Worship God in Spirit and Truth

October 17, 2010 | By Derick Parfan | Scripture: John 4:19-26

Downloads: audio video | sermon notes | discussion guide

The woman said to him, “Sir, I perceive that you are a prophet. Our fathers worshiped on this mountain, but you say that in Jerusalem is the place where people ought to worship.” Jesus said to her, “Woman, believe me, the hour is coming when neither on this mountain nor in Jerusalem will you worship the Father. You worship what you do not know; we worship what we know, for salvation is from the Jews. But the hour is coming, and is now here, when the true worshipers will worship the Father in spirit and truth, for the Father is seeking such people to worship him. God is spirit, and those who worship him must worship in spirit and truth.” The woman said to him, “I know that Messiah is coming (he who is called Christ). When he comes, he will tell us all things.” Jesus said to her, “I who speak to you am he.”[1]

Whatever Happened to Worship?

Hindi maihihiwalay sa buhay ng isang Cristiano o tagasunod ni Cristo ang pagsamba. A disciple is a worshiper. Ngunit ano ba talaga ang tunay na kahulugan ng pagsamba o worship? May mga tao sa mga tribal groups na sumasayaw at nag-aalay sa iba’t ibang espiritu. Ito ba ay tunay na pagsamba? Milyun-milyong mga Muslim ang yumuyukod kay Allah bilang tanda ng pagpapasakop sa kanya (Ang ibig sabihin ng Muslim ay submission). Ito ba ay tunay na pagsamba? Maraming Romano Katoliko ang deboto kay Mama Mary. Ito ba ay tunay na pagsamba?  May mga naglalakad ng paluhod papasok sa simbahan. Ito ba ang tunay na pagsamba?

Siguro sasabihin mo sa mga nauna kong nabanggit, “Siyempre hindi!” Pero paano kaya tayo? Kapag pinag-uusapan natin ang pagsamba pumapasok sa isip natin ang church building. Dito kaya nangyayari ang pagsamba? Ang mga taong umaawit at itinataas pa ang kamay. Ito kaya ang pagsamba? Ang “Praise ang Worship Band” kaya ang kailangan sa pagsamba? Tradisyonal kaya o contemporary? Kapag Linggo lang kaya nangyayari ang pagsamba? Paano kaya kapag Lunes? Ang pagsamba kaya ay may kinalaman lang sa mga gawaing “espirituwal”? Pero paano naman ang mga tinatawag nating “secular”?

Ano na’ng nangyari sa pagsamba? Ito ang tanong ng isang book na compilations ng mga sermons ni A.W. Tozer tungkol sa worship, Whatever Happened to Worship?[2] Hindi nagiging tama ang pagsamba natin dahil mali ang pagkakaunawa natin. Ginagamit ni Satanas, na siyang pinakasinungaling sa lahat, ang mga kasinungalingan tungkol sa pagsamba upang linlangin tayo. Para isipin nating sumasamba tayo pero sa katotohanan ay baka hindi pala. Ang mga kasinungalingang ito ay maitatama kung papakinggan natin ang katotohanang itinuturo ng Panginoong Jesus tungkol dito.

Jesus on True Worship

Isa sa pinakamahalagang katotohanan tungkol sa pagsamba sa buong Bibliya ay makikita natin sa John chapter 4. Mula Judea, papunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa Galilee. Sa pagitan ng dalawang probinsiyang ito ay ang Samaria. Ang mga Judio ay hindi dumadaan dito kundi umiiwas kahit mas malayo pa ang dadaanan nila. Bakit? Halos 600 na taon na ang nakakaraan nang ipatapon ang mga Judio sa Babylon bilang parusa ng Diyos. Pitumpung taon sila rito. Ngunit may mga naiwan na mga Judio sa bansa nila at nakapangasawa ng mga dayuhan. Parang mga “Fil-Am” na kalahating Judio kalahating dayuhan. Sila ngayon ang mga nakatira sa Samaria. Nang bumalik na ang mga Judio galing Babylonia, maliit ang pagtingin nila sa mga Samaritans dahil hindi sila “puro.” Kaya iniiwasan nila ito. Hindi sila makikipag-usap, hindi papasok sa bahay nila.

