Magpakatotoo, ‘Wag Magkunwari 2

June 12, 2011  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Matthew 5:17-20

[audio http://cdn.sermonplayer.com/sermon_u002/pastorderick/audio/2722008_19480.mp3]

[vimeo http://vimeo.com/26193125]

Downloads: audio | video

Last week nakita natin kung paano na-expose ng Panginoong Jesus ang totoo sa mga Pariseo na pakunwari lang ang relihiyon. Pakitang-tao lang daw, hindi totoong matuwid sa harap ng Dios. Sa harap ng tao, maaaring oo. Pero hindi totoo. Sabi niya sa Matthew 23:28, “On the outside you seem righteous to people, but inside you are full of hypocrisy and lawlessness” (HCSB). Isa sa mga errors nitong mga Pariseo ay ang tinatawag na legalism, ito yung pagsunod sa utos na Dios na akalang sa pamamagitan noon ay magiging katanggap-tanggap sila sa Diyos. Ito yung pagsunod na panlabas lang, ginagawa sa sariling sikap, at naitataas ang sarili.

Siyempre napag-aralan natin last week na hindi dapat ganun. Alam nating ayaw ng Panginoong tularan natin ang legalism ng mga Pariseo. Sasabihin natin nasa ilalim na tayo ng biyaya ng Dios. Ang mahalaga na ay ang relasyon sa Dios at pananampalataya kay Cristo. Oo nga’t totoo yan. Pero mag-ingat tayo na baka mapunta naman tayo sa kabilang extreme ng pagsunod, ang tinatawag na antinomianism. Anti-law. Parang wala nang batas na dapat sundin.

Independence Day ngayon at inaalala natin ang paglaya natin mula sa pagsakop ng Spain. Noong nasa ilalim pa ng mga dayuhan, susunod ang mga tao sa kanila kasi yun ang sabi sa kanila at mapaparusahan kung hindi mo gagawin. Kahit wala naman sa loob mo ang pagsunod, basta ma-please mo lang sila. Legalism ang tawag dun. Halimbawa, masipag kang mag-Quiet Time kasi para sagutin ng Dios ang hiling mo na bigyan ka ng trabaho o kaya kasi feeling guilty ka kapag pinapaalala ni pastor.

Pano naman ang antinomianism? Pero ngayon malaya na tayo. May sarili nang gobyerno. Ang iba baka isipin dahil malaya na sa mga dayuhan, puwede nang gawin lahat ng gusto nilang gawin. Tapon dito, tapon doon. Tawid dito, tawid doon. Oo nga’t malaya na tayo, pero hindi ibig sabihing wala nang namamahala sa atin. Hindi ibig sabihing malaya na tayong sumuway sa mga batas. Yung iba OK lang magkasala kasi patatawarin din naman ng Dios. Ligtas na naman, kaya OK lang din kahit hindi maibahagi ang gospel sa iba.

Legalism man o antinomianism, parehong nagiging problema ng mga Cristiano rin. At kung isa man diyan ang ugali natin pagdating sa mga utos ng Dios, ano ngayon ang kaibahan natin sa mga hindi Cristiano? Tama ang observation ni John Stott, “No comment could be more hurtful to the Christian than the words, ‘But you are no different from anybody else’” (The Message of the Sermon on the Mount, p. 17). Ang kaibahan nating mga Cristiano ay may kinalaman sa totoong pagsunod natin sa mga utos at kalooban ng Dios. Ito ang burden ng Sermon on the Mount sa Matthew 5-7, para ipakita ang klase ng pamumuhay ng mga tagasunod ni Cristo na ibang-iba sa mundo. Bakit seryoso ang Dios sa totoong pagsunod? Ano ba ang totoong pagsunod? Paano ang totoong pagsunod? Ito ang sasagutin natin sa pag-aaral natin ngayon.

