naming pari ng isang lahi ng Israel, kaysa naman ngayon pari ka lang ng isang bahay.” Pumayag naman ang pari.

Pagkatapos maibigay ng Dios sa lahi ni Dan ang Laish, ipinatayo nila roon ang mga dios-diosan na ipinagawa ni Mica at sinamba nang mahabang panahon. Si Jonatan at ang kanyang mga naging anak ang nagsilbing pari sa lahi ni Dan.

Nang panahon ding iyon, may isang Levitang taga-Efraim ang nakapag-asawa ng isang aliping taga-Betlehem sa Juda. Pero nagtaksil ito sa kanya at umuwi sa kanila sa Betlehem. Pagkaraan ng apat na buwan, nagdesisyon ang Levitang sunduin na ang asawa niya. Pinatuloy siya ng babae sa kanilang bahay. Naiuwi niya ang kanyang asawa pagkatapos ng limang araw dahil na rin sa kakulitan ng biyenan niya na ayaw pa silang paalisin. Palubog na ang araw nang makarating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin.

Matagal silang nakaupo sa plasa at akala nila’y wala nang mag-aalok sa kanila ng matutulugan. May napadaan na isang matandang lalaki, nakita sila at inalok na tumuloy sa bahay niya. Pagdating nila sa bahay, pinakain sila doon at nagkakasiyahan pa nang may dumating na mga masasamang tao at pinaligiran ang bahay ng matanda. Kinalabog nila ang pintuan at sumigaw, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.” Sumagot ang matanda, “Huwag n’yong gagalawin ang bisita ko. Kung gusto n’yo, ito na lang anak kong dalaga at ang asawa niya ang ibibigay ko sa inyo.”

Pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag nilang pinagsamantalahan ang babae. Mag-uumaga na nang bumalik ang babae sa bahay. Bumagsak na lang siya sa may pintuan ng bahay. Paglabas ng Levita para umuwi na, nakita niyang nakahandusay ang asawa niya. Sinabi niya sa kanya, “Bumangon ka na. Uuwi na tayo.” Di na sumagot ang asawa niya. Patay na pala. Inuwi niya ang bangkay ng asawa niya at pagdating sa kanila, pinagputul-putol niya sa 12 bahagi ang katawan nito at ipinadala sa 12 lahi ng Israel.

Sinabi ng mga nakakita nito, “Wala  pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto. Ano kaya ang mainam gawin ngayon?” Nagtipon ang mga Israelita sa Mizpah, at ipinatawag ang asawa ng babaeng pinatay. Pagkatapos niyang ikuwento sa kanila ang ginawa ng mga taga-Gibea, nagkaisa silang lusubin ito. Nagpadala sila ng mensahe sa mga lahi ni Benjamin na ibigay sa kanila ang mga lalaking gumawa ng kahalayang ito para patayin. Hindi sila pinansin ng mga taga-Benjamin. Kaya tinipon nila ang 400,000 sundalo para labanan ang 26,000 sundalo ng Benjamin. Pagkatapos ng labanan, iilan na lang ang natirang buhay sa lahi ni Benjamin.

Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya bawat isa ay gumagawa kahit anong gusto nilang gawin.

Idolatry, Lust, and Violence

Money, sex and power. Lumang problema na ‘to ng mga tao. Kitang-kita rin ito sa kuwento ng Israel. Kung tutuusin ang highlight nga ng kuwentong ito ay iyong problema nila sa loob, hindi mga kaaway nila na ibang bansa. There is a spiritual darkness hovering over the people Israel, the chosen nation of God. Hindi naman masama ang pera at materyal na mga bagay. Hindi naman masama ang sex at pakikipagrelasyon sa ibang tao. Hindi naman masama ang kapangyarihan at makilala ng mga tao. Pero kapag iniligay ang mga ito sa trono ng puso ng tao at hinayaang ito ang maghari, doon pumapasok ang kadiliman sa buhay, sa pamilya at sa isang bansa. Ganoon nga ang nangyari kasi walang hari sa Israel. Hindi Dios ang kinikilalang hari kundi ang sarili. Ginagawa ang gustong gawin, kahit ayaw ng Dios.