Pero iba si Jesus. Kailangan siyang dumaan dito dahil may misyon siya (v. 4). Pagod sa biyahe at magtatanghalian na, nagpahinga siya sa tabi ng isang balon habang ang kanyang mga alagad ay pumunta sa palengke upang bumili ng makakain. May nakausap si Jesus na isang Samaritana. Pinag-usapan ang tubig na nagbibigay buhay, ang tungkol sa buhay ng babae, at pagdating sa verses 19-26 ay napunta sa turo ni Jesus tungkol sa pagsamba. Upang itama ang maling paniniwala ng mga Samaritano at mga Judio tungkol sa pagsamba, sinabi ni Jesus, “Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan” (v. 24).

A Disciple is a Worshiper

Ang isang tagasunod ni Cristo ay siyang sumasamba. Ngunit hindi basta-basta sumasamba, dahil maaaring sumamba sa pera, sa trabaho, sa imahen, sa sarili, sa asawa, na parang mga diyus-diyosan. Sumasamba sa Diyos. Ngunit hindi lang basta-basta sumasamba sa Diyos. Maraming relihiyosong tao ang nag-aakalang sumasamba sila dahil sumusunod sila sa ritwal at tradisyong nakalakihan na nila, o kaya’y nagiging emosyonal pa sila. May mga sumasamba sa sariling diskarte. Dapat ay sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan. Ito ang pagsamba ng isang taga-sunod ni Cristo. Sapagkat siya mismo ang nag-utos nito hindi lang sa Samaritana kundi para sa lahat sa atin. At ito lamang ang pagsambang kinalulugdan ng Diyos. Kung ito ay hindi pagsamba sa espiritu at katotohanan, hindi ito pagsamba. “Sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya” (v. 23). Ang kabaligtaran ay totoo, hindi niya tinatanggap o hindi siya nalulugod sa pagsambang hindi “sa espiritu at katotohanan.”

Hindi ito ang nangyayari sa maraming tao ngayon. Totoong likas na mga relihiyoso ang mga Filipino. Ngunit ang tanong, “Sumasamba ba tayo sa dapat sambahin? Sumasamba ba tayo sa paraang nais ng Diyos na gawin natin?” Sasagutin natin iyan sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang mga maling paniniwala ng ilang mga Filipino at maging ng mga Cristianong Filipino ukol sa pagsamba, at aalamin natin kung paano ito iwawasto ayon sa tagubilin ni Jesus na sumamba tayo sa espiritu at katotohanan.

Challenging Our Beliefs on Worship

1. “Sumasamba ako ayon sa personal na kagustuhan o nakalakihang tradisyon.” Ang nakagawian na ng ilan sa atin ay ayon sa tradisyon ng pamilya o ng simbahan. Sila ang nagturo sa atin kung paano sumamba. Kaya naman tinanggap na natin na ganito ang paraan ng pagsamba. Ang iba naman ay kung kailan lang convenient o kung saan mas kaakit-akit sa kanila. Ganito din ang Samaritana. Sinabi niya kay Jesus, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta. Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem” (vv. 19-20). Lumaki siya ayon sa turo ng kanyang mga magulang. Kaya naman inaalam niya kung kaninong tradisyon ang mas tama.

Ang pagsamba ay hindi batay sa personal na kagustuhan o nakalakihang tradisyon. Ang tunay na pagsamba ay ayon sa katangian at kagustuhan ng Diyos. Ayon sa v. 23, “hinahanap ng Ama” ang mga sumasamba sa kanya sa espiritu at katotohanan. Ito ang gusto ng Diyos, ito ang nakalulugod sa kanya, at tatanggapin niyang pagsamba. Ang pagsamba din natin ay ayon sa kung sino ang Diyos. Verse 24, “Ang Diyos ay espiritu.” Hindi siya tao na tulad at kapantay lang natin. Siya ang dakilang manlilikha na siyang magsasabi sa atin kung paano tayo sasamba sa kanya. May mga kailangang baguhin sa paraan ng pagsamba natin. Bilang pastor ninyo, may malaki akong tungkulin dito. Hindi dahil ganito na ang nakalakihan natin, ganito na palagi. Suriin natin ang ginagawa natin sa pagsamba kung nasasalamin ba nito ng kadakilaan, kabanalan, at kabutihan ng Diyos?

Kung tumayo kayong lahat ngayon at ipataas ko ang inyong kamay at pasigawin ng “Aleluya!” ano ang mararamdaman ninyo? Siguro ang iba ay maaasiwa at gustong maupo na lang. Minsan may sinasabi ang Diyos na dapat na pagsamba natin ngunit mas gusto natin ang sarili nating diskarte. O kaya ay gagawin nga ninyo ngunit wala doon ang puso ninyo. Ito ang pangalawang kasinungalingan.

