Do Not Be Angry (Part 1)

December 5, 2010By Derick ParfanScripture: Matthew 5:21-26

Downloads: audio |  video |  sermon notes | discussion guide

You have heard that it was said to those of old, “You shall not murder; and whoever murders will be liable to judgment.” But I say to you that everyone who is angry with his brother will be liable to judgment; whoever insults his brother will be liable to the council; and whoever says, “You fool!” will be liable to the hell of fire. So if you are offering your gift at the altar and there remember that your brother has something against you, leave your gift there before the altar and go. First be reconciled to your brother, and then come and offer your gift. Come to terms quickly with your accuser while you are going with him to court, lest your accuser hand you over to the judge, and the judge to the guard, and you be put in prison. Truly, I say to you, you will never get out until you have paid the last penny.[1]

Murder is a Heinous Crime

Noong una nating mabalitaan na 58 katao ang pinatay sa Maguindanao dahil sa away pulitika, nagulantang tayo. Karumaldumal ang nangyari. Maraming tao ang sumisigaw hanggang ngayon para makamit ang hustisya. Nakakabigla ang nangyari at hindi natin lubos maisip kung bakit may mga taong gagawa noon. Manggagalaiti tayo sa galit kung magkataon na ang mga taong nagkasala ay naabswelto at nakaligtas na panagutan ang kanilang ginawa. Kasi nga, ang pagpatay sa isang tao ay paglabag hindi lang sa batas ng isang bansa, kundi maging sa batas na nasa puso ng bawat tao. Ito ay isang karumal-dumal na krimen na dapat lamang maparusahan nang matindi.

Ito ay paglabag din sa batas ng Diyos. Binanggit ni Jesus ang ika-6 sa 10 utos ng Diyos sa mga Israelita, “Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman’” (Matt. 5:21). Isang malaking kasalanan sa harapan ng Diyos ang pagpatay dahil ang bawat tao ay nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Paglabag dito sa sagradong buhay na ibinigay ng Diyos sa bawat tao. Pag-angkin ito para sa sarili ng karapatang ang Diyos lang ang mayroon. Kaya nagalit ang Diyos kay Cain na isang mamamatay-tao. Kaya sinabi ng Diyos kay Noah, “Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa…sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao’y nilikha” (Gen. 9:5-6 MBB). Mananagot ang isang mamamatay-tao. Karumal-dumal ito kaya iba ang reaksiyon mo sa taong pumatay ng limang ipis, kaysa sa isang tao na pumatay ng kapwa tao. Hindi mo naman iyan basta-basta patutuluyin sa bahay ninyo at papakainin. Alam ng lahat ng tao na ang pagpatay sa kapwa tao ay isang kasalanang dapat pagbayaran.

Murder and Anger According to Jesus

“Purihin ang Panginoon hindi ako pumapatay ng tao,” maaaring sabihin mo sa sarili mo. Na mas matuwid ka kaysa mga kagaya nina Hitler at ng mga Ampatuang sangkot sa Maguindanao massacre. Ganyan din ang iniisip ng mga Pharisees at mga relihiyosong Judio noong panahon ni Jesus. Pero sabi sa kanila ni Jesus na bagamat karamihan sa mga tao ay hindi pumatay ng tao, nasa puso ng lahat ng tao ang puso ng isang mamamatay-tao sa tuwing siya ay napopoot o nagagalit sa kanyang kapwa. “Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid (tulad din ng pagpatay) ay mananagot sa hukuman” (v. 22). Inuutos ni Cristo sa atin dito, “Huwag kayong magalit.”

Ano ba ang galit? Nagagalit tayo kapag lubhang hindi natin nagustuhan ang ginawa ng isang tao laban sa atin. Ang galit na ito ay karaniwang may kasamanang pagtatangka na gumanti o mag-isip ng masama laban sa taong iyon. “…napopoot sa kanyang kapatid…” Damdamin ito ng isang taong nasaktan na nagtatanim ng sama ng loob sa nakasakit sa kanya. Alam natin ang galit kung dumarating ito sa atin – kapag hindi man lang pinansin ng boss mo ang maganda mong ginawa at puro pintas ang binibitawan sa iyo tuwing magkamali ka; kapag ang piniling course ng anak mo na papasok sa college ay hindi mo gusto; kapag napintasan ng isang tao ang damit o hitsura mo; kapag nadaya ka ng kalaro mo; kapag hindi nabayaran ang matagal ng utang sa iyo.