SERYOSO ANG DIOS SA TOTOONG PAGSUNOD

Maaaring hindi seryoso ang gobyerno natin sa pagpapatupad sa lahat ng mga batas ng ating bansa. Maaaring sa mga mabibigat na batas tulad ng pagpatay at pagnanakaw, seryoso pa siguro, pero pag sa maliliit tulad ng pagtatapon ng basura sa kalye, di na masyadong seryoso. Pero ang Dios natin seryoso sa lahat, kaya seryoso siya na na totoo ang pagsunod natin. Hindi lang namimili, kundi sa lahat. Hindi lang pakitang-tao, kundi yung totoo sa lahat ng utos niya. Totoo ba ‘to? Bakit natin masasabing ganito kaseryoso ang Diyos? Hindi ba’t ligtas na tayo at papunta na sa langit dahil tinanggap na natin si Cristo? Oo nga, pero may dahilan bakit seryoso ang Diyos.

Para sa kanya. Ang mga kautusan ng Dios ay reflection ng kanyang character, ng pagiging Diyos ng Diyos. “You must be perfect, as your Father in heaven is perfect” (5:48). Totoong pagsunod sa lahat ng utos kasi nga ang mga utos ng Diyos ay nagpapakita ng perfect holiness ng Diyos. Kung pipiliin lang natin ang gusto nating sundin o magpapakitang-tao lang tayo sa pagsunod, sinasabi nating hindi banal ang Diyos at wala siyang pakialam sa pagsuway ng tao. Hindi ba’t siya ang ating “Amang nasa langit” (6:1, 9). Ibig sabihin, siya ang masusunod, hindi tayo. Hindi siya nagbigay ng suggestions sa atin para pag-isipan natin kung susundin o hindi. Hindi niya ibinigay ang kanyang mga utos just for your information. Siya ang Ama, siya ang Hari, siya ang Panginoon. Tandaan natin ‘yan.

Kaya nga ang itinurong prayer ni Cristo sa atin ay, “Our Father in heaven, hallowed be your name, your kingdom come, your will be done on earth as it is in heaven.” Paano ba nasusunod ang Diyos sa langit? Hindi ba’t totoong pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos ang nangyayari doon? Kaya kung susundin natin lahat ng utos ng Diyos para sa atin, naitataas natin ang pangalan niya.

Para kay Cristo. Sa simula’t simula pa plano na ng Diyos na ang kanyang kautusan ay matupad at hindi balewalain ng mga tao. Huwag nating sabihing ang pagsunod ay sa Old Testament age lang at hindi na ngayon kasi New Testament na; na we’re living not under the law but under grace. Sabi ni Cristo sa 5:18, “hangga’t may langit at may lupa, kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng kabuluhan hangga’t hindi natutupad ang lahat.” Kaya nga dumating si Cristo kasi sumuway tayo at nagrebelde sa utos ng Diyos. Dumating si Jesus hindi para isantabi ang kautusan ng Diyos, kundi ano? “Naparito ako upang tuparin ang mga ito” (5:17), paliwanag niya.

Oo, tinupad niya ang kautusan para sa atin. Kaya nga hindi na kailangan ang mga ceremonial laws sa OT kasi si Jesus na ang naging sakripisyo sa Diyos. Bayad na ang kasalanan natin. Malaya na tayo sa kasalanan, malaya na tayo ngayong sumunod sa Diyos na wala na ang takot na muling parurusahan. Kasi nga tinanggap na tayo ng Diyos dahil kay Cristo nang tanggapin natin ang biyayang ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ano ngayon ang sasabihin natin kung bakit natin tinanggap si Cristo bilang Lord at Savior? Para makatakas sa impiyerno at mapunta sa langit? E bakit andito ka pa at hindi kinukuha ni Lord? Kasi gusto niyang magkaroon ng pagbabago na sa buhay mo, buhay na makikitaan ng totoong pagsunod sa Diyos! Besides, what’s the point of calling Jesus “Lord” if you will not obey him (7:21-23)? Kung Cristiano ka, tinanggap mo si Cristo bilang Tagapagligtas at Panginoon.