Idolatry. Nagiging problema ang money, sex, and power kung sasambahin ito. This is the attitude of idolatry: “If I don’t have it, I won’t be happy, my life is not complete.” Si Mica ninakaw ang pera ng nanay niya. Tapos gumawa ng sariling dios! Pumili pa ng sariling pari. Gusto niyang ang dios niya ay nakokontrol niya, hindi ang Dios ang kumokontrol sa kanya. Tapos ito namang galing sa lahi ng Dan, ninakaw mga imaheng ginawa ni Mica, at siyang sinamba nila pagkatapos ibigay ng Dios sa kanila ang lupang para sa kanila. Pati pari sinulot. Ito namang pari, andun ang ambisyong mas mataas ang posisyon, mas influential, di naman kalooban ng Dios. Dahil sa pera at personal na ambisyon, tinalikuran nila ang Dios.

Lust. Kung ano iyong bagay na tingin mong kailangan mo para maging masaya ka, iyon ang pinakananais mong makuha. Kung ito ay pagnanais na higit sa pagnanais sa Dios, lust ang tawag doon. “I need to get it!” Kaya nga naiingit ang mga taga-Dan kay Mica at pinagnasahan ang pari niya at mga dios-diosan. Kaya nga ang asawa ng Levita doon sa ikalawang kuwento ay naging unfaithful. Ang mga lalaki sa Gibea di makatiis sa kahalayan nila at gustong makipagtalik sa Levitang bumisita sa lugar nila. Paano kung ang isang bagay na pinagnanasahan hindi nakuha? Doon pumapasok ang violence.

Violence. “I will do whatever it takes to get it.” Kaya kinabog nila ang pintuan ng matanda para makuha ang gusto nila. Gusto nila lalaki, babae ang ibinigay. Inabuso nila, ginahasa. Walang awa, basta makuha ang gusto nila. Di bale nang masaktan ang iba. Ito namang Levita, sa halip na ipagtanggol ang asawa niya, hinayaang mangyari iyon ‘wag lang siya mapahamak. Tapos para makapaghiganti, hinati-hati ang katawan ng asawa niya para ipa-LBC sa bawat tribo ng Israel. Ang 11 tribo ng Israel nagkaisang labanan ang Benjamin. Sa halip na mga taga-Canaan ang patayin nila gaya ng utos ng Dios, sariling kababayan pa nila.

Too much idolatry, lust and violence. Ganoon pa rin naman ang nangyayari ngayon. Last week pinagpray namin ng asawa ko ang Cambodia gamit ang Operation World. Nakasulat din dito ang spiritual darkness in Cambodia. Genocide noong 1970s and 1980s. Almost all Christians (90%) and Buddhist monks were murdered. Kaya bata ang populasyon nila ngayon,  60% under 24 years. Karamihan sa kanila exploited at abused. Laganap ang kahirapan at corruption sa gobyerno kaya 1.5 million mga bata ang nagtatrabaho na. 100,000 ang nasa nasa sex trade. 20% ng mga turista ang nakikinabang dito, bukod pa sa mga locals na nahuhumaling din sa mga prostitutes. Ang mga magulang binebenta ang mga anak sa mga traffickers sa halagang 10 dollars! They have one of the highest rates of HIV in Asia. Sa Pilipinas kaya? Tinatawag pa man din tayong Christian nation, isang bansang relihiyoso at maka-Dios! Pero nandoon din ang spiritual darkness. Poverty and corruption are rampant. There were 75,000 street kids in Manila. Sex trade? 100,000 children and 400,000 women! Sex industry is the fourth largest source of income.

Hindi ba’t sa loob ng bahay nagsisimula ang ganyang problema? Merong 10 million OFWs, 245,000 seamen (the largest in the world!). That means, millions of families with at least one of the parents are absent. Children are growing up without spiritual protection. Tulad sa panahon ng Judges, hindi na naikukuwento sa kanila ang Story of God. Hindi lang naman pagan rituals, rape, o murder ang pinag-uusapan natin dito. Kapag ang mga magulang ay walang inaatupag kundi trabaho at pagpapayaman, nakikita ng bata kung sino ang dinidios nila. Ang adultery nangyayari din sa loob ng bahay sa pamamagitan ng Internet pornography. Ang lust nakikita din sa window shopping, o pagnanasa sa isang bagong kotse. Kaya para kumita, exaggerated ang presentation ng isang produkto para makabenta lang. Hindi natin nakikita ang spiritual darkness sa bahay natin, sa bansa natin kasi maaaring bulag tayo o kung hindi man, nagbubulag-bulagan sa katotohanan na ang kadiliman ay nagmumula sa puso nating walang kinikilalang hari maliban sa sarili. Gustong ipakita ng Dios na determinado siyang baguhin ‘to.