Noong 2004, 12-20 kaso ng murder sa bawat 100,000 tao ang naitala sa ating bansa.[2] Mahigit 1,000 ang kaso ng abortion (murder of unborn children) sa ating bansa araw-araw, 400,000 sa isang taon.[3] Noong 2003, halos 4 ang kaso ng suicide (self-murder) sa bawat 100,000 tao.[4] Sa 100,000 tao, alam ninyo kung ilan ang may kaso ng “anger”? 100,000 din. 100% rate. Hindi ibinabalita ang ganyang statistics; pero hindi natin maitatanggi na lahat tayo nagkakasala nang ganito. Maging ang mga sanggol, hintayin mo lang ang ilang buwan, lalabas din ang problemang iyan. Bata o matanda, mahirap o mayaman, presidente man o kapitan ng barangay, edukado o walang pinag-aralan, lahat ng tao nagagalit. Ang iba obvious kapag pumatay o nagmura. Ang iba naman, hindi halata, kahit nakangiti, may galit pala sa loob-loob. Cristiano man o hindi, may problema ng galit sa puso. Kahit sa basketball ng mga Cristiano, nagkakainitan din kapag nagkasakitan. Kapag may nangutang na 2,000 pesos na kapitbahay, kung pagsisigawan dahil sa galit parang hindi Cristiano. Nasusubok tayo dito. Kung ang tugon natin sa mga umaaway sa atin o nananakit sa atin ay tulad din ng tugon ng mga wala kay Cristo, paano tayo magliliwanag bilang mga ilaw ng sanlibutan (Matt. 5:16)?

Mula chapter 5 hanggang 7 ng Matthew ay makikita natin ang kanyang Sermon on the Mount, kung saan itinuro niya kung anong moralidad o klase ng pamumuhay ang naghihiwalay sa kanyang mga tunay na tagasunod sa mga taong walang relasyon sa kanya, gaano man sila karelihiyoso. Sa 5:21-26 ay makikita natin ang ilan sa mga prinsipyong itinuturo niya tungkol sa pagkagalit. Tulad ng lahat ng kanyang utos, dapat nating sundin kung totoong “Lord” ang tawag natin sa kanya (7:21).

Serious Sin Coming from a Sinful Heart

Ang galit natin ay karaniwang makasalanan at makasarili. “Everyone who is angry with his brother will be liable to judgment” (v. 22). Oo, may galit din na matuwid at hindi makasalanan. Si Jesus nagalit sa mga nagtitinda sa templo at pinagtataob ang kanilang mga mesa at itinaboy sila (21:12). Nang naghahanap ang mga tao ng maipupuna sa kanya sa pagpapagaling niya sa araw ng Sabbath, nagalit siya dahil sa tigas ng kanilang puso (Mark 3:5). Si Pablo sinabihan ang mga taga-Galacia, “O foolish Galatians!” (Gal. 3:1). Nagbitaw pa siya ng sumpa sa sinumang magtuturo ng ibang mensahe ng kaligtasan (1:8-9). Si David sa kanyang mga awit ay may mga panahong hinihilingan niyang sumpain ng Diyos ang kanyang mga kaaway alang-alang sa karangalan ng Diyos (Psa. 139:19-22). Pero hindi ganyan ang karaniwan nating mga galit. Sa halip na isipin natin ang karangalan ng Diyos o kapakananan ng iba, ang galit natin ay dahil sa mas iniisip natin ang sarili nating kapakanan at reputasyon.