Para sa atin. Kasi nagbibigay ng warning ang Panginoon dito. Mag-ingat tayo at siyasatin nating mabuti ang sarili natin. Kung kahit kailan ay hindi naging totoo ang pagsunod natin sa kanya. Pakunwari lang. Sa pangalan lang. Panlabas lang. Wala sa atin ang kaharian ng Diyos. Kung ang pagsunod ay tulad din ng mga Pariseo, hindi tayo makakapasok sa kaharian ng langit (5:20). Kung tinatawag mo siyang “Panginoon” at nakikitang super active sa mga gawain sa church, ngunit hindi naman totoo ang pagsunod natin, sa Araw ng Paghuhukom, sasabihin ni Cristo sa iyo, “Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!” (7:23). “Ang lahat ng punong hindi namumunga ng maganda ay pinuputol at itinatapon sa apoy” (7:19).

Not just entering the kingdom is at stake here. Andun din yung pagiging dakila sa kaharian ng Diyos na binabanggit sa v. 19, na sinasabing kung totoo ang pagsunod natin sa Diyos at ituturo natin sa iba na ganun din ang gawin nila, magiging dakila tayo sa kaharian ng Diyos. Kung hindi naman, mababa lang. Para bang there is  certain kind of rewards sa bawat mabuti nating ginagawa. Hindi ibig sabihing salvation is by works. But rewards in heaven is by our good works. Ito rin ang point sa 6:1, may gantimpalang nakalaan ang Diyos sa mga Cristianong totoo ang pagsunod. This is also illustrated in giving, praying, and fasting sa mga sumunod na talata.

Hindi mababalewala ang totoong pagsunod natin. May katumbas itong gantimpala. I’m not exactly sure about the nature of rewards in heaven. But this is definitely good since it came from God, na pinanggagalingan ng lahat ng mabubuting bagay. It is not wrong to expect rewards in heaven. Jesus is motivating us to obey by promising us these staggering rewards! Ang mali ay mag-expect tayo ng reward sa tao. May choice tayo: pipiliin ba nating maging pakitang-tao ang pagsunod at tanggapin ang maliit at pansamantalang gantimpala mula din sa mga tao o pipiliin nating buong puso ang pagsunod sa Dios at tanggapin ang malaki at pangwalang-hanggang gantimpala na mula sa kanya?

Hindi joke ang usaping ito. Seryosong usapan ‘to. Kasi may kinalaman dito ang pangalan ng Diyos, ang halaga ng ginawa ni Cristo sa krus, at ang eternity natin. Minsan parang ginagawa nating ice-cream ang buhay Cristiano, desert lang. Puwedeng meron, puwede ring wala. Nalulungkot ako para sa ilan sa inyo na ganyan ang tingin sa pagiging Cristiano. Natatakot ako na ang iba sa inyo ay babagsak din sa impiyerno dahil peke ang pagsunod.

Nakakalungkot din para sa ilan na ang tagal nang Cristiano, pero parang walang nakikitang maraming bunga. Look at your Christian life. Hindi mo ba minsan natatanong, “Ganito lang ba ang buhay Cristiano?” Paano kaya kung ngayon sabihin mo sa Panginoon, “Lord, dati kuntento na ako na ganito lang, gawin kung ano ang comfortable at convenient sa akin. Pero ngayon seseryosohin ko na ang mga utos mo. Tulungan mo po akong sumunod”?

Dahil seryoso ang Dios dito, dapat din nating alamin kung ano ba ang totoong pagsunod. Tingnan natin ngayon ang tatlong katangian ng totoong pagsunod sa Dios.

