Come to Me

July 25, 2010 By Derick Parfan Scripture: Matthew 11:25-30

Downloads: audio |  video |  sermon notesdiscussion guide

At that time Jesus declared, “I thank you, Father, Lord of heaven and earth, that you have hidden these things from the wise and understanding and revealed them to little children; yes, Father, for such was your gracious will. All things have been handed over to me by my Father, and no one knows the Son except the Father, and no one knows the Father except the Son and anyone to whom the Son chooses to reveal him. Come to me, all who labor and are heavy laden, and I will give you rest. Take my yoke upon you, and learn from me, for I am gentle and lowly in heart, and you will find rest for your souls. For my yoke is easy, and my burden is light.”[1]

Pagod na Pagod

Marami sa atin ang pagod, ang iba pagud na pagod. Nakakapagod ang buhay. Mahabang oras sa trabaho, malayo pa sa pamilya. Pag-uwi sa bahay pagod na. Matutulog para makapahinga ngunit ang hirap gumising kasi kailangan na ulit pumasok sa trabaho. Pero hindi puwede mag-absent kasi mababawasan ang suweldo. Hindi puwedeng mabawasan ang suweldo, kasi maraming kailangang bayaran, kailangan ng panggastos para sa pamilya. Kaya kailangang tiisin ang hirap. Kahit pagod sige pa rin kasi kailangan. Ang iba pilit na nagsusumikap sa pag-aaral para maging honor student kasi may pressure ng magulang, o gustong makaangat sa kaklase o sa kapatid. Ang ibang nagtatrabaho panay ang overtime kasi gustong mapromote, tumaas ang suweldo at masiyahan sa buhay. Ngunit kahit anong sikap, alam ninyo na parang kulang. Parang mayroon kayong hinahanap na hanggang ngayon hindi ninyo makuha. Mas mainam sana kung pagkatapos mong magpagod ay masisiyahan ka. Ngunit mas nakakapagod iyong hirap na hirap ka na tapos wala pa rin. Nakakapagod ang buhay.

Ganito ang kalagayan ng mga taong inaanyayahan ni Jesus. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan (o pagud na pagod na parang wala nang lakas, hapung-hapo) at nabibigatang lubha sa inyong pasanin” (v. 28 MBB). Buong buhay nila akala nila tama ang itinuturo sa kanila ng mga Fariseo, na sinasabing kailangang nilang sumunod sa kautusan, mga tradisyon at mga ritwal upang maging katanggap-tanggap sa harapan ng Diyos. Sa halip na mapalapit sa Diyos, papalayo pa. Ito ang pasaning ipinatong sa balikat nila at pilit na dinadala nila, sa pag-aakalang papalapit sila sa Diyos. Lahat ng tao mayroong ganitong pangangailangan. Gusto nilang mapalapit sa Diyos. Ang iba nasa point of denial, pinagtatakpan. Ang iba pilit na gumagawa para mapalapit sa Diyos tulad ng pag-attend at paglilingkod sa church o sa pagtulong sa kapwa. Pero may kulang. Anumang pagod sa pagsisikap na mapalapit sa Diyos, kulang. Anumang sikap na bigyang kasiyahan ang sarili at ibaling sa ibang bagay tulad ng pera, career, sports, vacation, family, sex, o ambition, kulang pa rin. Marerealize natin na walang anuman sa mundo ang tunay na makapagbibigay kasiyahan sa atin. Nothing satisfies. Kulang palagi.

Ikaw Nga!

Kung ganito ang kalagayan mo, ikaw ang kausap ni Jesus. Oo, ikaw nga! Sabi niya sa iyo, “Lumapit ka sa akin.” Pero okay naman ang kalagayan ko, masayang pamilya, maayos na ministry. Oo, ikaw rin. “Lumapit ka sa akin.” Sa akin? Parang wala na yatang pag-asang maayos ang pamilya namin, makaahon sa utang, at makapamuhay nang may kapayapaan at kagalakan. “Lumapit ka sa akin.” Addict ako sa pera at sa kahalayan, hindi siguro siya interesado sa akin. “Lumapit ka sa akin.” Cristiano na ako, lumapit na ako kay Jesus noon pa. Oo, ikaw rin! “Lumapit ka sa akin.” Hangga’t mayroong bagay, o tao, o ambisyon, o motibo na nakapaglalayo sa iyo sa kanya, ang paanyaya ay sa lahat. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat…” Aminin mo man o hindi na kailangan mo siya, nananatili pa rin ang paanyaya sa iyo.

