Rebuilding and Opposition…Again (Nehemiah 3-4)

Preached by Derick Parfan on March 17, 2019 at Baliwag Bible Christian Church

Discipleship Focus Week

Sa pagbukas ng Discipleship Focus Week natin last Sunday (March 10-17), nagplano tayo for personal, family and church discipleship. May mga planong natupad. Meron din namang hindi. Yung iba sa atin, nagpabaya naman kasi. Pero yung iba naman, di naman natin kasalanan. Kasi may mga nangyaring ibang bagay. Tulad ng pagkamatay ni Kuya Vic at ng tatay ni Kuya Ricky. Kaya sunud-sunod ang mga services natin sa patay bilang pakikiramay. Reminder ito sa atin na ang discipleship primarily ay hindi dun sa plano nating gawin, programang dapat tapusin, o mga events na dapat ikalendaryo at daluhan. It is primarily about responding to God’s leading. May na-cancel na ibang plans. Hopefully matuloy pa rin sa mga susunod na araw. Ang mahalaga ay ang pagresponde natin sa pangunguna ng Diyos.

Like Nehemiah. Merong burden sa heart niya na galing din sa Diyos. Yung maipagawa ang mga sira-sirang pader ng Jerusalem. Nagpray siya. Nandun sa prayer niya yung pagkilala sa kadakilaan ng Diyos, pagpapakumbaba dahil sa kasalanan nila, pagkapit sa mga pangako ng Diyos, at paghiling sa Diyos na merong expectation na sasagot ang Diyos. Sumagot nga ang Diyos. Pinadala siya ng hari sa Jerusalem. Merong authority. Merong provisions para sa rebuilding project. Ginagawa ng Diyos ang sinabi niyang gagawin niya. Merong siyang isang salita.

Bumalik na si Nehemiah sa Jerusalem. Nag-inspection. Tapos, nagshare ng vision sa mga tao. Sabi ng mga tao, positive naman, “Let us rise up and build” (2:18). Meron kaya silang isang salita? Action speaks louder than words. Madaling sabihin, mahirap gawin. Gagawin kaya nila yung sinabi nilang gagawin nila? O baka puro salita lang, kulang sa gawa? Makikita natin sa sumunod, sa chapter 3, na yes na yes ang sagot. Ginawa nila ang sinabi nilang gagawin nila. 

Rebuilding (3:1-32)

Itong 32 verses ng Nehemiah 3 ay hindi madaling basahin. Normally, tulad ng approach natin sa mga genealogies o yung mga listahan ng pangalan, nilalaktawan natin ang mga ganitong passages o kaya babasahin lang nang mabilisan para masabing nabasa. Pero hindi pinag-iisipan, hindi masyadong nag-oobserve. That is why we miss the significance of sections of Scripture na katulad nito. So, I’ll just make some observations sa chapter na ‘to, then apply those observations sa calling ni Lord sa atin sa discipleship.

Bakit nakalista pa ang mga pangalan dito ng mga gumawa, at kung ano ang ginawa nila, at kung saan sila gumawa? Sa atin parang di significant, kasi di naman natin mga kamag-anak ‘yan. Pero kung iisipin mong mabuti, Word of God ‘to, tapos sinulat yung mga pangalan nila, bawat isa sa mga ‘yan ay mahalaga sa Diyos, tinatandaan niya, at gusto niyang alalahanin natin ang ginawa nila. Leaders man sila, o ordinaryong tao, lalaki man o babae, mayaman o mahirap, malaki ang ginawa o maliit, spectacular ang project o menial job, basta gawain ng Panginoon ang ginawa, ni-rerecognize niya. 

At very encouraging din kung mababasa nila ‘to tapos nakita nila yung pangalan ng kamag-anak nila. Wow. Nakaka-inspire naman ang pagsunod nila sa Panginoon. Dapat tularan. Parang yung makita mo ang last name mo sa mga listahan ng namatay sa Bataan Death March, “Aba, lahi pala kami ng matatapang.” It inspires us to action. So, hindi lang ‘to listahan ng pangalan. Merong action, merong inspiration, pero dapat careful tayo sa observation. 

