Grace to Us and Glory to God

By Derick Parfan | October 25, 2009

Series: Celebrating the Cross of Christ

Galatians 1:1-5 (ESV)[1]

Paul, an apostle – not from men nor through man, but through Jesus Christ and God the Father, who raised him from the dead – and all the brothers who are with me, To the churches of Galatia: Grace to you and peace from God our Father and the Lord Jesus Christ, who gave himself for our sins to deliver us from the present evil age, according to the will of our God and Father, to whom be the glory forever and ever. Amen.

The Balloon Boy Hoax

Bakit tayo nakikinig ng balita sa TV? Kasi gusto nating malaman kung ano ang mga nangyayari ngayon. Pero may mga bagay na ibinabalita ng media na hindi naman totoo, o hindi man lamang inalam muna kung totoo bago ibalita. Marami namang tao ang naniniwala. Halimbawa nalang ay noong nakaraang linggo, ibinalita ang nangyari sa Colorado sa US na may isang anim na taong gulang na bata ang nakasakay sa air balloon nang mag-isa, at aksidente itong nakawala. Sobrang concern ang mga magulang pati ang mga nakapanood sa TV habang pinapanood ang air balloon na lumilipad. Nang bumagsak na ang air balloon, nakita nilang wala namang bata sa loob. Nakatago lang pala ang bata sa attic ng kanilang bahay. Sinabi ng awtoridad na gawa-gawa lamang ng mga magulang ang istorya upang makuha ang atensiyon ng media. Good show, but not true. Umamin si Mayumi Heene na ang kanyang asawang si Richard ang may plano nito. Alam nilang nakatago lang sa attic sa bahay ang kanilang anak na si Falcon.[2] May isang nagsabi na ang media ngayon ay “more concerned for being in the game, but not concerned for what is true.”

Dapat totoo ang ibinabalita ngunit maraming tao mas gusto ang entertainment kaysa kung ano ang totoo. Kaya nga popular ang mga superheroes, mga telenovelas, mga gawa-gawang kuwento, kasi naaaliw ang maraming tao. Kaya nga may mga balita na wala naman talagang kinalaman o hindi naman nakakaapekto sa takbo ng ating mundo o may kinalaman sa buhay natin. Pero ibinabalita kasi ito ang inaabangan ng mga tao. Kahit minsan ay hindi na totoo, at kung totoo man ay exaggerated ang kuwento.

Sasabihin nating hindi naman iyan ganoon kaimportante pero dumarating ang panahon na ang ibinabalita ng mga tao na hindi tama ay magdudulot ng kapahamakan sa maraming tao. Paano kung ibinalita ng PAGASA na sa susunod na mga araw ay huwag tayong mag-alala kasi magiging maaraw, tapos maya-maya lang ay dumating na ang bagyo! Hindi tayo nakapaghanda. Maraming tao ang namatay at nalunod sa baha. Hindi ba’t ganyan ang ginagawa ng ibang mga mangangaral na nagtuturo tungkol kay Cristo? May mga taong nagkakalat talaga ng mga bagay na hindi naman totoo at pinaniniwala naman ang ibang tao. “Umanib kayo sa aming samahan at maliligtas kayo. Gawin ninyo ito upang mapunta kayo sa langit. Magbigay kayo ng ganitong halaga upang mapatawad ang inyong kasalanan.” Kung hindi naman sang-ayon sa sinasabi ng Bibliya, siyempre mapapahamak ka kung maniwala ka. Ikalulungkot ko kung iyan ang mangyayari sa ilan sa inyo (nangyari na po ito sa iba dati). Dapat malaman natin ang totoo at maging mapagbantay tayo sa mga taong hindi nagtuturo ng katotohanan.