Karaniwang kasalanan ang galit natin dahil ito ay pagwawalang-bahala sa isang tao rin na nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Ito ay pagwawalang-bahala sa damdamin at kapakanan ng iba. “…sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca’…ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka’…” Ang ‘raca’ ay salitang Aramaic na salitang ginagamit sa pag-insulto sa isang tao. Malapit din ito sa pagsasabi ng ‘ulol ka.’ Parang sinasabi mo na wala siyang isip o walang kuwenta. Hindi ba ang ganitong pagtingin sa iba ay makasarili, dahil mas itinataas mo ang sarili mo at ipinalalagay na mas matuwid ka at magaling kaysa ibang tao? Minsang ipinahiya ako ng teacher ko ng high school sa buong klase. Hindi man ako umiimik, sa loob-loob ko nagagalit ako. “Ano bang klaseng teacher ‘to? Bakit ganito ‘to?” Mas concern ako sa sasabihin o tingin ng iba sa akin kaysa sa reputasyon ng ibang tao tuwing nagagalit ako. Bakit ka nagalit sa anak mong hindi nursing ang kinuha sa college? Dahil ba mas gusto mo kung ano ang magiging kasiyahan niya at ikabubuti niya o dahil sa sarili mong pangarap?

Ang galit ay nag-uugat sa isang pusong makasalanan. Sa ilalim ng bawat pagpatay ay ang galit ng isang tao. Parehong kasalanan. Ang isa madaling makita. Ang isa nasa loob na maaaring itago ng tao. Mula verse 21 hanggang 44 ay anim na beses niyang ginamit ang “Narinig ninyo…ngunit sinasabi ko sa inyo…” Hindi niya dito binabalewala ang sinasabi ng Lumang Tipan o Kautusan (v. 17). But he is challenging their interpretation of it. Masyadong focus nila ay panlabas na kasalanan lang. Nakakalimutan nilang puso ng tao ang problema. E ano kung hindi ka pumapatay o nakikisama sa isang babaeng hindi mo asawa, kung nagagalit ka naman o tumitingin nang mahalay sa isang babae? Ang problema natin, masyado tayong naka-focus sa mga kasalanang nakikita natin, ngunit hindi natin inaalintana na ito ay galing sa puso nating makasalanan.

Ang puso ng isang mamamatay-tao ay katulad din ng puso ng isang taong nagagalit. “Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip…pagpaslang… kasakiman, kasamaan…pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan…” (Mark 7:21-22). Ang puso ng isang Adolf Hitler ay siya ring pusong makasalanan na nasa ating lahat. Nananawagan si Jesus dito na “malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit” (Matt. 5:20). Panloob na kalinisan ng puso ang nais ni Jesus sa atin, hindi panlabas lang na tulad ng mga Fariseo. Pusong malinis sa galit, hindi pag-iwas lang sa pagpatay sa isang taong karibal mo sa promotion sa trabaho.

Serious Sin with Serious Consequences

Ang galit, tulad din ng anumang kasalanan, ay pananagutan natin. Ang taong nagagalit ay “…mananagot sa hukuman…mananagot sa Sanhedrin (ang kanilang pinakamataas na hukuman)…magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.” Kung ang galit natin ay hindi natin makokontrol at ito ay magbunsod sa paggawa natin ng mga bagay na labag sa batas at maaaring iakusa sa atin ng ibang tao, pananagutan natin ito sa tao. Takot na makulong o mapaghigantihan o magbayad sa kasalanan ang dahilan kung bakit ang ibang tao ay umiiwas sa pagpatay. Pero ang galit, hindi man makita ng ibang tao o hindi man tayo makulong dahil dito, ay pananagutan pa rin natin sa harapan ng Diyos.

Only one angry word to your child is enough to send you to hell. That’s how serious God is in dealing with sin. Sa galit natin ay sinisira natin ang imahe ng Diyos na nasa bawat tao. Sa galit natin ay inaangkin natin ang karapatan natin na sa Diyos lang nararapat. Ang galit ay hindi natin karapatan. Huwag sabihin ng isang tatay kapag nagalit siya sa anak niya at sinigawan at sinaktan ito, “May karapatan akong magalit!” Ang galit ay hindi karapatan, kundi kasalanan.

Hindi natin maaaring sabihing mas mabuti tayo kaysa iba dahil hindi tayo gumagawa ng krimen. Pananagutan ng bawat tao ang mga bagay na inisip niya at sinabi dahil sa galit. Hindi tayo magmamalinis kundi aaminin nating sa laki ng pananagutan natin sa Diyos kaya nga kailangan natin ang ginawa ni Cristo sa krus. Kung wala sa atin si Cristo at hindi natin tinanggap ang ginawa niya para sa atin, anumang galit natin ay sapat para tanggapin natin ang walang-hanggan at pinakamatinding galit na nanggagaling sa Diyos. Kaya nga sa tuwing magagalit ako sa asawa ko at hindi siya kibuin dahil dito o makapagsalita ng hindi maganda, aalalahanin kong lagi akong nakadepende sa biyaya ng Diyos at sa pagtubos ni Jesus sa krus.

