Pangako (Ruth 3)

You are Here: Home / Sermons / Ruth: Isang Kuwento ng Pag-asa / Pangako (Chapter 3)

October 16, 2011 | By Derick Parfan Scripture: Ruth 3:1-18

Listen Now

Downloads

Problema nina Naomi at Ruth – Hindi lang Pagkain, kundi Pamilya

Isa sa malaking problemang kinakaharap ng marami ngayon ay ang problema sa pagkain araw-araw, at ang perang kailangan para mapambili ng pagkain. Isa ito sa problema ng magbiyenan na sina Naomi at Ruth. Simula pa lang ng kuwento ito na ang problema ni Naomi at ng kanyang pamilya kaya sila umalis sa Bethlehem at nangibang-bansa. At mas naging problema pa ng mamatay ang kanyang asawa at dalawang anak. Siyempre kapag nawala na ang breadwinner sa family, problema ‘yan. Pero nakita nating sa pagbalik ni Naomi at Ruth sa Bethlehem, unti-unti nilang nakita ang kabutihan ng Diyos sa pagtugon sa kanilang problemang ito. Ang Diyos ang nagpaulan, nagbigay ng ani sa mga pananim. Siya rin ang gumabay kay Ruth na mapunta doon sa bukid ni Boaz, na siyang napakabait ng pakikitungo sa kanya. Dahil sa Diyos, sa pamamagitan ni Boaz, solved na ang problema nila sa pagkain.

Problema ang pagkain, pero may solusyon na gagamitin ang Diyos. Tulad ng mga kababayan natin na taga-Calumpit na binaha noong bagyong Pedring. Sumama kami sa relief operation ng World Vision nitong nakaraang araw. Narinig namin ang kuwento na kung paanong maraming pamilya na nasa bubong ng bahay nila nang 5 araw! Problema ang pagkain siyempre, kaya nandoon din ang World Vision para magpadala ng mga relief packages. May solusyon na gagamitin ang Diyos.

Problema nga ang pagkain pero may isang mas malaking problema na mahirap solusyonan. Ang problema sa pamilya mismo. Kapag isang barangay na may problema sa mga asawa nila, di ka naman puwedeng magpadala ng isang truck na pamalit sa asawa na parang relief goods. Ganoon din kapag may problema sa relasyon sa anak, sa kapatid, o sa biyenan. Mas mahirap solusyonan kung kulang sa pamilya, kung sira ang pamilya. Problema na nga, magiging daan pa ng higit na malaking problema sa buhay at sa lipunan natin. Tulad ng nangyaring ito noong isang linggo lang dito sa bayan natin…

[Watch this video – ABS-CBN XXX Oct. 10 Episode – part 1, part 2]

Sa simula parang ang hirap panoorin nito. Bakit nangyayari ito? Pero sa bandang huli may makikita tayong pag-asa. Ganoon din sa panahong isinulat ang kuwento ni Ruth. Panahon ng mga hukom (1:1). Madilim at nakapangingilabot ang mga nangyayari noon. Kung titingnan niyo ang dulo ng book of Judges (chap. 17-21) makikita n’yo ang tinatawag na Bethlehem Trilogy. Ang tatlong pangyayaring ito ay nagsimula sa pangungusap na, “In those days there was no king in Israel, everyone did what was right in his own eyes” (17:6; 21:25). Dahil hindi sila naging tapat sa pangako nila sa Diyos na siya lang ang sasambahin at paglilingkuran, sumasamba na sila sa mga hindi tunay na diyos. Dahil hindi sila naging tapat sa pangako nila sa isa’t isa na gagawin nila ang para sa ikabubuti ng kanilang kapwa at mamahalin ang kapwa gaya ng sarili, ang mga lalaki may mga kabit, ang mga lalaki nanggagahasa hindi lang ng babae kundi kapwa lalaki din, sarili nilang kababayan pinapatay nila, at kung anu-anong pang kabababuyan at karahasan.