“Celebrating the Cross of Christ”

Ito rin ang nais ni Pablo sa mga iglesia sa Galacia. Ilang buwan pa lamang ang nakakaraan nang itayo niya ang mga iglesia sa mga siyudad ng Antioch sa Pisidia, ng Iconium, ng Lystra at ng Derbe (Acts 13:14–14:23). Ngunit ngayon ay mayroon nang nagtuturo sa kanila ng “ibang ebanghelyo” na ang mga Cristiano ay dapat ding sumunod sa kautusan ng mga Judio upang magkaroon ng kaligtasan. Paul was so concerned, that is why he wrote this letter. Sa Chapters 1-2, ipinaliwanag niya sa kanila kung bakit dapat silang makinig sa sinasabi niya dahil ang kanyang mensahe ay galing sa Diyos at hindi sila dapat maniwala sa sinumang sumasalungat dito. Sa Chapters 3-4 ipinaliwanang niyang ang tao ay maliligtas lamang o magiging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng mabubuting gawa o pagsunod sa kautusan. Sa Chapters 5-6 ipinakita niyang ang mga Cristiano ay dapat mamuhay ayon sa kalayaang natanggap na nila kay Cristo ay hindi magpaalipin pa muli sa pagsunod sa kautusan upang maging matuwid sa harapan ng Diyos.

Kung loloobin ng Diyos, ang sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia ang pag-aaralan natin linggo-linggo simula ngayon hanggang sa susunod na taon. Papakinggan natin kung ano ang sinasabi ng Diyos sa ating iglesia sa pamamagitan ng sulat na ito, kung ano ang dapat nating paniwalaan, kung ano ang dapat nating panghawakan, kung ano ang dapat nating ipamuhay, at kung ano ang dapat nating ipamalita sa lahat ng mga tao. At ito ang mabuting balita ng Panginoong Jesu-Cristo. Pinamagatan ko ang series na ito sa Galatians na “Celebrating the Cross of Christ” dahil ang buong buhay natin ay magkakaroon lamang ng kabuluhan kung ipapamuhay natin ang kalayaang nasa atin na dahil kay Cristo. “I have been crucified with Christ. It is no longer I who live, but Christ who lives in me. And the life I now live in the flesh I live by faith in the Son of God, who loved me and gave himself for me” (2:20). “But may it never be that I would boast except in the cross of our Lord Jesus Christ, through which the world has been crucified to me, and I to the world” (6:14 NASB). Life is meant to be a celebration of the freedom we have in Christ because he died on the cross so that we may be free to draw near to God.

Isinulat ito ni Pablo 50 A.D. Ang tagal na niyang naisulat bakit pa natin babasahin at pag-aaralan? Ang tanong na sasagutin ko ngayon ay ito: Bakit tayong mga Cristiano ngayon, tulad ng mga taga-Galacia noon, ay dapat makinig sa sinasabi ni Pablo sa kanyang sulat? Makikita natin ito sa unang limang verses ng sulat na ito. Hindi ito pangkaraniwang introduction lang sa sulat kung saan ipinakilala ni Pablo ang sarili niya at nagbigay ng ilang pagbati. Makikita natin dito ang burden ng kanyang buong sulat. May iba nang pinakikinggan ang mga Cristiano roon, kaya ipinakita ni Pablo sa simula pa lamang kung bakit nila dapat pakinggang mabuti ang sinasabi niya sa kanyang sulat. Hindi lamang totoo ang kanyang ibinalita sa kanila noon pa, ito rin ay napakaimportante na kapag lumayo sila dito ay kapahamakan ang naghihintay sa kanila.

Apostolic Authority

Bakit dapat nating pakinggan si Pablo? Una, dahil ang mga sinasabi niya, bilang apostol, ay mga salitang galing mismo sa Diyos. At kung galing ito sa Diyos alam nating totoo. What Paul writes in this letter, God speaks through him. His message is God’s message. His gospel is God’s gospel. Kung ang isang tao ay hindi naniniwala dito, siya ay sumasalungat hindi lamang kay Pablo, kundi sa awtoridad ng Diyos. Ganito niya sinimulan ang kanyang sulat: “Si Pablo na apostol – hindi mula sa mga tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay – at ang lahat ng mga kapatid na kasama ko, Sa mga iglesya ng Galacia” (vv. 1-2). Sa maikling pagpapakilalang ito, paano niya pinatunayang siya ang dapat pakinggan ng mga tao at hindi ang mga gurong nagtuturo ng salungat sa turo niya?

