Do Not Be Anxious About the Threats of Man

November 28, 2010 |  By Derick Parfan |  Scripture: Matthew 10:16-31

Downloads: audio |  video |  sermon notes | discussion guide

Called with a Mission

Bakit maraming mga Cristiano ang hindi matapang sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa ibang tao? Bakit maraming Cristiano ang hindi matapang na ipakita sa mga katrabaho o kaeskuwela o kaibigan na sila ay mga tunay na tagasunod ni Cristo? Bakit kaya? Dahil ba naniniwala sila na ang katapatan sa ebanghelyo ni Cristo ay para lamang sa mga pastor at ilang manggagawa ng church? Hindi siguro. Alam ng lahat ng Cristiano na nag-aaral ng Bibliya at hindi nagbubulag-bulagan sa sinasabi nito na ito ay tungkuling iniatas ng Panginoon sa lahat ng mga followers niya, without exemption. Lahat ng Cristiano ay tinawag upang ipamuhay at ibahagi ang ebanghelyo (Mabuting Balita) ni Cristo.

Pagkatapos sabihin ng Panginoon na, “Pray earnestly to the Lord of the harvest to send out laborers into his harvest” (Matt. 9:38), sa 10:1-4 ay makikita ang pagpili ni Jesus sa 12 “apostol” na ang ibig sabihin ay “siyang mga isinugo para sa isang misyon” (one sent out on a mission). Kaya nga sabi niya sa verse 16, “Sinusugo (apostello) ko kayo.” Hindi nga tayo mga “apostol” na tulad nina Juan at Pedro pero tayo rin ay “isinugo para sa isang misyon.” Lahat ng Cristiano, ayon sa verses 24-25, ay tinatawag na “alagad” (o, “mag-aaral”) na nasa ilalim ng isang Guro; “alipin” (slave, not just servant, from Greek doulos) na nasa ilalim ng isang Panginoon (master or lord, from Greek kurios).

Kung siya ang ating Gurong magtuturo sa atin at Panginoong dapat nating sundin, ano ba ang sinabi niya para sa lahat sa atin? “Go and make disciples of all nations…” (Matt. 28:19). “You shall be my witnesses…” (Acts 1:8). Alam natin iyan. Naniniwala tayo diyan. Kaya nga mayroon tayong The Harvest, para sama-sama tayong ibahagi ang ebanghelyo sa ibang tao. Mayroon nang gumagawa para abutin ang mga tao sa Barangca, sa Daang Bakal, sa Little Baguio, at dito sa Concepcion. Marami nang unti-unting nakikibahagi. Pero kailangan natin na lahat tayo ay nakikibahagi kahit saan man tayo dalhin ng Panginoon. Iyong mga may bahagi na kailangan pa ng mas ibayong tapang at lakas ng loob. Ang mga natatakot pa o nahihiya o nababahala kung magbabahagi ay kailangang palakasin ang loob.

Kailangan ng tapang kasi ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay may nakapaloob na pagsasabi ng katotohanan sa mga tao, mga katotohanang ayaw tanggapin ng iba, at masakit sa tenga ng iba. “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Mark 16:15). “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa…Humayo kayo’t ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit” (Matt. 10:6-7 MBB). Kahit sa harap ng mga nasa posisyon sa pamahalaang umuusig sa kanila, magpapatotoo pa rin sila (v. 18).

Sinabi din ni Jesus kung ano ang dapat nating ipagsigawan sa tao, “Anumang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag; at ang narinig ninyo sa bulong ay ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bubungan” (v. 27). Wala tayong itatagong sikreto tungkol sa ating pananampalataya. Huwag nating ikulong ang ebanghelyo sa ating iglesia o personal na buhay. Karaniwan sa mga rabbi sa Bagong Tipan na ibubulong nila ang kanilang turo sa mga estudyante at ipapasigaw naman sa kanila. Kapag sa bubungan sila nagsalita noon, maraming tao ang makakarinig.[1] Sinasabi dito ni Cristo na sa ating mga taga-sunod niya, anumang itinuro niya sa atin sasabihin din natin sa ibang. Matapang dapat ang hiya. We are to reach as many people as possible as God wills.