Huwag mo munang isipin ang mga damit na lalabhan mo mamaya. Huwag mo munang isipin ang babaunin ng anak mo bukas. Huwag mo munang isipin ang napanood mo kagabi. Huwag mo munang isipin ang isang babaeng gustong mong ligawan dito sa church. May sinasabi sa iyo ngayon si Jesus. Oo, sa iyo nga! Hindi lang sa katabi mo, sa iyo!

Personal na Paanyaya

Sabi niya, “Lumapit ka sa akin.” Naririnig mo ba siyang nagsasalita sa iyo ngayon? Hindi si Pastor Derick ang naririnig mo. Si Jesus na nagsasalita sa Bibliya, na ipinauunawa sa inyo ng Espiritu Santo. Personal ang paanyaya sa inyo. Hindi lang ito ipinadala sa iba. Siya mismo ang nagdala ng invitation para matanggap mo, at ngayon din sabihin sa kanya kung ano ang tugon mo. Kung hanggang ngayon pumupunta ka rito tuwing Linggo para makinig sa sermon ni Pastor, panahon na para isipin mo na kaya ka naririto ay upang marinig ang Panginoong Jesu-Cristo na narito ang kanyang Espiritu na totoong nagsasalita sa atin. Kung makikinig lang sana tayo!

“Lumapit ka sa akin.” Hindi sa isang bagay, kundi sa kanya. Kay Jesus, hindi sa isang pangarap. Pumunta ka, hindi sa church, kundi sa kanya. Hindi sa isang kaibigan kung may mabigat kang dinadala, kundi sa kanya. Kapag hindi ka nasisiyahan sa asawa mo, lumapit ka hindi sa ibang babae (totoo man o sa picture lang sa Internet), kundi kay Jesus. Kapag nabibigatan ka sa kasalanang dinadala mo ngayon, huwag nang piliin ang daan palayo. “Lumapit ka sa akin.”

Pahingang Walang Kapantay

Bakit ako lalapit sa kanya? Kasi sabi niya, “kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” Hindi pahinga ng katawan ang binabanggit dito. Kung gusto mo ganoon lang, magpahinga ka lang at matulog, kinabukasan may lakas ka na ulit. Lahat tayo pagod sa pamumuhay na walang direksiyon, walang patutunguhan. Pagod na pilit pinagtatakpan ang kasalanan ng iba pang kasalanan, at ng mga kaabalahan sa mga ministry sa church. Kung lalapit ka sa kanya, “makakatagpo [ka] ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.” Hindi “rest in peace” tulad ng nakikita natin sa sementeryo. Totoong pahinga. Malapit na relasyon sa Diyos. Kagalakan sa kabila ng kabiguan sa buhay. Kapayapaan sa kabila ng kaguluhan sa pamilya.

Matatagpuan mo lamang ito sa kanya, wala nang iba. Maglibot ka man sa buong mundo, wala nang ibang lugar kung saan makakamit mo ito maliban sa paanan ni Cristo. Sa kanya na walang sawa sa paanyaya sa mga taong katitigas ng ulo at ayaw bitawan ang hawak-hawak nilang pagod lang ang bigay sa kanila. “Kung sinuman ang nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom” (John 7:37). “Ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan” (4:14). “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw” (6:35).

Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay lumapit din dito, bumili kayo ng pagkain at ito’y kainin ninyo! Bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salaping pambayad. Bakit gumugugol kayo ng salapi sa mga bagay na hindi nakakabusog? Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan? Makinig kayong mabuti sa akin at sundin ang utos ko, at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain (Isaiah 55:1-2 MBB).

Sa kanya ka lumapit. Siya ang kailangan mo. He alone satisfies. Huwag na tayong maging mapagmalaki at sabihing hindi natin siya kailangan. Kaya ka nga narito kasi alam mo kailangan mo. Pero bakit bukas pagpasok mo sa opisina, parang hindi mo na siya kailangan? Sino lang ba ang makapagbibigay sa iyo ng lahat ng hinahanap mo, ng lahat ng kailangan mo? Wala namang iba ‘di ba? Wala. Nasubukan mo nang sayangin ang pagod mo, ‘di ba? Bakit hindi ka naman lumapit ngayon sa kanya na makapag-aalis lahat ng iyong kapaguran, at magbibigay ng lahat ng iyong kailangan sa buhay.