HINDI PANLABAS, KUNDI MULA SA PUSO

Ang totoong pagsunod ay mula sa isang pusong binago ni Cristo. Ito ang marka ng isang tunay na tagasunod ni Cristo, hindi ito tulad ng pagsunod ng mga Pariseo na pakitang-tao lang at panlabas lang. Kaya sabi ng Panginoon sa 5:20, “Unless your righteousness exceeds that of the scribes and the Pharisees (which is hypocritical, external and false) you cannot enter the kingdom of heaven.” Legalista ang pagsunod ng mga Pariseo. Tantsa nila ay halos 240 ang utos na gawin at 365 ang ipinagbabawal na gawin sa Kautusan. Hindi ibig sabihin nitong kapag nakaka-220 sila ay kailangan tayo higit pa na mas marami ang nasusunod, 230. Hindi ganun. Ang sinasabi ni Cristo dito ay iyong pagsunod na hindi mas marami sa bilang, kundi mas malalim, galing sa puso, galing sa totoong relasyon kay Cristo. Wala ang mga Pariseo ng ganoong pagsunod.

Anim na ilustrasyon ang ginamit dito ni Jesus para ipakita kung anong pagsunod ang nais ng Diyos. Ginamit niya ang salitang “Narining ninyo noong una…ngunit sinasabi ko sa inyo” sa anim na iyon. Hindi niya binabalewala ang utos sa Lumang Tipan (5:17). Nililinaw niya ang tunay na kahulugan nito, na binaluktot ng mga tagapagturo. Problema kasi nila mali o limitado ang application nila ng mga utos ng Diyos. Hindi lang huwag papatay, dapat huwag din magtatanim ng galit sa puso (5:21-26). Hindi lang huwag mangangalunya, kundi huwag rin magkakaroon ng masamang pagnanasa sa puso (5:27-30). Hindi lang makakita ng dahilan sa paghihiwalay sa mag-asawa kundi gumawa ng paraan para maging tapat sa puso ang pagsasama (5:31-32).

Distorted din o baluktot ang interpretation nila nito. Hindi lang pagtupad ng sinumpaang pangako kundi buong pusong pagtupad ng pangakong di na kailangan ang sumpa (5:33-37). Hindi paghihiganti kundi walang paghihiganti sa puso (5:38-42). Hindi dapat kamuhian ang kaaway kundi ibigin mula sa puso (5:43-48). It is a problem of the heart when we misapply or misinterpret the Scriptures.

Kaya tama si John Stott, “This is why entry into God’s kingdom is impossible without a righteousness greater (i.e., deeper) than that of the Pharisees. It is because such a righteousness is evidence of the new birth, and no-one enters the kingdom without being born again” (Stott, 74). Tulad ng sabi din ni Jesus kay Nicodemo, “Unless one is born again (or from above) he cannot enter the kingdom of God” (John 3:3). Ang ganitong pagsunod ay imposible sa isang tao walang bagong pusong binago ni Cristo. Parang isang puno, hindi mamumunga ng maganda kung hindi maganda ang puno (Matt. 7:16-18). Walang totoong pagsunod sa isang pusong hindi pa binago ni Cristo.

Maaaring ang iba sa inyo ay tulad din ng mga Pariseo na pilit na sumusunod sa utos para maging katanggap-tanggap sa Diyos pero wala naman kayong tunay na relasyon kay Cristo, panawagan ito ng Diyos na stop trying hard, but start trusting Christ. And to those who are already born again by the Spirit, tandaan ninyong meron na kayong bagong puso. Pinatawad na kayo at katatanggap-tanggap na sa Diyos. Posible na ang isang totoong pagsunod. At kung sabihin mong wala kang pakialam sa totoong pagsunod, baka wala pa diyan sa iyo ang isang bagong puso. Baka hindi ka naman talaga “born again.” Baka.