Anxieties and Fears in Evangelism

Kung ganito pala ang dapat nating gawin, maaaring kulangin tayo sa tapang sa pamumuhay at pagbabahagi nang may katapatan sa ebanghelyo ni Cristo. Nakahahadlang dito ang pagkabahala o takot sa pagtuligsa ng mga tao. Ang iba sa atin takot na magsalita sa ibang tao. Bukod doon, maaaring may pagtuligsang kaharapin tayo sa magiging reaksiyon ng iba. Ito ang mas nakakatakot. Ang iba hindi sila tatanggapin at hindi makikinig sa sasabihin nila (v. 14). “Beware of men, for they will deliver you over to courts and flog you in their synagogues, and you will be dragged before governors and kings for my sake…” (vv. 17-18). “Brother will deliver brother over to death, and the father his child, and children will rise against parents and have them put to death, and you will be hated by all for my name’s sake…” (vv. 21-22). Sino bang hindi matatakot dito?

Hindi man ganito kasaklap ang maranasan natin dito sa bansa natin, alam ng Panginoon na nababahala din tayo sa sasabihin o magiging reaksiyon ng ibang tao. Kaya ang utos niya sa atin: “Huwag kayong mabahala sa pagtuligsa ng ibang tao.” “When they deliver you over, do not be anxious how you are to speak or what you are to say…” (v. 19). “So have no fear of them…” (v. 26). “And do not fear those who kill the body” (v. 28). “Fear not” (v. 31). Nababahala ka o natatakot kapag iniisip mo ang masamang bagay o hindi magandang bagay na maaaring sabihin o gawin sa iyo ng ibang tao. “Baka pagtawanan ako. Baka ma-reject ako. Baka layuan na ako ng mga kaibigan ko. Baka sumabatan ako ng mga magulang ko. Baka. Baka. Baka.” Bakit ka mababahala? Sabi ni Jesus, sa halip na matakot, sabihin natin at ipakita nang may buong katapangan ang katotohanang galing sa Diyos.

May nanligaw noon sa asawa ko noong bago pa lang siyang Cristiano. Alam niyang hindi dapat makipagrelasyon sa hindi mananampalataya. Kaya noong nagtanong ang lalaki kung bakit hindi puwede, binasa niya ang 2 Corinthians 6 kung saan naroon ang nakasulat na huwag makipamatok sa mga di mananampalataya dahil hindi maaaring pagsamahin ang liwanag sa dilim, at si Cristo kay Belial (demonyo). Tapos sabi ng lalaki, “Ano tingin mo sa akin nasa kadiliman?” Hindi nabahala ang asawa ko kung ma-offend niya ang manliligaw basta sinabi niya ang totoong sagot sa tanong niya. Walang sikretong itinago. Hindi nag-alinlangan, “Baka kung ano isipin niya. Baka hindi na ako nito pansinin sa susunod.” Ganoon din sa tapang natin sa ebanghelyo. Hindi ikinababahala ang maaaring pagtuligsa ng ibang tao.

Battling Anxieties and Fears with God’s Promises

Pero siyempre hindi basta-basta mawawala ang takot na iyan. Kailangan nating labanan iyan. But not with our own resolve or power. Hindi naman talaga tayo matapang. Ako torpe ako dati sa crush ko noong high school. May field trip kami, pinagtabi ba naman kaming dalawa sa bus. Buong biyahe papunta at pauwi, wala akong nasabi kahit isa. Nagpapractice pa ko sa isip ko ng sasabihin pero walang lumabas sa bibig ko. Ganyan din naman tayo kung ikukuwento na natin si Cristo sa ibang tao. Kailangan nating buong tapang na ipamuhay at sabihin sa ibang tao ang mabuting balita ng Panginoong Jesus. Paano ngayon ang gamot dito? Hindi sa pagsasabi lang ng, “Kaya ko ‘to, kaya ko ‘to.” Sinabi ko iyan sa bus, pero hindi effective! Kaya katulad noong nakaraang Linggo, lalabanan natin ang kabalisahan at ang takot na humahadlang sa atin dito sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos at sa mga pangako niyang higit sa mga pagtuligsa ng tao. Anu-ano itong dahilan upang hindi tayo dapat mabahala?