Panginoon ng Lahat, Anak ng Diyos

Paano ako makatitiyak na ang paglapit sa kanya ang magiging tunay na kasiyahan ko sa buhay? Baka tulad din iyan ng paglapit ko sa tatay ko o sa boyfriend ko na sa bandang huli ay nabigo lang ako. Sino ba si Jesus na nag-aanyaya sa atin na lumapit sa kanya? Hindi ba’t sinabi niya bago ang kanyang paanyaya, para talagang makinig ka, “Ang lahat ng bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama” (v. 27). Ang kapamahalaan at ang kapangyarihan ay ibinigay ng Diyos Ama sa Panginoong Jesu-Cristo. Sabi pa niya bago siya umakyat pabalik sa Langit, “All authority in heaven and on earth has been given to me” (28:18). Tinawag niya ang Ama sa kanyang panalangin sa verse 25 na “Panginoon ng langit at lupa.” Si Jesus din ang Panginoon ng langit at ng lupa. Ang nangangako sa iyo ay ang “Lord of heaven and earth” na siyang makagagawa ng lahat, makapagbibigay ng lahat ng kailangan mo. Hindi lamang siya isang Presidente ng isang bansa na kapag nangako ay maaaring hindi matupad. Hindi lamang siya isang Hari na pati siya ay napapagod at nagkakasakit din. Jesus is Lord of all. He will give you “all” the rest you need. He can satisfy “all” your desires.

Likas sa tao ang magkaroon ng “desires” na kailangang matugunan. Nilikha tayo ng Diyos na ganito. Ang problema natin, hinahanap natin ito sa ibang bagay. Gusto natin ng respeto. Kaya kapag hindi narespeto ng asawa, hahanapin sa ibang babae. Gusto natin ng significance. Kaya kapag hindi nakita sa loob ng pamilya, hahanapin sa trabaho. Gusto natin na may umiibig sa atin. Kaya kapag hanggang ngayon ay single pa rin, kahit hindi kapatid sa pananampalataya ayos lang. We have longing for a genuine relationship.

Ang Diyos ang naglagay ng pagkauhaw na iyan, para hanapin mo din sa kanya, hindi sa iba. Kaya sinabi ni Jesus, “Lumapit ka sa akin.” Bakit? Kasi siya mismo ay mayroong ganoong klaseng relasyon sa Ama na nais niya na maranasan natin. “Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya” (v. 27). Ang Diyos Ama at Diyos Anak kilalang-kilala nila ang isa’t isa. Ibig sabihin, ganoon kalalim ang relasyon nila. Nais ni Jesus na ipakilala ang Diyos sa atin. Nais niyang sabihin na wala ka nang ibang kailangan sa buhay kundi ang magandang relasyon sa Diyos. Kung wala ang Diyos sa buhay mo, lahat man ng bagay sa mundo ay nasa iyo, kulang na kulang pa rin. At sabi ni Jesus, walang ibang paraan na makalapit sa Diyos maliban sa kanya. Wala. “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (John 14:6). Walang iba, siya lang. Bakit ka pa lalapit pa sa iba?

Pagpapasakop at Pagsunod

At dahil siya ang Panginoon ng lahat, ibig sabihin na ang kapahingahang bigay niya ay hindi upang magrelax na lang tayo at kung ano ang mahiligan nating gawin iyon ang susundin niya. E di parang bumalik lang din tayo sa dati nating sitwasyon kung ganoon. Kung siya ang Panginoon ng lahat, kapag sinabi niya sa iyo, “Lumapit ka sa akin,” sinasabi din niya, “Halina’t magpasakop kayo at sumunod sa akin.” Kaya sabi niya sa verse 29, “Pasanin ninyo ang aking pamatok.” Ang “pamatok” (yoke) ay isang pirasong kahoy na inilalagay sa ulunan ng dalawang hayop para makontrol ito. Ito ay tanda ng pagpapasakop.

Lahat ng tao ay may dala-dalang “pamatok.” Ang mga Judio noong panahon ni Jesus ay dala ang mabigat na “pasanin” at “pamatok” ng makasariling pagsunod sa kautusan at tradisyon. Tayo naman ngayon, may iba-iba ring paraan ng paglapit sa Diyos sa sarili nating sikap. Mabigat na pasanin din. Ngunit ang inaalok ni Jesus ay isang “pamatok” na hindi mabigat. Nais niya na magpasakop tayo sa kanya. Teka, parang mabigat din yata yun? Hindi, kung kilala mo kung sino ang nagsasalita, kung alam mo kung paano siya kumikilos sa puso ng isang tao at bumabago sa mga hangarin nito. Sabi nga niya, “Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan” (v. 30). Lahat ng tao may dalang “pamatok.” Ang tanong sa atin ay kung pipiliin nating tiisin ang dalahing iyan, o magsisisi at magpapasakop kay Cristo.

Ang isang disciple ay tagasunod ni Cristo. Hindi na mga Fariseo o mga rabbi ang pinapakinggan niya. Si Cristo na. Hindi na ibang tao ang nagdidikta sa kanya kung ano ang gagawin. Si Cristo na. “Matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso” (v. 29). Hindi tulad ng mga aroganteng Fariseo na ang hangad lang ay ang kanilang sariling interes, ibang-iba si Cristo. Isipin ninyo na ang Diyos na lumalang ng langit at lupa ay magpakababa at mamuhay na tulad nating mga tao, upang mamatay sa krus at magkaroon tayo ng tunay na kapahingahan. Hindi tulad ng mga Fariseong ang nais ay pahirapan ang mga tao, si Cristo ay naparito upang maglingkod at ibigay ang buhay sa ikatutubos ng marami (Mark 10:45).