The First Good Bethlehem Story

Story of Ruth 1-4. Sa panahon ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa Israel. Kaya inilipat ni Elimelec ang kanyang pamilya – ang kanyang asawang si Naomi at dalawang anak na lalaki – mula sa Betlehem patungong Moab. Dito na namatay si Elimelec. Dito na rin sa Moab nakapag-asawa ang kanyang mga anak ng mga Moabita – sina Ruth at Orpah. Pagkatapos lang ng 10 taon namatay na rin ang dalawang lalaki.

Nabalitaan ni Noemi na pinagpala ng Dios ang bayan niya at nagbigay ulit ng mabuting ani. Naghanda siyang bumalik sa Betlehem. Kinumbinsi niya ang mga manugang niya na bumalik na lang sa kanila. Sabi niya, “Umuwi na kayo sa inyo. Ipakita sana ng Dios ang kabutihan niya sa inyo, tulad ng ginawa n’yo sa pamilya ko. Sana makapag-asawa pa kayo ulit. Huwag na kayong sumama sa akin. Mas mapait ang sinapit ko. Pinahirapan ako ng Dios.”

Nakumbinsi naman si Orpah, pero si Ruth naman ay desididong sumama sa biyenan niya. Sabi ni Noemi kay Ruth, “O, bakit nandito ka pa? Sumama ka na sa bilas mo na bumalik na sa kanila at sa kanilang dios.” Sagot ni Ruth, “Kung saan kayo pumunta, doon din ako. Ang bayan n’yo ay bayan ko rin. Ang Dios n’yo ay Dios ko rin. Isinusumpa ko sa Dios na hindi kita iiwan hanggang mamatay ako.”

Kaya isinama na ni Noemi si Ruth. Nang malapit na sila sa Betlehem, sinalubong siya ng mga kakilala niya, “Si Noemi ba ‘to?” Sagot niya, “Huwag n’yo na akong tawaging Noemi, kundi Mara dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko.”

Panahon ng anihan nang dumating sila sa Betlehem. Isang araw nagpaalam si Ruth na mamumulot siya ng mga natitira at nalalaglag na mga uhay sa bukid na inilalaan para sa mga mahihirap at mga dayuhan. Napadpad siya sa bukid ni Boaz na isang mayaman at maimpluwensiyang tao. Pagdating ni Boaz sa bukid, napansin niya si Ruth. Kinausap niya, “Anak, dito ka na lang sa bukid ko mamulot hangga’t di pa natatapos ang anihan. Ibinilin ko na sa mga tauhan ko na maging mabait sa iyo at ‘wag kang gagalawin.” Sumagot si Ruth, “Bakit po ang bait n’yo sa akin?” Sabi ni Boaz, “May nagkuwento sa akin ng mga ginawa mo para sa pamilya ni Noemi. Pagpalain ka sana ng Dios!” Pagkatapos, niyaya ni Boaz si Ruth na mananghalian kasama ang mga tauhan niya.

Paglubog ng araw umuwi na si Ruth, inuwi kay Noemi ang mga napulot niya, iniabot ang pasalubong niyang pagkaing itinira niya habang nanananghalian siya, at ikinuwento sa kanya ang mga nangyari maghapon. Natuwa si Noemi sa kuwento ni Ruth.

Isang araw, sinabi ni Noemi kay Ruth, “Anak, gusto kong si Boaz ang mapangasawa mo. Isa siyang kamag-anak at may tungkuling pangalagaan ka bilang asawa. Ihanda mo ngayon ang sarili. Mag-ayos ka. Mamayang gabi, sa may giikan, pumunta ka at hintayin mo siyang makatulog. Puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya at doon ka mahiga.”