2. “Sumasamba ako sa pamamagitan ng pag-awit, pag-aalay at pagdarasal.” Ang pagsamba pareho ng mga Samaritano at mga Judio, bagamat may kaunting pagkakaiba, ay nakabatay sa ritwal na iniutos ng Diyos sa Lumang Tipan. Ngunit akala nila ay nadaraan sa mga panlabas na gawa o ritwal o sakripisyo ang pagtanggap ng Diyos. Ganito din ang akala ng iba sa inyo, na kung nakaawit na tayo o nakapagbigay ng offerings o nakapanalangin o nakapakinig ng sermon o nakaluhod o naitaas ang kamay ay sumamba na tayo. Hindi! Iba ang expression of worship sa worship. Maaaring gawin natin ang mga ito na malayo ang puso sa Diyos. Ito ay walang kabuluhan! “Iginagalang ako ng bayang ito sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin” (Matt. 15:8-9).

Ang tunay na pagsamba ay ang damdamin ng puso para sa Diyos na ipinapahayag sa iba’t ibang paraan. Ito ay isang panloob na karanasan ng puso ng isang tao. The focus of worship is on the inward experience experience of the heart, not on forms. Kaya nga ito ay “worship in spirit and truth.” Kung ito ay pagsambang espirituwal na kinakailangang nakakabit ang puso natin sa lahat ng ginagawa natin sa pagsamba, kailangan natin ang patnubay ng Diyos Espiritu upang palaging ihanda ang puso natin. Kaya nga kapag sa pagsamba natin tuwing Linggo kailangan ng paghahanda ng puso na magsisimula sa Sabado pa lang ng gabi. At pagdating natin bago ang simula ay may panahon pa tayong mag-focus at hindi nagmamadali kapag 15 minutes late na o magsisimula na ang sermon kapag dumating.  Nakahanda ba ang puso mo sa pagsamba? Nakatuon ba ito sa Diyos?

3. “Sumasamba ako sa simbahan tuwing Linggo.” Curious ang Samaritana kung sa Mt. Gerizim sa Samaria o sa templo sa Jerusalem ba dapat sumamba. Para sa kanila napakahalaga ng lugar at araw ng pagsamba. Ngayon din, kapag pinag-uusapan ang pagsamba ang naiisip lang ng iba ay ang nangyayari kapag Linggo ng umaga sa simbahan. Oo, napakahalaga talaga niyan para sa church natin. Ngunit hindi lang dapat ganyan ang pananaw natin. Para kay Jesus, hindi na mahalaga ang lugar. “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem” (v. 21). “Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan” (v. 23).

Sa pagdating ni Jesus, sa kanyang kamatayan sa krus, nahati ang tabing ng templo at malaya nang makakapasok ang lahat sa presensiya ng Diyos sa pamamagitan niya. Hindi na ang templo ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung nasaan si Jesus. At ang kanyang espiritu ay nananahan sa puso ng bawat tagasunod niya. Tayo ang templo ng Espiritu Santo (1 Cor. 6:19). Nasaan man tayo, anumang oras, dapat tayong sumamba. Ang tunay na pagsamba ay ang buong pamumuhay (way of life) ng isang Cristiano. Ito ang kahulugan din ng pagsamba sa espiritu, na hindi ito nalilimitahan ng lugar o oras dahil ang Diyos ay nasa lahat ng dako. Hanggang ang Diyos ay nananatiling Diyos, sasamba tayo. Hanggang ang Diyos ay nasa lahat ng dako, kahit nasaan tayo ay ang puso natin ay magpapatuloy sa pagsamba. “Whether you eat or drink, or whatever you do, do it all for the glory of God (that is, worship!)” (1 Cor. 10:31). Tanungin ninyo ang sarili ninyo, May kinalaman ba ang nangyayari kapag Linggo sa mangyayari sa Lunes? May kinalaman ba ang nangyari ng Sabado o Linggo ng umaga sa bahay sa pagsamba sa church?