What do you think of Christianity? Sa tingin ninyo ba ay ganito lang, punta sa church pagkatapos uwi na. Balik sa normal na buhay. Pag medyo na-guilty, balik sa church at magpakarelihiyoso. Hindi! It is about Jesus. It is about coming to Jesus. It is about being being satisfied with Jesus. It is all about Jesus.

Hindi Mo Kaya?

I will follow him. There’s no one and nothing in the world worth following compared to Jesus. Hindi ko alam kung ano ngayon ang humahadlang sa inyo para tuluyang lumapit sa kanya. Maaaring isang relihiyong nakagisnan na ninyo, at kapag iniwanan ninyo ay may takot kayong talikuran kayo ng inyong sariling pamilya. Maaaring isang bisyong hindi mo maiwanan. Maaaring isang “career” na kinahuhumalingan mo. Maaaring isang tao na sa tingin mo ay kapag nawala sa iyo ay magugunaw na ang mundo mo. Maraming ganyan noong panahon ni Jesus. Hindi lumalapit sa kanya kasi ayaw bitawan ang matagal nang hawak-hawak. Mula pa sa kanunununuan nila iyon na ang paraan nila ng paglapit sa Diyos. Takot na maitakwil ng sariling mga kababayan. Maaaring lumalapit kasi si Jesus nagpapagaling ng sakit at nagpapakain ng libu-libo. Pero hanggang doon lang. Magpasakop? No way.

Ganito ang mga taong binalaan na niya dahil pagkatapos makita ang mga himalang ginawa ni Jesus hindi pa rin nagsisi at nagpasakop sa kanya bilang Panginoon (v. 20). Hindi lang kapaguran ang sasapitin nila, kundi walang hanggang sakit at hirap sa mabagsik na kamay ng Diyos. Matapos silang yayaing maranasan nila ang tunay na buhay, tinalikuran pa nila. Nilapastangan nila ang pasensiya at kabutihan ng Diyos. Sila ang mga taong sinabi ni Jesus sa kanyang panalangin sa Ama na mga “pantas at matatalino” (v. 25). Akala nila tama sila. Akala nila maaayos nila ang problema nila sa kanilang sariling diskarte. Ang kanilang desisyon ay hindi kawalan sa Diyos, ito ay kawalan nila. Sa katigasan ng kanilang puso, lalong itinago sa kanila ng Diyos ang katotohanan ng kanyang kaharian. Hindi nila matitikman ang pagpapalang ibubuhos sa sinumang nasa loob ng kaharian ng Diyos. Kung hindi sila lalapit kay Cristo.

Ipagpapalit Mo Ba?

Ang paglapit natin kay Cristo ay tulad ng isang “sanggol” o maliit na bata. Walang maipagmamalaki. Alam niyang kailangan niya si Cristo. Hindi gagawa ng sariling diskarte para mabuhay, kundi lalapit kay Cristo. Hindi magpapakitang gilas para mapalakpakan ng ibang tao. Ang buhay ay nakalaan at nakadepende kay Cristo. Lalapit tayo sa kanya hindi upang may makuha sa kanya, hindi tulad ng isang bata na lalapit sa tatay kasi may gustong ipabiling laruan. Lalapit tayo dahil siya ang ating kailangan. Tulad ng isang bata na hindi baleng walang laruan basta kasama si tatay araw-araw, nayayakap, nakakausap.

Oo, kailangan natin ang pera, trabaho, asawa, mga kaibigan, ang church. Ngunit para lang itong laruan ng mga bata na hindi sapat na magbigay ng tunay na kapahingahan. Para tayong tulad ng isang batang ang magulang ay nasa ibang bansa. Masaya kasi may mga bagong laruan, may uwing chocolate si Daddy, may pasalubong na sapatos. Ngunit sa loob-loob ng bata, kung tumagal na wala pa rin si Daddy, mararamdaman niya na may kulang. Mararamdaman niya na balewala pala ang mga pasalubong. Panalangin ni St. Augustine, “Our hearts are restless till they find their rest in you.” Pagod tayo. Hindi natin makukuha ang pahinga sa ibang tao o sa ibang bagay. Maaaring panandalian siguro, pero hindi magtatagal. Kaya ang sabi ni Cristo, “Lumapit kayo sa akin.” Ano pa’ng hinihintay mo?


[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s