Ginawa nga ni Ruth lahat ng ibinilin sa kanya ng biyenan niya. Nang maalimpungatan si Boaz, nagulat siya na may babae sa paanan niya. Dahil madilim, hindi niya nakilala. Kaya nagpakilala si Ruth at sinabi, “Isa po akong malapit na kamag-anak na dapat n’yong pangalagaan. Takpan po ninyo ako ng damit ninyo kung maipapangako ninyong papangalagaan ako bilang asawa.” Sumagot si Boaz, “Gusto kong gawin lahat ng sinabi mo, dahil alam naman ng lahat na isa kang mabuting babae. Kaso lang, meron pang mas malapit na kamag-anak kaysa sa akin. Sige, dito ka muna matulog ngayon. At bukas na bukas din, aalamin ko kung gagampanan niya ang tungkulin niya. Kung hindi, ako ang bahala sa iyo.”

Bago sumikat ang araw, bumangon si Ruth at umuwi kay Noemi. Ikinuwento niya ang plano ni Boaz. Sabi ni Noemi, “Maghintay ka, anak, dahil hindi iyan hihinto hanggang maisaayos niya ngayon ang hinihiling mo.”

Nang araw ding iyon, pumunta nga si Boaz sa may pintuang bayan kung saan pinapagtibay ang mga usaping legal. Tinawag niya ang mga matatanda at mga saksi. Kinausap niya ang lalaking tinutukoy niya at tinanong kung gusto niyang tubusin ang mga pag-aari ni Elimelec, pati na rin ang biyudang si Ruth para mapangasawa. Hindi pumayag ang lalaki at sinabi, “Ikaw na lang ang tumubos.” Iniabot niya ang isa niyang sandalyas bilang katibayan ng transaksiyon. Sinabi ni Boaz, “Saksi kayong lahat sa araw na ito na tutubusin ko ang mga pag-aari ni Elimelec na ipinamana sa asawa ni Ruth, at kasama nito ay pakakasalan ko si Ruth para manatili ang lahi ng asawa niya kung magkaroon kami ng anak.”

Ikinasal sina Boaz at Ruth. Niloob ng Dios na magkaanak sila ng isang lalaki. Pinangalanan nilang Obed ang apo ni Noemi. At naging apo naman nitong si Obed ay si David, na siyang magiging hari sa Israel.

Loyalty, Love, and Sacrifice

Money, sex and power are not bad. God created them to bring him glory. Pero naging Dios ito ng mga Israelita kaya nagkaroon ng spiritual darkness sa bansa nila. Pero may liwanag tayong nasilayan sa kuwento ni Ruth.

Loyalty, not idolatry. “I don’t need it to be happy, my life is complete, I have God. I will use it for the glory of God.” Initially hindi ito nakita sa pamilya ni Elimelec. Pumunta sila sa Moab dahil sa taggutom at nagkulang sa tiwala sa Dios. Pinag-asawa pa ng Moabita ang mga anak, na ipinagbabawal din ng Dios. Pero naipakita ito sa loyalty hindi ng isang Israelita kundi ng isnag Moabita! Ipinakita ni Ruth ang loyalty niya lang kay Noemi, kundi sa Dios ni Noemi. Iniwan niya si Chemosh na dios ng mga Moabita at kumapit kay Yahweh ang Dios ng Israel, na siya namang tinalikuran ng maraming Israelita. Nagsimula ito sa pamilya ni Noemi nang maikuwento nila kay Ruth ang tungkol kay Yahweh. Si Boaz din, sumusunod sa Dios sa utos na mag-iwan ng mga ani para sa mahihirap at dayuhan. Hindi niya sinamba ang pera. He used his influence for the glory of God.

Love, not lust. “I want to give what people need to be happy, namely, God.” Naipakita ni Ruth kay Noemi ang kabutihan ng Dios nang magpakasipag siya sa pagtatrabaho. Naipakita din ni Boaz ang kabutihan ng Dios kay Ruth at Noemi nang maging mabait siya sa kanila at bigyan ng mga kailangan nila. Love desires to give. Lust desires to get. Medyo naging tense ang situation nang isang gabing madilim, si Boaz at Ruth lang ang nasa giikan. Parehong walang asawa. Kung sa mga pelikula ngayon, alam n’yo na kung saan mauuwi ito. Pero hindi ganoon ang nangyari dito. Boaz was a man of honor. Ipinangako niyang aalagaan niya si Ruth, hindi pagsasamantalahan.