1. Ipinapakita ng mga pagtuligsa sa atin na tayo ay kabilang kay Cristo.

Nababahala ka ba na kung magiging matapang ka sa pagsasalita tungkol kay Cristo ay maaaring mahiwalay ka sa ibang tao o layuan ka na nila? Tinutuligsa tayo ng ibang tao “dahil sa akin” (v. 18), “dahil sa aking pangalan” (v. 22). Nangyayari ito bilang patunay na tayo ay nakay Cristo nga. “A disciple is not above his teacher, nor a servant above his master. It is enough for the disciple to be like his teacher, and the servant like his master. If they have called the master of the house Beelzebul (name for prince of demons, Satan), how much more will they malign those of his household” (vv.24-25). Siya ang ating guro, ating Panginoon, ating kasambahay. Tayo ay sa kanya. Kaya huwag tayong magtaka kung pagtawanan ka ng mga tao o laitin dahil sa pagiging Cristiano. Si Cristo nga pinaratangang may sa demonyo, tapos gusto nating laging “nice” sa atin ang mga tao? “For to this (referring to suffering and persecution) you have been called, because Christ also suffered for you, leaving you an example, so that you might follow in his steps” (1 Pet. 2:21).

2. Ang Espiritu ng Diyos ay palaging nasa atin upang tulungan tayo sa oras na kailangan natin.

Nababahala ka ba kung paano ka magsasalita tungkol kay Cristo at kung anu-ano ang mga dapat mong sabihin? Pagtutulungan natin dito sa church na lahat tayo ay matutong makapagbahagi ng ebanghelyo at makapagturo ng Following Jesus. Mahalaga talaga iyon pero hindi tayo dapat mangangan sa sarili nating kakayahan o karunungan. Hindi tayo mangangamba kung titingnan natin ang pangako ng Panginoon. “Huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, (bakit?) sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin; (paano ipagkakaloob?) sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo” (vv. 19-20).

May takot tayo sa pagsasalita pero tandaan nating mas mahalaga ang sasabihin ng Espiritu sa taong kausap natin. Napatunayan ko na ito kahit sa preaching o sa counseling. Pag may nakausap akong isang tao na mabigat ang problema sa paniniwala sa Diyos, hindi ko alam ang sasabihin ko pero maaari akong manalangin at hilinging, “Panginoon, bigyan mo ako ng karunungan sa oras na ito. Kayo po ang kumausap sa taong kausap ko.” Kaya may kumpiyansa ako sa preaching ay hindi dahil sa dami ng oras ko sa preparation kundi dahil sa pangako ng pagkilos ng Espiritu sa mga taong makikinig.

3. Darating ang araw na inilaan ng Diyos na makikita ng lahat kung ano ang totoo.

Nababahala ka ba na kung ibahagi mo ang totoong Salita ng Diyos ay sabihin ng iba, “Hindi naman totoo iyan. Pare-pareho din naman iyan sa ibang relihiyon.” Maaaring hindi ka paniwalaan ng tao at sabihing hindi naman totoo ang Bibliya pero panghawakan mo ang pangako ng Diyos, “Kaya, huwag ninyo silang katakutan (anong dahilan?) sapagkat walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag; at walang natatago na hindi malalaman” (10:26). Ano itong “bagay” na natatakpan na mahahayag din at natatago ngunit malalaman din? Sa ngayon ang mga bagay na mabuti at totoo ay ipinalalagay na masama at kasinungalingan; at ang mga bagay na masama at kasinungalingan ay tinatanggap ng mga tao na mabuti at totoo. Ngunit darating ang araw na makikita ng tao kung ano ang totoo. Hindi man maniwala ngayon ang babahaginan mo ng ebanghelyo, makikita niyang totoo ito maaaring habang nabubuhay pa siya o sa pagbabalik na ng Panginoong Jesu-Cristo na maaaring huli na ang lahat. Sabi ni MacArthur, “All truth and goodness and all falsehood and wickedness will be seen for what they really are…The world’s wickedness will be shown for what it is, and believers’ righteousness will be shown for what it is. God has bound Himself to vindicate His children.”[2] May araw din mapapahiya silang mga umuusig sa atin. May araw ding gagantimpalaan tayong dumaranas ng pag-uusig ngayon dahil sa patotoo natin kay Cristo.