Sa napakadilim na kalagayan ng bansa nila at ng maraming pamilya sa Bethlehem, may liwanag tayong masisilayan sa nangyari sa isang pamilya. At ito ang disenyo ng Diyos sa relasyon ng bawat isang pamilya na meron tayo. May liwanag, may pag-asa, kung tutupad tayo sa mga pangakong binitawan natin at panghahawakan ang pangako ng Diyos sa atin. Ito ang makikita nating unti-unting liwanag sa Ruth, lalo na sa chapter 3.

Ang Plano ni Naomi

Ilang araw na ring magkasama sina Naomi at Ruth, magbiyenan pero parang mag-nanay ang turingan. Ang nanay ni Ruth si Naomi, hindi lang biyenan. Ang anak ni Naomi si Ruth, hindi lang manugang. Pinoproblema nila noon ang pagkain pagbalik ni Naomi sa Bethlehem, pero may solusyon na. Hangga’t niloloob ng Diyos na ipakita ang kanyang masaganang kabutihan sa kanila at sa lupa na patuloy ang pagtubo ng halaman at pamumunga, wala silang poproblemahin. Hangga’t meron ding Boaz na may mabuting kalooban na hahayaan si Ruth na mamulot ng mga uhay ng sebada o barley sa kanyang bukirin, sagana sila sa pagkain.

Pero isang araw, naisip ni Naomi na hindi lang naman pagkain ang problema nila, mas mainam, mas makakabuti sa kanila ni Ruth kung kumpleto ang pamilya. Pero alam niyang matanda na siya at mukhang malabo na. Kaya bilang pagpapakita din ng kabutihan kay Ruth, sinabi niya, “Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo” (3:1 ASD). Bagamat medyo maayos na ang sitwasyon nila, alam ni Naoming iba pa rin kung may asawa si Ruth, iba pa rin ang alaga ng asawa kaysa biyenan o nanay, kung ang asawang iyon ay ayon sa kalooban ng Diyos siyempre. Merong puwang sa puso ni Ruth – security, comfort, love – na isang asawa lang ang makapagbibigay. Ito rin naman ang puso ni Naomi para sa manugang niya, dahil sa chapter 1 pa lang panalangin na niya, “At loobin sana ng PANGINOON na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan” (1:8 ASD).

Kaya may naisip na plano si Naomi. Siguro hinihintay niya si Boaz na siyang gumawa ng sariling hakbang. Pero dahil wala pang ginagawang hakbang itong si Boaz (na malalaman natin mamaya ang dahilan kung bakit), nagplano na si Naomi na sabihang si Ruth ang mag-initiate, magpropose.  Tinawag niya si Ruth, “Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin, na ang mga utusang babae ay nakasama mo sa pagtatrabaho? Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi” (3:2 ASD).

Pagkatapos nito, isa-isang inilatag ni Naomi ang kanyang mapangahas na plano, na kung susunding lahat ni Ruth ang bilin niya, maganda ang mangyayari: “(1) Maligo ka, (2) magpabango, (3) at isuot ang pinakamaganda mong damit. (4) Pumunta ka sa giikan, (5) pero huwag kang magpakita sa kanyang hanggang sa makakain at makainom siya. (6) Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya mahihiga. (7) At kapag nakatulog na siya, puntahan mo (8) at iangat ang kumot sa paanan niya, (9) at doon ka mahiga. At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo” (3:3-4 ASD).

Kung maririnig natin ang mga ito, kung anu-ano na ang tatakbo sa isip natin. Ano bang klaseng biyenan o nanay ito, papupuntahin si Ruth kay Boaz gabing-gabi? Ano na lang iisipin ng mga tao kapag may nakakita? E paano kung may mangyaring masama sa kanila, paano kung mapagkamalan siyang prostitute? Paano kung pansamantalahan siya ni Boaz? Paano kung ganito, ganoon? Alam ni Naomi ang iniisip niya, hindi siya gagawa ng anuman para mapahamak itong si Ruth. Kilala rin niya si Boaz. He is a worthy man (2:1). Napatunayan na rin nilang gagawin ni Boaz ang lahat para makapagprovide at maprotektahan silang magbiyenan. At kilala rin niya ang Dios na siyang gagabay sa bawat hakbang na mangyayari.