HINDI KAYA SA SARILI LANG, KAYA SA TULONG NG DIOS

Ganoon din, dahil ang totoong pagsunod ay siyang mula sa pusong binago ni Cristo, magagawa ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kung ang standard ng Panginoon ay ito: “You therefore must be perfect, as your heavenly Father is perfect” (5:48), sa tingin niyo kaya ba natin sa sarili natin? Siyempre hindi. Gusto ng Diyos na maging totoo ang pagsunod natin kasi gusto niya tulad niya tayo na banal at may malinis na puso. “Be holy for I am holy.” Nilikha tayo para ma-reflect ang character ng Diyos. Tinawag tayong mga anak ng Diyos kasi gusto niya maging tulad natin siya. Sa buhay Cristiano, hindi man posible ang sinless perfection ngayon, pero iyon ang life pursuit natin. Iyon din ang nakikita natin sa hinaharap tulad ng sinabi ni apostle John, “When he appears, we shall be like him, for we shall see him as he is.”

Pero ngayon alam natin mahina tayo. Alam natin nagkukulang tayo. Kahit Cristiano na. Isang maling reaksiyon dito ay yung sabihing, “Nobody’s perfect!” Tao lang, nagkakamali din. Kung ganoon, baka kapag nadapa ng ilang beses at nakitang mahina sa pagsunod sa Diyos, umayaw na. Bakit pa susubukang tapusin ang 3-km run kung palagi namang nadadapa?

Maling reaction ‘to. Kasi ang gusto ng Diyos kapag nadadapa, sa kanya kakapit. Hihingi ng tulong kasi ang totoong pagsunod ay gawa ng Espiritu sa buhay natin. We have the power to obey kasi nasa atin na ang Espiritu. Pangako din naman ito ng Diyos sa OT na natupad sa pagdating ng Espiritu (Acts 2). “Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu para maingat ninyong masunod ang mga utos ko’t mga tuntunin” (Ezek. 36:27). Ang totoong pagsunod ay bunga ng Espiritu, kaya nga sabi ni apostol Pablo na mamuhay tayo na ginagabayan ng Espiritu. Tatakbo tayo sa lakas na galing sa Diyos. Kapag nadapa, alam nating may Diyos na hahawak ng kamay natin, tutulungan tayong tumayo at sasabihing, “Tuloy ka lang sa pagsunod. Kasama mo ako.”

Ang problema naman ng iba, lalo na yung mga “mature” Christians na o nasa leadership position sa church o matagal nang Cristiano, iisiping kaya na nila kasi may sapat na silang training sa evangelism, teaching, at paglilingkod sa mga ministries. Ipinapaalala sa atin dito ng Panginoon, na kahit gaano na tayo kalayo sa takbuhin natin, hindi darating sa punto ng buhay natin bilang tagasunod na hindi na natin kailangan ang Espiritu Santo. Araw-araw kailangan natin hanggang mamatay. Hindi rin darating na wala nang lugar para sa paglagong espirituwal, dahil hangga’t hindi tayo nagiging katulad ng Panginoong sa totoong pagsunod, palagi’t palaging meron tayong puwang sa paglagong espirituwal. Huwag tayong hihinto. Huwag din gagawin sa sarili lang.

HINDI PARA SA SARILI, KUNDI PARA SA DIOS

Ang totoong pagsunod, hindi lang basta galing sa pusong binago ni Cristo, hindi lang ginagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, ito ay ginagawa para sa karangalan ng Diyos. Kung sa simpleng pagkain at pag-inom ay dapat gawin para sa Diyos (1 Cor. 10:31), lalo naman ang mga bagay na sa tingin ng mga tao ay espirituwal at maka-Diyos tulad ng giving (6:2-4), praying (6:5-15) and fasting (6:16-18). Bago niya isa-isahin ito, binanggit niya ang general principle sa v. 1, “Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lang.” Sa literal, “sa harap ng ibang tao upang makita nila.” Ang pagsunod na hindi totoo ay iyong ginagawa para ang sarili ay maitaas ng ng ibang tao. Inaagaw nito ang karangalang para sa Diyos. Kung nagbibigay, ipinamamalita sa iba. Kung nananalangin, mas gusto na nakikita ng iba.