Una, ipinakilala niya ang sarili niya bilang isang apostol na isinugo ng Diyos. “Si Pablo na apostol – hindi mula sa mga tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.” Kailangan niyang sabihin ito dahil may mga taong nagtuturo sa kanila at nagsasabing galing sila sa mga apostol sa Jerusalem ngunit ang turo ay salungat naman sa itinuro ni Pablo. Sinabi niyang ang awtoridad niya ay hindi galing sa tao, hindi ang mga pinuno sa Jerusalem ang nagsugo sa kanya. Sino? Ang Diyos mismo! Diyos Ama at Diyos Anak ay nagkakaisang gawing apostol si Pablo.

Ano ba ang isang apostol? Ang salitang apostol ay nangangahulugang isang taong isinugo o kumakatawan sa nagsugo sa kanya upang tuparin ang isang misyon. Si Pablo ay isinugo ng Diyos sa layuning ipamalita ang mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Siya, sa gayon, ay mensahero ng Diyos. Ang salitang ipinangaral niya ay hindi galing sa kanyang sarili o sa ibang mga apostol gaya nila Pedro at Santiago, kundi sa Diyos mismo. Kaya kung ang sinuman ang magsasabi ng salungat dito ay sumasalungat hindi kay Pablo kundi sa Diyos. Ang sinumang hindi maniwala sa itinuturo niya ay nagsasabing sinungaling ang Diyos.

Ang qualification ng isang apostol ay isang saksi sa muling pagkabuhay ni Cristo. Kaya ang ibang tao ay sinasabing hindi siya apostol kasi hindi naman siya katulad ng labindalawa na nakasama at nakakita kay Jesus. Kaya sinabi niyang nakita rin niyang buhay si Jesus! Kaya nga sinabi niya na ang kanyang pagiging apostol ay “sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.” “…the gospel that was preached by me is not man’s gospel. For I did not receive it from any man, nor was I taught it, but I received it through a revelation of Jesus Christ” (1:11-12). Noong panahong siya ang namumuno sa pag-uusig at pagpapapatay sa mga Cristiano, nagpakita sa kanya si Jesus ay tinawag siyang maging tagasunod at apostol. “Last of all, as to one untimely born, [the risen Christ] appeared also to me” (1 Cor. 15:8). “[God] was pleased to reveal his Son to me” (Gal. 1:16).

Ikalawang patunay na nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ni Pablo at dapat panghawakan ang itinuturo niya tungkol sa kaligtasan ay: kasama niya ang maraming mga kapatid na nagpapatotoo sa katotohanan ng kanyang mensahe. “…at ang lahat ng mga kapatid na kasama ko…” (1:2). Ito ay hindi imbento lang. Ito ay hindi balitang gawa-gawa lang. Marami siyang kasama na mga Cristiano, mga kapatid, na magpapatunay na siya’y tinawag ng Diyos at ang mensahe niya ay mensaheng mula sa Diyos. Ang mensahe ng Galatians ay hindi lamang mensahe pinaniniwalaan lamang ni Pablo, kundi pinanghahawakan ng maraming kapatid. Hindi puwedeng sabihin ng mga bulaang guro sa Galacia, “Huwag kayong makinig kay Pablo, siya lang naman ang nagsasabi niyan.”