At alam din ni Naomi na itong si Boaz ay isang malapit na kamag-anak na sa kautusan na bigay ng Diyos sa mga Israelita ay siyang may tungkuling sumalo sa naiwang responsibilidad ng namatay na asawa ni Ruth. Si Boaz ay isang “kinsman-redeemer.” Gusto ni Naomi na mapangasawa ni Ruth si Boaz hindi dahil si Boaz ay “isang matandang mayamang malapit nang mamatay” – hindi pansariling interes lang, kundi bilang pagsunod din sa kalooban ng Diyos. Ayon ito sa utos ng Diyos sa kanila (makikita sa Deut. 25) para maingatan ang pangalan, kapakanan, ari-arian at kinabukasan ng isang pamilya. Kapag namatay ang isang lalaki, ang kanyang sumunod na kapatid o kung wala man ay siyang pinakamalapit na kamag-anak ang sasalo sa naiwang responsibilidad ng kamag-anak at papakasalan ang babae. Ginagawa niya ito para kay Ruth – para mapabuti siya. This is redemption for the family through marriage.

Ang Pagsunod ni Ruth

Bagamat galing si Ruth sa ibang kultura (Moab), nakita n’yang maganda ang kulturang ito dahil ang Diyos ang nagpanukala. Kaya naman, imbes na magreklamo at sabihing, “Ang dami mo namang inuutos. At ayoko nga, hindi siya ang type ko, bakit ba ikaw ang masusunod, eh buhay ko ‘to?” Sagot niya, “Gagawin ko po ang lahat (may diin sa orihinal) ng sinabi ninyo” (3:5 ASD). Dahil totoo si Ruth at pinaninindigan ang kanyang sinumpaang pangako sa 1:15-16 na “ang mga kababayan n’yo ay magiging kababayan ko rin at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin” sumunod siya sa biyenan niya. Dahil bahagi ng utos ng Dios sa bayang Israel, “Kaya pumunta siya sa giikan para gawin ang lahat ng sinabi sa kanya ng biyenan niya” (3:6 ASD).

Hindi natin ito maiintindihan mabuti kasi sa kultura natin pangunahin ang feeling in love sa pag-aasawa. Marriage is about commitment – to God and family. Kaiba ito sa notion ng maraming kabataan ngayon na marriage is about being in love. Kapag kinilig, nagkaboyfriend na. Tandaan n’yo ‘to, mga kabataan, ang relasyon ng mag-asawa ay hindi nakabatay lang sa pagiging in-love, kung doon lang iyon, ang daling magdesisyong makipaghiwalay. Sumpaan ito ng inyong pangako, ng inyong commitment. Mga nanay, mga tatay, maganda po kung ganito rin maituturo natin sa mga anak natin. Huwag nating hayaang mga love stories sa TV o movies ang magturo sa kanila. At siyempre, magandang makita sa inyong mag-asawa na marriage is about commitment.

Kaya ayon sa plano ni Naomi, sumunod si Ruth at ito nga ang ginawa niya. Naligo siya, nagpabango, nagsuot nang maayos na damit, at pumunta na sa giikan ng sebada. Tulad din ng bilin sa kanya hinintay muna niyang makatulog si Boaz at hindi muna siya nagpakita. Dahil si Boaz ang may-ari at marahil gustong mabantayan at masiguradong magiging maayos ang paggigiik ng mga naani, doon na rin siya pumirmi at natulog. Kaya makatapos maghapunan, maya-maya lang ay inantok na at nakatulog. Nang makita ni Ruth na mahimbing na sa pagkakatulog at naririnig nang humihilik, tiniyak niya ring walang nakakitang iba, “Dahan-dahang lumapit si Ruth at iniangat ang kumot sa paanan niya at nahiga roon” (3:7).