4. Hawak ng Diyos ang ating mga espirituwal na buhay at hindi ito magagalaw ng mga tao.

“At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa” (v. 28). Sinasabi dito ni Jesus, “Huwag kayong matakot sa kanila dahil katawan lang naman ninyo ang puwede nilang patayin.” Ha! Hindi ba’t nakakatakot iyon? Oo nga, kung mas pinahahalagahan mo ang pisikal na buhay mo kaysa sa espirituwal na buhay na hawak-hawak ng Diyos. Hindi ko alam kung sino sa atin ang haharap sa ganitong takot. Maaaring kung mapupunta sa mga lugar na pinapatay ang mga Cristiano o kaya ay sumama kayo sa outreach natin sa tinatawag na “Little Tondo” ng Baliwag kung saan maraming mga naglalasing palagi, mga drug addicts, mga away, na maaaring katakutan natin. Pero hindi iyon dapat makahadlang. Kaya lang naman nila tayong patayin, di ba? Pag namatay tayo diretso tayo sa presensiya ng Diyos. At sa pagbabalik ni Cristo, muling bubuhayin din naman ang ating mga katawan. Risking our life in obedience to God is better than safeguarding it in disobedience to God.

5. Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay nasa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.

We can take comfort in God’s sovereignty over the lives of his children. Walang magagawa sa atin ang tao malibang sa kapahintulutan ng Diyos. Ginamit na naman niyang halimbawa ang mga ibon tulad ng sa Matthew 6:26. “Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama. At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag nga kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya” (vv. 29-31). John Piper comments on this verse:

God governs the world right down to the smallest events like birds falling to the ground. Therefore, no harm can befall you but what God wills. This confidence has given great courage to the followers of Jesus for centuries. Many have spoken in the words of missionary Henry Martyn, “If [God] has work for me to do, I cannot die.” We are immortal until the work God has for us is done.[3]

Replacing Anxieties and Fears with Courage

“We are immortal until the work God has for us is done.” May ipinapagawa pa sa atin ang Diyos. Marami pang tao ang hindi lumuluhod sa paanan ng Panginoong Jesus. Marami pang tao ang nasasayang ang buhay dahil hindi ipinamumuhay sa pagsamba at pagbibigay karangalan sa Diyos. Marami pang dapat gawin. Huwag nating hayaang ang anumang kabalisahan, pangamba, o takot ay makahadlang sa atin sa napakahalagang ipinapagawa sa atin ng Diyos. Kung kailangan mo ng trabaho para may mapakain ka sa pamilya mo, hindi ba’t buong tapang kang haharap sa interview ng employer o sa immigration o sa embassy. Kasi alam mo mahalaga. Bakit kapag tungkol na kay Cristo ang sasabihin natin sa mga katrabaho natin o sa kapitbahay natin, natatameme (walang masabi) tayo? Humihinga pa tayo ngayon at hindi pa pinuputol ng Diyos ang buhay natin kasi may mahalaga pa tayong gagawin. Pero bakit hindi natin ginagawa?

“Natatakot kasi ako sa ibang tao.” Alam ng Diyos ang nararamdaman mo. Kaya nga ang Diyos Ama, at Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ay nagkakaisa upang tulungan tayong mapanlabanan ang takot natin sa pagsasalita at pagpapatotoo sa ibang tao. Isipin mong ikaw ay parang isang sundalong sasabak sa giyera. May dala kang handgun at helmet. Ang nasa harap mo ay isang libong sundalo na may mga armalites at battle tanks. Ano’ng mararamdaman mo? Matatakot siyempre. Ganoon ang nararamdaman natin kung aalalahanin natin ang gagawin sa atin o magiging reaksiyon ng mga taong babahaginan natin ng Salita ng Diyos.

Matatakot ka kung sa mga “kalabang sundalo” ka nakatingin. Ngunit kung titingnan mo ang nasa paligid mong milyun-milyong sundalo na kargado ng mga high-powered firearm, hindi ba’t mapapalitan ng tapang ang takot mo? Sa pagpapatotoo natin sa ibang tao – na hindi giyera ang alok kundi kapayapaan at pag-ibig na galing sa Diyos – nasa ibabaw natin ang makapangyarihang kamay ng Diyos Ama, nasa loob natin ang Espiritung nagbibigay-lakas sa atin at kikilos sa buhay ng mga tao, at nasa harapan natin ang Panginoong Jesus na nangakong sasaaatin sa kabuuan ng misyong ibinigay niya sa atin. Bakit tayo maduduwag at uurong?


[1] John MacArthur, Matthew (Chicago, IL: Moody, 1989), 221.

[2] John MacArthur, Matthew, MacArthur New Testament Commentaries (Chicago, IL: Moody, 1989), 220.

[3] Piper, What Jesus Demands from the World, 123. Quotation from Henry Martyn is cited from Journal and Letters of Henry Martyn (New York: Protestant Episcopal Society for the Promotion of Evangelical Knowledge, 1851), 460.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s