Sacrifice, not violence. “I will do whatever it takes to make others happy in God.” Boaz, kung ang isang lalaki ang kalooban ng Dios para kay Ruth, OK lang sa kanya. Hindi niya ipipilit ang gusto niya. Handa siyang magsakripisyo, na isantabi ang personal na interes alang-alang sa kalooban ng Dios para kay Ruth. Ibang-iba ‘to sa nangyari sa Gibea sa kuwento natin kanina. Ganoon din naman si Ruth, nagsakripisyo siya na iwan ang sarili niyang bayan, para alagaan ang biyenan niya!

The Second Good Bethlehem Story

Madilim noon sa Israel, pero may liwanag na makikita. May pag-asa pa. Paano mangyayari ‘to? How can change happen? From darkness to light! From despair to hope! From sin to righteousness! Paano ito mangyayari sa Israel? Sa Cambodia? Sa Pilipinas? Sa loob ng bahay natin? Sa sariling buhay natin? May dalawang sagot akong ibibigay.

Ang isa ay makikita sa kuwento ni Ruth. May liwanag doon kasi may Dios na kumikilos. Siya ang nagbigay ng ulan para magkaroon ulit ng bunga ang mga pananim nila. Siya ang gumabay kay Ruth para mapadpad siya sa bukirin ni Boaz. Siya ang may hawag ng sitwasyon para magkatuluyan sina Boaz at Ruth. Siya ang nagkaloob ng anak sa kanila. Siya ang kumilos para mapalitan ang kawalan ni Noemi ng kasagaan. Siya ang kumikilos sa kuwentong ito para ihanda ang pagdating ng isang hari na ibibigay niya sa Israel para muling magkaroon ng liwanag sa bansa nila – ang apo ng anak nina Boaz at Ruth, si Haring David. Sa susunod na mga linggo maririnig natin ang kuwento tungkol sa kanya. Pero ngayon ipinapakita na ng Dios sa atin kung sino siya at ano ang ginagawa niya kahit sa mga panahon ng kadiliman at para bang wala nang pag-asa. God brings light out of darkness.

May isa pa akong sagot sa tanong ko kanina. Natatandaan n’yong sinabi kong apat ang kuwento ko ngayon at lahat may kinalaman sa Betlehem? Pero di ko na kailangang ikuwento sa inyo kasi alam na ninyo kung ano ang nangyari 1,000 taon pagkatapos ng kuwento natin ngayon. May isang Hari na isinilang sa Betlehem. Siya ang “Anak ni David” (Matt. 1:1). Nang makita siya ni Simeon nang ihandog siya sa templo, na naghihintay ng pagdating ng hari ng Israel, sabi niya, “Siya ang magbibigay-liwanag” (Luke 2:32) hindi lang sa Israel pati rin sa mga hindi Judio (tulad ni Ruth!). Jesus said, “I am the Light of the World” (John 8:12). At ang Dios din ang gumawa at nagbigay liwanag sa buhay natin nang marinig natin ang kuwento ni Jesus (2 Corinthians 4:6). God brings the light of the gospel of Jesus out of the darkness of our sinful hearts.

Anong pag-asa ng Israel, Cambodia, Pilipinas, at ng bayan natin na nababalot ng gawa ng kadiliman? Tayo na mga tinawag ng Dios mula sa kadiliman tungo sa kanyang kahanga-hangang liwanag (1 Peter 2:9-10), at dahil nasa atin si Jesus, we are the light of the world (Matthew 5:14, 16). Nakita namin iyan nang nagprayerwalk kami ng asawa ko sa plaza, ipinakita niya ang kadiliman sa paligid, at maging sa sariling puso namin na hindi buo ang pagsunod sa kanya. Ito rin ang gusto niyang ipakita sa iyo ngayon.

Transfer the throne back to God. Di mo makikita ang liwanag sa buhay mo hangga’t ikaw ang naghahari-harian diyan. Bakit di mo ipaubaya sa kanya? Trust in the God who sits on the throne. Kung ganito ang gagawin natin, at tutulungan ang pamilya natin at ibang pamilya na ganito rin ang patuloy na gawin, makikita natin ang liwanag sa buhay, bahay at bayan natin.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s