Habang nakahiga, naghihintay lang siya kung ano ang mangyayari, hinintay niyang magising si Boaz. Alas-9 na tulog pa rin. Alas-10. Alas-11. Naghihilik pa rin. Alas-12, sa wakas, naalimpungatan, napansing may ibang tao. Di niya makilala kasi madilim (wala namang kuryente noon), “Sino ka?” Sumagot si Ruth, “Ako po si Ruth. Isa po ako sa malapit n’yong kamag-anak na dapat n’yong pangalagaan (si Boaz ang goel o redeemer). Takpan po ninyo ako ng damit ninyo para ipakita na pangangalagaan ninyo ako at gawing asawa” (3:9 ASD). Ang ginawa ni Ruth ay upang ipakita kung ano ang gusto niyang hilingin, kung ano ang proposal niya. Maliwanag kay Boaz na Ruth is proposing marriage dahil si Boaz ay kinsman-redeemer. Sa kultura natin, parang out of line ang ginawa ni Ruth, parang hindi yata tamang babae ang magpropose sa lalaki. Pero sa kultura nila, wala namang sinasabing ganoon. Kahit mukha ring hindi naman sinabi sa kanya ni Naomi iyon kundi hintayin lang kung ano ang gagawin ni Boaz, ayon din naman iyon sa intensiyon ng plano ni Naomi.

At ganoon pa man, bold move ang ginawa ni Ruth. Bukod sa babae, mas bata pa siya na nagpropose sa mas matanda, mahirap na nagpropose sa mayaman, dayuhan na nagpropose sa tubong-Israel. Bold move, but a humble request nonetheless. “I am Ruth, your servant. Spread your wings over your servant.” Ibinababa niya ang sarili niya, “Takpan ninyo ako ng damit,” isang custom na paghingi ng protection ni Boaz kung pakakasalan siya. Ginagawa ito sa kasalan nila kung saan ang lalaki ay tinatakpan ng suot niya ang babae bilang simbolo ng proteksiyon ng asawa. Nagpapakita rin ito na kung gaano kahanda si Ruth na magpasakop sa Dios ng Israel (2:12), ganoon ding pagpapasakop ang gagawin niya kay Boaz bilang asawa – kung papayag siya.

Ang Pangako ni Boaz

Sa pananaw natin, puwede nating husgahan na parang hindi ata tama ang ginawa ni Ruth, pero sa paningin ni Boaz, maganda ang ginagawa niya. Sabi niya, “Anak, pagpalain ka nawa ng PANGINOON. Ang katapatan na ipinakita mo ngayon sa pamilya mo ay mas higit pa sa ipinakita mo noon. Sapagkat hindi ka humabol sa mga binata (o sa mas nakababatang lalaki), mayaman man o mahirap” (3:10 ASD). Ang “katapatan” dito ay galing sa hesed na nauna nang ginamit sa 1:8 at 2:20. Ang kabutihan, katapatan, pag-ibig ng Diyos ay nakita ni Boaz na nasasalamin sa ginagawa ni Ruth para sa kanyang pamilya.

Nakita ni Boaz na si Ruth ay maynoble character” at pure intentions. Kakaiba siya sa ibang babae. Natatangi ang kabutihan at katapatan niya. Hindi siya tulad ng mga prostitutes na nagbebenta ng laman, hindi siya tulad ng ibang babae na pera lang ang habol sa asawa. Sabi nga sa Kawikaan, “Ang mabait (Heb. khayil, ESV “of excellence”) na babae ay karangalan ng kanyang asawa” (Prov. 12:4 ASD); “Mahirap hanapin ang mabuting (Heb. khayil, ESV “of excellence”) asawa. Higit pa sa mamahaling alahas ang kanyang halaga” (31:10 ASD).

Ganito rin ang nakita niya kay Ruth kaya nagbitaw siya ng pangako, “Kaya huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat (may diin dito) ng hinihiling mo, dahil alam ng lahat ng kababayan ko na mabuti (khayil) kang babae” (Ruth 3:11 ASD). Nagpapakita ito ng intensiyon niya, ng laman ng puso niya. Hindi ito basta nabigla lang siya na parang kapag puyat o pagod ang asawa mo tapos ginising mo may tinanong ka o may nirequest ka, sasagot lang iyan basta ng “Oo” para makapahinga na ulit. Hindi ganoon dito. Totoo siya sa salita niya.