4. “Ang mahalaga ay sumasamba ako sa Diyos, kahit ano pang relihiyon o sekta ang kinabibilangan ko.” Karaniwan ko itong naririnig sa mga Filipino. “Pare-pareho lang naman iyan. Ang mahalaga ay iisang Diyos ang sinasamba.” Mali ang ganitong pananaw dahil ang pagsamba ay dapat nakatuon sa “nag-iisang tunay na Diyos” (John 17:3). Ngunit hindi lang basta sa Diyos kundi sa Diyos na siyang Ama ng ating Panginoong Jesus. Ang tunay na pagsamba ay nakatuon sa tunay na Diyos na nahayag sa katauhan ni Jesus. Ganito ang pagsamba sa katotohanan. Kaya nga mula sa pagkakilala ng babae na siya ay “propeta” (v. 21) ay nakilala siya bilang darating na Mesias o Cristo (v. 25). “Ako nga iyon!” sabi ni Jesus (v. 26). Ang layunin ni Jesus ay ipakilala sa babae kung sino siya, hindi lang turuan siya tungkol sa doktrina ng pagsamba. The heart of worship is Jesus, without him worship is in vain. Ang pagsamba sa katotohanan ay pagsambang nakasentro kay Cristo. “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay” (14:6). Siya ay “puspos ng biyaya at katotohanan” (1:14). “Ang biyaya at ang katotohanan ay dumating” sa pamamagitan niya.” Siya ang Diyos Anak na nagpakilala sa Diyos Ama (1:17-18). Kung naririto ka ngayon at wala namang ugnayan at pagkakilala kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, akalain mo mang sumasamba ka, nagkakamali ka.

5. “Sumasamba ako kung nagkakaroon ako ng emosyonal na karanasan.” Hindi dahil naiyak ka o kaya’y dalang-dala ng mga awitin o naging emosyonal ang karanasan mo ay puwede nang tawaging “worship.” Hindi puwedeng pagsamba lang sa “espiritu” kundi sa “espiritu at katotohanan.” Ang pagsamba ay parang apoy. Ang apoy ay may init at liwanag. Hindi puwedeng init lang. Hindi puwedeng liwanag lang. Mas mainit kung mas maliwanag. Mas maliwanag kung mas mainit. Ang tunay na pagsamba ay tugon sa tamang pagkakilala natin sa Diyos ayon sa ipinahayag ng Bibliya. Ayon sa panalangin ni Jesus, “Ang salita mo ay katotohanan” (17:17). Ang pagsamba sa katotohanan ay pagsambang nakasalig at ginagabayan ng Salita ng Diyos.

Kung yuyukod ako at magpapatirapa ako sa harapan ng isa sa inyo, makikita ninyo ang laki ng agwat naming dalawa. Mababa ako, mataas siya. Sa pagsamba natin nagpapatirapa tayo sa puso natin sa harapan ng Diyos. Makasalanan tayo, banal ang Diyos. Mababa tayo, dakila ang Diyos. Hindi natin maitatanghal ang Diyos kung hindi natin makikilala ang Diyos at ang sarili natin. Mas mainit ang pagsamba natin kung mas maliwanag ang pagkakilala natin sa Diyos. Kaya mahalaga ang pagbabasa, pakikinig, at pagbubulay sa Salita ng Diyos. Hindi lang kapag Linggo, kundi sa araw-araw. Hindi mainit ang pagsamba mo ngayon dahil may mga bagay na tungkol sa sarili mo at tungkol sa Diyos ang kailangang itama. Tanungin mo, Ano kaya ang mga maling pagkakilala ko sa Diyos ang dapat na itama? Ang apoy o baga ay lalagyan ng panggatong o kaya’y bubuhusan ng gaas para lalong magliyab, hindi ng tubig. Buhusan natin ng Salita ng Diyos ngayon at sa mga susunod na araw, huwag ng mga kaabalahan lang at mga pagsasayang ng oras sa mga walang kuwentang bagay.

Worshiping God in Spirit and Truth

Ang pagsamba sa espiritu at katotohanan ay pagsambang naaayon sa pagiging Diyos ng Diyos. Sa pamamagitan ng ganitong pagsamba ipinapahayag natin kung sino talaga ang Diyos. Ang pagsambang hindi ganito ay minamaliit ang Diyos at hindi kumikilala sa kalikasan ng Diyos. Ang pagsambang hindi ganito ay hindi tunay na pagsamba. Inaakala mong estudyante ka kasi pumapasok ka naman sa eskuwelahan at makakagraduate ka na. Ngunit kung hindi ka naman nag-aaral talaga ay hindi ka tunay na estudyante. Kung akala mo ay worshiper ka na dahil pumapasok ka sa simbahan, nagkakamali ka kung hindi ka naman sumasamba sa espiritu at katotohanan. Nakita natin na kapag sinabing pagsamba sa espiritu ang kahulugan ay:

  1. Pagsambang nanggagaling sa pusong umiibig sa Diyos. Hindi nakabatay sa nakikita ng tao na ginagawa o naririnig na sinasabi natin, kundi kung ano ang nakikita ng Diyos.
  2. Pagsambang pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Hindi sa sariling lakas o diskarte natin.
  3. Pagsambang nagbibigay karangalan sa Diyos saan mang lugar at anumang panahon. Hindi lang sa simbahan tuwing Linggo nang umaga.