Ikatlong patunay: ang awtoridad na iginawad sa kanya ay hindi lamang awtoridad sa iilan kundi para sa lahat ng iglesia. “Sa mga iglesya ng Galacia” (1:2). Ang “sermon” na maririnig nila ay para sa lahat ng makakabasa nito, para sa lahat na naiimpluwensiyahan ng mga nagtuturo ng maling aral sa kanila. Ito ay para sa mga taong muling bumabalik sa pagkakaalipin ng kasalanan at hindi ipinamumuhay ang kalayaang nasa kanila na dahil kay Cristo. Sinasabi ni Pablo, “Lahat kayo ay makinig sa akin. Ang sinasabi ko ay galing sa Diyos.” Kaya naniniwala ako na kalooban ng Diyos na pag-aralan natin ito dahil ang ilan sa atin ay hindi pa rin lubos na nauunawaan ang mabuting balita. Ang iba na naunawaan nga ito, hindi naman namumuhay na naaayon dito. We need to hear Paul’s message to Galatian Christians because it is God’s message for us as well. Maging si apostol Pedro ay kinikilala na ang mga sulat ni Pablo ay isa sa mga Kasulatan na Salita ng Diyos na binabaluktot ng mga mangmang (tingnan ang 2 Pet. 3:15-16).

What does it mean for us as a church? Kung babasahin natin ang Galatians, gaya ng ibang aklat sa Bibliya, nais ng Diyos na ang marinig natin ay hindi lamang boses ng tao kundi ang tinig na nanggagaling mismo sa Diyos. Mayroon siyang nais sabihin sa atin. Makinig tayong mabuti. Kaya nga pag-aaralan natin ito nang dahan-dahan mula simula hanggang dulo ng sulat niya kasi gusto nating marinig ang sinasabi ng Diyos sa atin. Sa gayon malalaman natin kung ano ang dapat nating tugon.

Kaya nga iwasan nating makinig sa mga tsismis lang at mga balitang hindi mo naman alam kung totoo o hindi. Heto na at hawak natin ang katotohanan bakit hindi natin pag-aralan. Dapat tayong maging katulad ng mga taga-Tesalonica na sinabi ni Pablo, “And we also thank God constantly for this, that when you received the word of God, which you heard from us, you accepted it not as the word of men but as it really is, the word of God, which is at work in you believers” (1 Thess. 2:13). Kapag nakatanggap ka ng sulat at hindi sa iyo nakapangalan hindi naman maganda kung babasahin mo ‘di ba? Paano kung ang sulat na ito ni Pablo, bagamat para sa mga taga-Galacia ay sulat din ng Diyos para sa atin? Hindi ba’t dapat itong buksan at basahin at alamin ang sinasabi ng Diyos?

The Gospel of God’s Grace

Bakit natin dapat pakinggan si Pablo? Una, dahil ang mga sinasabi niya, bilang apostol, ay mga salitang galing mismo sa Diyos. Kaya ito ay totoo, hindi tulad ng mga nagtuturo ng salungat dito. Ikalawa, dahil ang mabuting balitang ipinapangaral ni Pablo ay ang nag-iisang mensahe na magdudulot ng kaligtasan sa atin at karangalan sa Diyos. Hindi lamang tayo makikinig dahil alam nating totoo ito, kundi alam din nating mahalaga. Maraming ngang balita sa TV na totoo ngunit wala namang kuwenta sa buhay natin. Paul’s gospel brings God’s grace and salvation to us resulting in glory to God. No other “news” does that. It is the news. It is the most important news in all history. Dito pa lang sa simula ng sulat niya binanggit na niya ang kahalagahan nito sa atin. So why is this news so important?

Napakahalaga nito dahil ang resulta ng mensaheng ipinangaral ni Pablo ay ang pagkatanggap natin ng biyaya at kapayapaang mula sa Diyos. “Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at sa ating Panginoong Jesu-Cristo…” Ang pagbating ito ay karaniwan sa mga sulat ni Pablo. Bukod sa pagbati ito ay isang panalangin sa Diyos na igawad ang kanyang biyaya at kapayapaan sa sinumang makakabasa ng sulat niya. Ang “biyaya” (grace) ay ang kabutihang-loob o kalugurang iginagawad ng Diyos sa mga taong hindi karapat-dapat tumanggap nito, na sa halip ay karapat-dapat tumanggap ng galit o poot ng Diyos. Ang “kapayapaan” (peace) naman ay ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa Diyos at sa kapwa tao, na nasira dahil sa kasalanan. Ang “biyaya” at “kapayapaang” ito ay nanggagaling “sa Diyos na ating Ama, at sa ating Panginoong Jesu-Cristo.” Ang Diyos bilang “Ama” ang pinanggagalingan ng lahat ng mabubuting bagay na nararanasan at mararanasan ng kanyang mga anak. Ang biyayang ito ay mararanasan lamang ng mga taong kumikilala sa pagkapanginoon ni Jesus, ang nag-iisang tagapamagitan ng Diyos at ng tao. Ipinapakita dito ni Pablo na hindi mararanasan ng sinumang taong nagtitiwala sa kanilang sarili, bukod kay Cristo at sa ginawa niya, ang tunay na “biyaya” at “kapayapaan.”