Pero may isang legal problem pa na dapat ayusin. At ito marahil ang dahilan kung bakit hindi si Boaz ang nagpropose ng marriage. Kasi kahit close relative siya, hindi siya ang closest, second-in-line pa siya. “Totoong malapit mo akong kamag-anak, na may tungkuling pangalagaan ka, pero mayroon ka pang mas malapit na kamag-anak kaysa sa akin. Manatili ka rito, at bukas ng umaga ay malalaman natin kung gagampanan niya ang tungkulin niya sa iyo. Kung papayag siya, mabuti, pero kung hindi ipinapangako ko sa buhay na PANGINOON na gagampanan ko ang tungkulin ko sa iyo. Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga” (3:12-13 ASD). Parang maganda na sana ang kuwento, naririnig na natin ang wedding bells (tantantanan…tantantanan) kapag may isang couple na engaged na. Pero parang may love triangle pa. Pero no problem, maganda ang binitiwang pangako ni Boaz. Sabi niya na hangga’t buhay ang Panginoon mananatiling pangako ang salita niyang binitiwan. Gusto niyang bigyan ng kumpiyansa at pag-asa si Ruth. Gusto niyang wag siyang mag-alala. Sabi niya, “Basta, ako ang bahala.”

May proposal din si Boaz, “Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga.” Hmmm…Ano naman kaya iniisip nung lalaki na ito? Madilim, malamig ang gabi, silang dalawa lang, isang babae at isang lalaki, parehong walang asawa, walang nakakakita. Ang lalaki kahit pa matanda na hindi nawawala ang sexual desire. Si Ruth medyo bata pa kaya meron pa rin iyan. May nangyari kayang masama sa kanila? Did they commit something indecent like premarital sex? Sabihin ng maraming kabataan ngayon, “Ano naman ang problema doon, basta nagmamahalan sila?” But love is not the only requirement before sex, a covenant commitment in marriage is. So malaking problema kapag may nangyari sa kanila bago ikasal, at alam nating kahit ngayon, kahit anong justification sabihin ng magboyfriend sa ginawa nila na hindi pa sila kasal, alam nating lahat na malaking problema iyan, kasalanan iyan sa Diyos, paglapastangan sa magandang disenyo ng Diyos sa mag-asawa.

May nangyari kaya sa kanila? Medyo risky ang situation, pero sa context ng kuwento masasabi nating wala. Sinabi iyon ni Boaz kasi andun iyong determination niya na protektahan si Ruth. Delikado si Ruth kung uuwi pa siya nang hatinggabi. Kaya nga maagang-maaga pa lang pinauwi na niya si Ruth para walang makaalam na may babae dun, para protektahan hindi lang yung image ni Boaz kundi yung magandang reputation din ni Ruth (3:14). Simula pa lang pinapakita niya na willing at committed siyang gawin ang tungkulin ng isang good husband sa kanyang asawa – make sure your wife is well-protected, secured, and well-provided. Kaya bago siya umuwi, may bitbit na naman siyang mga nagiik na sebada na puwede nang mailuto pag-uwi. Halos 27 kg din ang dami (Hubbard, 222). His actions speak louder than his words. Mapanghahawakan ang mga pangako niya kay Ruth dahil pinapakita niya ito sa gawa.

Paano kung may nangyari sa kanila nung gabing iyon? Sa tingin mo ba’y magiging matibay pa ang pangakong binitawan ni Boaz? Hindi! Kasi bago pa man magkaroon ng pagkakataong tuparin niya ang pangako niya, binali na niya ang salita niya. Kapag may isang lalaking nangako sa girlfriend niya na mamahalin siya, aalagaan, hindi pababayaan, igagalang, pahahalagahan, tapos hindi pa sila kasal pinilit niyang sumama sa kanya sa isang kuwarto para pagsamantalahan. Pumayag naman ang babae. Hindi mo basta-basta mapanghahawakan ang pangako niyang hindi siya magkakaroon ng ibang babae kung kasal na kayo. Kasi simula pa lang, nilabag na niya yun.