Pero ang gusto ng Diyos ay ang pagbibigay na lihim, panalangin ng lihim. Hindi ibig sabihing laging pasikreto ang pagsunod natin. Motives ang pinag-uusapan dito. Hindi lang basta pagsunod na hindi nakikita ng iba, kundi pagsunod na para sa Diyos. Posible din namang hindi nga ipagkalat ang pagsunod pero sa loob-loob naman tinatapik ang sariling balikat as a sign of self-approval, “Ang galing ko talaga.” Ang issue ay, “Para kanino mo ginagawa ang ginagawa mo?” Nais din ng Diyos na makita ng ibang tao ang pagsunod natin, pero ang motibo hindi para sa pagtataas ng sarili kundi para mapapurihan ang Diyos. “Let your light shine before me that they may see your good deeds and glorify your Father in heaven” (5:16). Ang totoong pagsunod ay iyon lamang ginawa para sa karangalan ng Dios.

What is your goal in doing what you are doing? Kung ang sagot dito ay para sa karangalan ng sarili mo, kahit pa napaka-spiritual ng ginagawa mo tulad ng preaching the Word o evangelism, mas mainam pa ang magwalis sa simbahan na walang nakakakita pero ginagawa para sa karangalan ng Diyos. For the glory of God – this goal is what sets apart true obedience from false obedience.

PAANO MAGIGING TOTOO ANG PAGSUNOD?

Paano ngayon ang gagawin natin para maging totoo ang pagsunod natin? Kung ang totoong pagsunod ay tulad ng mga nakita natin kanina, makakatulong kung, sa bawat utos o kalooban ng Dios na susundin natin o iisipin nating hindi sundin, tatanungin natin ang sarili natin ng mga tanong na ito: Bakit ko gagawin ‘to? Para kanino ko gagawin ‘to? At Paano ko gagawin ‘to? Ito ba ay dahil binago ka na ng Dios? Ito ba ay para sa karangalan ng Dios? Ito ba ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios? Napakahalagang mga tanong na dapat nating pag-isipang mabuti. Makakatulong din ang limang hakbang na ito (AM2PM):

Aminin na nagkulang at mahina ka. Halimbawa, tungkol sa family worship. Alam kong dapat kong pangunahan ito sa pamilya namin at makakatulong ng malaki sa pagpapalaki namin sa anak namin. Kaya ngayon kailangan naming sanayin kahit kami muna ni Jodi. Pagsunod din ito sa nais ng Diyos na ipinangako din namin sa dedication ni Daniel. Una, kailangang aminin ko sa Diyos na nagkukulang ako sa bagay na ito at mahina. Tulad kagabi, bago kami magpray ni Jodi, parang feeling ko pagod na ko. Hindi ko kaya sa sariling lakas ko.

Manalangin at humingi ng tulong sa Diyos. “Lord, tulungan mo ako. Gusto kong masunod ang kalooban mo.” At siyempre may pangako ang Diyos na mangyayari ang kalooban niya sa buhay natin.

Magtiwala sa pangako ng Diyos. Hindi ko pagdududahan o mag-aalinlangan na kikilos ang Diyos.

Pagbutihin ang gagawin. Siyempre pagkatapos kong magpray, hindi ko sasabihing makatulog na lang muna, saka na lang ang family worship. Dapat gawin at pagbutihin.

Magpasalamat at ibigay ang papuri sa Diyos. Kapag nagawa ng maayos at tumagal-tagal nakita kong lumalaki ang anak naming sumusunod sa Diyos at kaming mag-asawa ay magkasamang lumalago spiritually, hindi ko tatapikin ang balikat ko at sasabihing, “Galing mo, Derick. Masipag ka kasing maglead ng family worship.” Kundi, “Lord, lahat ng ito ay posible dahil sa iyo. Maging ang lakas at sipag ko ay galing sa ‘yo. Purihin ka sa lahat ng bagay.” Ito ang totoong pagsunod, nawa’y makita ito ng Diyos sa lahat ng mga nagsasabing sila ay tagasunod ng Panginoong Jesus.

2 thoughts on “Magpakatotoo, ‘Wag Magkunwari 2

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s