Nakita rin natin na ang pagsamba sa katotohanan ay nangangahulugang:

  1. Pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos. Hindi ang mga “diyos” ng ibang relihiyon, kundi Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob.
  2. Pagsamba sa Diyos sa katauhan ni Jesus na siyang tunay na larawan ng Diyos. Hindi sa Diyos Ama na hiwalay sa pagkakilala at tunay na relasyon kay Cristo.
  3. Pagsambang tumutugon sa at pinapatnubayan ng tamang pagkakilala sa Diyos ayon sa nakasulat sa Bibliya. Hindi emosyonal na karanasang walang liwanag at hindi nagagabayan ng Salita ng Diyos.

A Vision of Worship in Our Church

Dahil dito, mayroong gustong mangyari ang Diyos sa BBCC patungkol sa ating buhay pagsamba. Isa sa mga Core Values natin na patuloy nating lilinangin ay ang Worship as a Way of Life. Patungkol dito, tatlong aspeto ng pagsamba ang sisikapin nating palaging gumagana na parang tatlong machine gears. Ang isang gear ay ang personal worship. Ang pangalawa ay worship in family and/or Kaagapay Group (K-Group). Ang pangatlo ay ang corporate worship. Ang personal na pagsamba mo at ugnayan (communion) sa Diyos sa araw-araw ay may epekto sa sama-samang pagsamba. Ang pagsamba mo na kasama ang iba ay may epekto rin sa lalim at init ng relasyon mo sa Diyos. Magkakaugnay ito.

Kung sasabihin mong mainit ka sa iyong prayer at devotional life, hindi ako maniniwala kung dadalo ka sa pagsamba tuwing Linggo isa o dalawang beses lang sa isang buwan. Kapag ang mahigit sa kalahati sa atin ay dadalo na walang apoy ang personal na relasyon sa Diyos, ano sa tingin ninyo ang magiging epekto nito sa pagsamba natin tuwing Linggo? Paano kung buong pamilya magkakasamang sumamba? Sa pagsasama-sama natin ngayon layunin din nating ang mga nanlalamig sa inyo ay patuloy na mahawa ng iba at muling mag-init. Kung ang baga ng iyong pagsamba ay unti-unting nauubos, dumikit ka sa iba. At kung tayo ay palaging magsasama-sama sa pagsamba gaano karaming kagubatan ang kaya nating pagliyabin sa pagsamba? Tanungin mo ang sarili mo, “Anong bahagi ng aking buhay pagsamba ang nakikita ko ngayong kailangan mong magkaroon ng mga adjustments upang matiyak na mainit palagi ang puso ko sa pagsamba?

May pangarap ang Diyos sa atin sa BBCC. Ayon sa pangatlong puntos sa ating Vision Statement, “joyfully savoring the wonders of God’s grace in a life of worship”:

Nakikita natin na ang bawat isa ay personal na nararanasan ang kagandahang-loob ng Diyos sa kanyang buhay. May kagalakan at pasasalamat na sumasamba sa Diyos. Sabik makipagkita sa ibang kapatid upang sama-samang sumamba. Ang buong pamilya ay magkakasama sa pagsamba at paglilingkod. Maging sa loob ng tahanan, ang buong pamilya ay may oras ng sama-samang pagsamba. At kahit nag-iisa na lamang, nagpapatuloy sa diwa ng pagsamba dahil lahat ng hininga natin ay dapat ialay sa Diyos na nagbigay nito sa atin. Sa lahat ng bahagi ng buhay, may masidhing pagnanais (passion) na itaas ang pangalan ni Cristo – higit sa kaninuman, higit sa anumang kayamanan sa mundo, at higit maging sa sariling buhay. (The Heart of Baliwag Bible Christian Church: The Mission, Vision, Core Values and Strategy of BBCC, September 2009, p. 12)

Ito ba ang pangarap mo? May gagawin tayong lahat upang makamit ang pangarap na ito.


[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).

[2] A. W. Tozer, Whatever Happened to Worship?: A Call to True Worship, edited and compiled by Gerald B. Smith (Camp Hill, PA: WingSpread, 2006).

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s