Napakahalaga nito dahil ang mensaheng ipinapangaral ni Pablo ay ang mabuting balita na ang Diyos ang gumawa upang tayo ay maligtas dahil wala tayong magagawa. “[Si Jesus ang] nagbigay ng kanyang sarili dahil (o “para”) sa ating mga kasalanan…ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama…” Lahat ng tao ay alipin ng kasalanan, walang kalayaan dahil tayo ay bihag ng kasalanan. Kung ano ang hindi nakalulugod sa Diyos iyon ang ginagawa natin. At nararamdaman nating tayo’y mga bilanggo. Nagnanais tayo na balang araw ay maging malaya. Gumagawa tayo ng mabuti, nagsisimba, tumutulong sa kapwa, sumusunod sa utos ng Diyos, ngunit wala pa rin. Nakagapos pa rin tayo. Wala tayong magawa.

Ngunit ang mabuting balita ay ang bagay na hindi natin magawa, ang Diyos ang gumawa – ang Diyos Ama at ang Diyos Anak. Kusang ibinigay ni Jesus ang kanyang sarili upang maging kabayaran para sa kasalanan natin – para bilhin ang kalayaang hindi natin matatamo sa sarili nating pagsisikap. Ito ang dahilan kung bakit iniwan niya ang karangyaan ng pagiging Diyos sa langit at bumaba sa lupa: “the Son of Man came not to be served but to serve, and to give his life as a ransom for many” (Matt. 20:28; Mark 10:45).

Ngunit huwag nating isipin na si Jesus ang nag-suggest sa Ama na ganito ang gawin upang maligtas tayo. Hindi! Ang Diyos din ang nagplano nito, “ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.” “[God] did not spare his own Son but gave him up for us all…” (Rom 8:32). God gave up his Son. Jesus gave himself up. That’s the good news – the Father and the Son working together for our salvation.

Napakahalaga nito dahil ang mensaheng ipinapangaral ni Pablo ay ang mensaheng makapagbibigay ng tunay na kalayaan sa atin mula sa kasamaan ng mundong ito. “…upang tayo’y kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan…” Christ came in a rescue mission for sinners. Namatay siya sa krus para tanggalin ang mga gapos sa ating kamay. Ang “masamang kapanahunan” o “evil age” ay tumutukoy sa panahon natin ngayon na puno ng kasalanan. Bagamat naririto pa tayo ay mayroong na tayong kalayaan na mamuhay nang hindi naaayon sa takbo nito. Ang isang bilanggo dati na ngayon ay laya na ay hindi na namumuhay na parang isang bilanggo. “For freedom Christ has set us free; stand firm therefore, and do not submit again to a yoke of slavery” (5:1). Christ has set us free! May mas mahalaga pa bang mensahe sa balitang malaman na ikaw na bilanggo ngayon ay malaya na!