Ang galit ay isang kasalanang dapat nating seryosohin. Kasi nga kasalanang pananagutan natin sa Diyos. Babala ito sa sinumang nagsasabing Cristiano sila ngunit ang galit ay ordinaryong pamumuhay na nila at reaksiyon sa ibang tao araw-araw. Baka hindi ka pa Cristiano talaga. Maraming namamatay sa maling akala! “Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay hindi nananatili sa sinumang mamamatay-tao” (1 John 3:15). At mga mamamatay-tao ay itatapon sa lawang nagliliyab sa apoy at asupre (Rev. 21:8).

Ngunit kahit tayo ay mga Cristiano na at napatawad na ng Diyos, hindi dapat na balewalain lang natin kapag tuwing nagagalit tayo sa iba. “Kaya’t sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit” (Matt. 5:19). Bukod doon, malinaw sa lahat na ang galit ay sumisira sa relasyon natin sa kapwa natin. Ilang beses na tayong nakarinig ng kuwento na simula nang magkaaway sa hatian ng lupang ipinamana ng mga magulang, hindi na naging maganda ang pagsasamahan ng mga magkakapatid. Nakalulungkot na totoo maging sa mga nagsasabing sila ay magkapatid “kay Cristo.” Bukod sa relasyon sa tao, mas dapat nating seryosohin ang pakikilaban sa galit dahil ito ay nakasisira sa relasyon natin sa Diyos.

Serious Sin that Calls for Serious Action

Ang galit ay nakasisira sa ating relasyon sa Diyos. Kaya nga nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon tungkol sa dapat nating gawin kung tayo ay sasamba sa kanya:

Kaya’t kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob (Matt. 5:23-24)

Dito naman ay makikita ang kaso kung may isang taong may galit sa iyo. Ayaw ng Panginoon na tayo’y magalit at maging dahilan ng ikakagalit ng iba at ikalalayo nila sa Diyos. Ipinapakita nito ang prayoridad ng pakikipagkasundo bago pa man pormal na lumapit sa Diyos sa pagsamba. Hindi lang relasyon natin sa tao ang nasisira kung paghahariin natin ang galit; maging relasyon natin sa Diyos ay apektado. Mas mahalaga sa Diyos ang puso ng isang tao kaysa panlabas na mga kaloob.

Paano mo maitutuon ang isip mo sa Diyos ngayon kung naiisip mo ang kapitbahay mong napakalakas magpatugtog kahit hating-gabi? Paano ka hihingi ng tawad sa Diyos kung hindi mo mapatawad ang kapatid mong nagkasala sa iyo? Paano ka aawit ng “I love you, Lord” kung lumabas sa bibig mo noong isang araw lang ang hindi magandang salita dahil sa nakagalit mo ang nagtitinda sa palengke? Paano ka makapagbibigay ng ikapu kung pati pera ay pinag-aawayan ninyong mag-asawa? Paano ka makakapakinig ng sermon at handang isabuhay ito kung hindi mo maipasakop sa Panginoon ang emosyon mo? Paano ka makikihati sa Lord’s Supper kung nagiging dahilan ka ng galit ng ibang tao?

May dalawang members tayo na nagkaroon ng pagkakagalit dahil sa isang maliit na isyu na hindi nila napagkasunduan. Pero bago ang pagsamba, nakita ko sila na nagyakapan at nagbati. Kasi alam nilang hindi magiging katanggap-tanggap sa Diyos ang pagsambang nanggagaling sa pusong nagtatanim ng galit sa kapwa, lalo na sa isang kapatid kay Cristo.

Anumang galit ay hindi natin dapat pagtagalin; dapat aksyunan agad. Dapat tayong gumawa kaagad ng hakbang upang masolusyonan ito, kung ayaw nating sapitin ang mga masamang epekto nito sa sarili natin, sa relasyon natin sa Diyos, at sa relasyon natin sa kapwa. Pansinin ang diin ng Panginoon sa verse 24, “makipagkasundo ka muna” at sa verse 25, “makipagkasundo ka agad.”

Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan. Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing (Matt. 5:25-26).

There is a high cost to pay for being angry. Alam natin na wala namang maidudulot na mabuti sa atin ang galit. Sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo,” upang bigyang diin ang reyalidad ng isyung ito na nakakalimutan natin sa tuwing magagalit tayo. Ganito din ang sabi ni Pablo, “Magalit kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit” (Eph. 4:26). Hindi ibig sabihin na hangga’t maliwanag pa ay puwede pa tayong magalit. Ang ibig sabihin, gawin natin lahat ng magagawa natin para hindi na ito magtagal. Kung hahayaan natin itong magtagal, hindi lang ibang tao ang magdurusa, ikaw pa ang mas lalong mahihirapan.

Applying the Gospel in Dealing with Our Anger

Anger kills. By our anger, we kill others. It also has a potential to kill us. “Ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan” (James 1:15). So we must kill anger, before it kills us. How? Hindi sa pamamagitan lang ng pag-iwas sa taong ikinakagalit mo, o “anger management/therapy” na ginagawa ng ilan tulad ng pagsigaw ng malakas o pagpunta sa isang lugar kung saan puwede mong ihagis ang mga babasaging bagay para pagbuhusan mo ng galit. Gagastos ka pa para doon, tapos wala din namang solusyon?

Sabi ng Salita ng Diyos, “Kung sa pamamagitan ng Espiritu (hindi ng sarili nating lakas) ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay” (Rom. 8:13). Sa pakikilaban natin sa galit, dapat nating isaalang-alang na ang gagawin natin ay naaayon sa ebanghelyong tinanggap na natin dahil sa ginawa ni Cristo sa krus at ayon sa pagkilos ng Espiritu na nasa atin na. Mga unang hakbang pa lang ito na matatandaan natin sa acronym na A-I-M (Aminin-Ipanalangin-Magtiwala).

  1. Aminin. Nagsisimula ang gamutan sa pag-amin na may sakit ka. Hindi mawawala ang galit mo kung hindi mo aamining nagkakasala ka at may problemang kailangan ng solusyong Diyos lang ang makagagawa. Aminin mong nagalit ka dahil sa makasariling dahilan, dahil ikaw ay isang makasalanan. Amining sa galit mo sa iba ay nilapastangan mo ang imahe o larawan ng Diyos na nakaukit sa buhay ng bawat tao. Amining wala kang magagawa para baguhin ang iyong puso. Amining ang Diyos lamang ang may karapatang gumanti. Aminin mong nagmamataas ka kaya ka nagagalit. Aminin mong mahina ka upang labanan ang galit at kailangan mo ang Diyos.
  2. Ipanalangin. Ipanalangin mo sa Diyos na palitan ang puso mong nagagalit ng pusong puspos ng Espiritu Santo, may pag-ibig, pagpipigil sa sarili, kaamuan, at kabaitan (Gal. 5:22-23). Ipanalangin mo ring kumilos ang Diyos sa buhay ng taong naging dahilan ng iyong galit. Ipanalangin mong mabago ang pagtingin mo sa ibang tao, na sa halip na tingnan mo ang ginawa nila na nakasakit sa iyo ay tingnan mo na siya rin ay isang kapatid kay Cristo, namatay rin si Jesus para sa kanila, o kung hindi pa sila Cristiano, nangangailangan din sila ng Tagapagligtas na tulad mo.
  3. Magtiwala. Sa iyong panalangin at pagkatapos, magtiwala ka na gagawa ang Diyos. Panghawakan mo ang mga pangako ng Diyos na hawak-hawak niya ang sitwasyong naging dahilan ng iyong galit. Magtiwala ka sa Diyos na siyang makatarungan at hindi mo kailangang gumanti. Siyempre, hindi dito nagtatapos ang lahat. Ang focus ng tatlong ito ay sa sariling puso natin at sa relasyon natin sa Diyos. Ang ilan pa na pag-aaralan natin sa susunod na Linggo ay may kinalaman naman sa mga hakbang na dapat nating gawin upang mapalitan ang galit natin sa ibang tao ng tamang relasyon sa kanila.

[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s