Kaya dito sa kuwento, napakagandang larawan ng katauhan ni Boaz ang ipinipinta sa ating mga bumabasa ng kuwento. Kahit sa panahon ng mga hukom na kalaswaan, karumihan, violence, idol worship, sexual immoralities ang namamayagpag (see Judges 17-21), merong isang malinis at magandang relasyon sa paningin ng Dios ang namamagitan sa isang lalaki at isang babae. Dahil gustong ipakita dito ng Dios ang napakagandang larawan ng kanyang sariling nangako sa atin na parang isang pangako sa kasal. Isang pangakong gusto niyang panghawakan natin, na tayo’y magiging kanya, at siya’y magiging atin, anumang mabigat na karanasan ang dumating sa ating pamilya.

Ang pagtupad sa pangako ay isang susi sa magandang relasyon sa pamilya, upang mabuo muli ang nasirang relasyon. May binitawan kang pangako sa asawa mo na magsasama kayo sa hirap at ginhawa (bakit mo iiwanan?), sa anak mo na aalagaan mo (bakit mo ipagpapalit sa trabaho?). Pero magagawa lang natin kung pinanghahawakan natin ang mga pangako ng Dios. Magiging matibay ang bawat salitang bibitiwan natin kung ang kinakapitan natin ay ang mga salita ng Diyos sa atin. Kung hindi tama ang relasyon natin sa Dios, huwag tayong umasang magiging tama rin ang relasyon natin sa pamilya natin. Kung hindi lumalago ang pagtitiwala natin sa Dios, hindi rin lalago ang pagtitiwala natin sa isa’t isa sa pamilya.

Ang pangako ni Boaz na pakakasalan si Ruth ay isang larawan ng Diyos na nangako sa Israel kahit na ang Israel ay marumi at hindi karapat-dapat sa kanya: “Nang muli akong mapadaan, nakito kong ganap ka ngang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo (sa Hebrew ay katulad na terminology ng “Takpan ninyo ako ng damit” sa Ruth 3:9) at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Kaya nangako ako sa iyo at ikaw nga’y naging akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito” (Ezekiel 16:8 ASD). Ito ang ating Diyos!

Pagbalik ni Ruth sa biyenan niya, kinumusta siya at ikinuwento naman niya lahat ng sinabi ni Boaz at lahat ng ginawa ni Boaz para kay Ruth. Tapos ay ibinigay ang isang magandang pasalubong kay Naomi na nagpapakita na itong si Boaz ay may malinis na puso at magandang intensiyon para kay Ruth, para sa kanyang pamilya. Tuwang-tuwa si Naomi para sa kanyang manugang, kahit pa meron pang isang legal problem na kailangang ayusin, may pangako si Boaz na sa araw ding iyon, aayusin niya ang lahat. Kaya sabi ni Naomi kay Ruth, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi hihinto si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya” (3:18 ASD). Hindi si Boaz mapapanatag, hindi mapapakali hangga’t hindi nareresolba ang problema ni Ruth.

Malapit nang matapos ang kuwento, unti-unting nagkakaroon ng liwanag ang problema ng pamilya ni Ruth at Naomi. Gumagawa ang Diyos, kahit sa panahon ng trahedya sa pamilya (chap. 1). Sa mga panahong ito, ipinapakita niyang mabuti siya sa lahat ng panahon at ginagamit niya ang ibang tao para makita natin ito (chap. 2). Mas lalong titibay ang pag-asa natin sa buhay at pamilya kung mahigpit nating kakapitan ang mga pangako ng Diyos na hindi siya titigil hangga’t hindi natutupad ang kanyang layunin sa buhay natin. Hinding-hindi. Nangako ang Dios at mapanghahawakan natin. Hindi lang basta nangako, kundi sabik na sabik na tuparin ang kanyang pangako at hindi hahayaan ang anumang bagay na makasagabal sa pagtupad ng kanyang layunin sa buhay natin.

Ito ang kumpiyansa ni Naomi sa Dios (sa katauhan ni Boaz) na siyang magsasaayos ng lahat para lahat sa kanilang buhay ay mailagay sa ayos. Bawat istorya ng buhay ng mga tunay na anak ng Diyos ay merong happy ending, tulad ng istorya ng buhay ni Naomi at Ruth. Hintayin natin kung paano magtatapos ang kuwento.

One thought on “Pangako (Ruth 3)

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s