Napakahalaga nito dahil ang mensaheng ipinapangaral ni Pablo ay ang mensaheng makapagbibigay ng pinakamataas na karangalan sa Diyos. Anumang mensahe o katuruan na salungat dito ay isang insulto sa Diyos. Ito ay isang pagbati pa lamang ngunit hindi na napigilan ni Pablo ang isigaw ang kanyang papuri sa Diyos. “…sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen” (1:5). Mahalaga ito hindi lamang para sa atin. Mahalaga ito unang-una sa Diyos. The gospel is not primarily about our salvation. The cross of Christ is primarily about the glory of God. Ang pangalan niya ang nilapastangan natin. At kahit sa pagnanais nating makalapit sa kanya siya pa rin ang nalalapastangan dahil ginagawa natin ito sa sarili nating pagsisikap. Ang krus ni Cristo ang paraan upang maligtas ang tao dahil sa pamamagitan nito walang maipagmamalaki ang sinuman. Siya lamang ang maitataas dahil wala ni sinuman sa atin ang may naiambag sa kaligtasan natin. Salvation is all of grace, that is why our salvation glorifies God! Jesus died on the cross to bring glory to God first of all, then to accomplish our salvation. “Christ became a servant to the circumcised to show God’s truthfulness…in order that the Gentiles might glorify God for his mercy” (Rom. 15:9). At sa huling araw siya lamang ang tatanggap ng papuri at lahat ng mga tinubos ng dugo ni Cristo ay aawit, “To him who seats on the throne and to the Lamb (Jesus Christ) be blessing and honor and glory and might forever and ever!” (Rev. 5:13). Hindi na tayo maghihintay pa ng araw na bumalik si Cristo upang awitin ang mga awit ng papuri. Ngayon pa lang aawitin na natin ang kabutihan ng Diyos dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin.

Ipinapakita sa atin ni Pablo sa unang limang talata pa lamang ang kahalagahan ng kanyang isinulat at ipinangaral sa kanila dahil ito ang mabuting balita ng biyaya ng Diyos – the gospel of the grace of God, the gospel that honors God. Jesus’ death results in grace to us who believe and glory to God, the author of our salvation. Dalangin ko na nagbigay ito ng pananabik sa inyo na subaybayan ang mensahe ni Pablo, gaya ng pananabik ng maraming tao sa telenovela na kailangang matapos hanggang ending nito. At sama-sama nating pag-aaralan kung paanong ang sulat na ito ay babago sa buhay ng bawat isa sa atin.

The All-Important News

Ang sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia ay dapat nating pag-aralan, paniwalaan, panghawakan, ipamuhay at ipamalita sa iba dahil ito ay totoo – ito ang salita ng Diyos. Hindi lamang totoo kundi importante rin sapagkat dito nakasalalay ang ating buhay na walang hanggan at ang kaligtasan ng mga mahal natin sa buhay. Paul’s gospel is true and important because it is from God and it tells us what God has done to rescue us from our sin.

Ang balita noong nakaraang linggo tungkol sa “balloon boy” ay hindi naman totoo at gawa-gawa lamang. Pero paano kung totoo nga na nandoon ang bata sa loob? Magiging concern tayo pero hindi naman magtatagal ang balitang iyan. Kasi alam natin na may mas importante pa sa atin na pagtuunan ng pansin. Iyong nangyaring baha dahil sa bagyong Ondoy mas concern tayo kasi apektado tayo. Hanggang sa mga susunod na buwan dama pa rin natin ang epekto nito. Pero pagkalipas kaya ng 20 taon importante pa rin ito sa inyo? Malamang hindi na.

Namatay si Cristo para sa atin 2,000 taon na ang nakakaraan. Ngunit hanggang ngayon mabuting balita pa rin. Kasi hindi nagbabago ang kalagayan ng tao – makasalanan pa rin. Dapat natin itong paniwalaan dahil ito ay totoo. Dapat natin itong panghawakan dahil ito ay napakaimportante para sa atin, para sa Diyos. The gospel is the good news that Jesus died to bring grace to us and glory to God. Amen.


[1] All English Scripture quotations are from the English Standard Version, unless otherwise indicated. All Filipino Scripture quotations are from Ang Biblia (2001), unless otherwise indicated. Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (2005).

[2] “Documents: ‘Balloon Boy’ Dad Had Hoax in Mind, Wife Says” (October 23, 2009), http://edition.cnn.com/2009/US/10/23/colorado.balloon.investigation/index.html?iref=newssearch. Accessed October 24, 2009.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s