“Ganito muling itinayo ang nasirang pader ng lunsod. Ang pinakapunong pari na si Eliasib at ang mga kasamahan niyang pari ang muling nagtayo ng Pintuan ng mga Tupa. Binasbasan nila ito at pagkatapos ay nilagyan ng mga pinto. Binasbasan din nila ang pader hanggang sa Tore ng Sandaan, at sa Tore ni Hananel” (3:1 MBB). Mga pari, mga spiritual leaders nila (v. 17, v. 22), ang nanguna sa kanila. By saying that, ipinapakita na hindi ito basta physical, building project. May spiritual significance. Kaya nga binasbasan nila, may dedication, consecration. Na para bang sinasabing, this is holy work, with a holy calling, for a holy God. No work is menial if done for a holy God.

Minsan akala natin ang liit lang ng significance ng ginagawa natin. Pero dito sa vv. 15-16 binanggit yung “city of David…tombs of David. Si Haring David ang tinutukoy dito. Clearly connecting their rebuilding project sa pangako ng Diyos kay David. Kingdom work ‘yan. Promise ni Lord sa kanya, kingdom forever and ever, siyempre ang Panginoong Jesus ang fulfillment niyan. Kapag ginagawa natin ang gawain ng Panginoon, we are being part of God’s great redemptive purposes in history.

Ang key words dito ay yung ginawa nilang “building” and “repairing”, na nagpapakita na iba-iba ang extent ng damage sa walls. Merong sirang-sira na kailangang itayong muli. Meron namang sira na kailangang ayusin. So, yung ginawa nila ay hindi rin basta-basta. May sistema, may kaayusan. “Ang kasunod na bahagi ay itinayo ng mga taga-Jerico. Si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi” (v. 2). Merong plano, merong strategy.

Isa sa strategy nila ay tulad nito: “Sina Benjamin at Hasub ang nag-ayos ng kasunod na bahagi na nasa harapan ng kanilang mga bahay. Si Azarias na anak ni Maaseias at apo ni Ananias ang gumawa ng kasunod na bahagi sa tapat ng kanyang bahay” (v. 23; ganyan din sa vv. 29-30). Kung ano ang gawain sa tapat ng bahay mo yun ang gawin mo. Parang yung slogan na “tapat mo, linis mo.” Hindi naman ibig sabihin selfish motives yun. Nakakatulong ka rin naman sa buong project, pero mas gaganahan ka kung makikita mo sa sarili mo ang pakinabang nito. Kung di mo aayusin ang trabaho, tapos lusubin kayo ng kaaway, e di yung bahay mo ang unang mayayari, pati asawa mo, pati anak mo.

Take note din, hindi lahat sumuporta sa project. Merong mga ayaw magtrabaho. “At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain” (v. 5 ASD). Ma-pride itong mga taong ‘to. Kailangan siyempre ng humility para sa project. Ayaw nilang sumali kasi feeling nila ang taas-taas nila at hindi nila ibababa ang sarili nila to do the work of servants. Pang CEO sila, feeling nila, at hindi blue collar jobs. Pang-aircon, at hindi pwedeng maarawan at maputikan. Pero meron ding mga rulers o pinuno ang kasali, tulad nina Rephaiah (v. 9) at Shallum (v. 12). 

Hindi lang pride ang non-participation. Rebellion din. Bakit nga? Itong sa v. 5 na tinutukoy na “mga namumuno sa kanila” sa ESV ay “their Lord.” Actually plural ‘yan sa Hebrew. Pwedeng “masters” o pwedeng plural of majesty na tumutukoy kay Yahweh o kaya ay kay Nehemiah. Either way, pareho din naman. Kung sumusunod ka sa leading ni Nehemiah, you humble yourself in submission, you also follow the Lord. Kasi yung vision ni Nehemiah galing kay Lord yun. Pero kung ayaw mong sumunod, nagrerebelde ka sa Diyos.

Sinuman ka man, ano man ang social status, kasali ka sa gawain ng Panginoon. Walang excused. Walang exempted. Lalaki ka man o babae. Tulad ng mga daughters ni Shallum (v. 12). Kasali din sila. Ang paglilingkod sa Panginoon hindi lang para sa mga lalaki. Para sa lahat.

Ano ang kinalaman nito sa discipleship? Ganito ang definition natin ng isang “disciple”: Sumusunod kay Jesus, binabago ni Jesus, ibinibigay ang buhay sa misyon ni Jesus. Wala naman sa ating perfectly, 100%, fit sa ganyang description. Kasi everyone sa atin merong pang sira, merong pang kailangang ayusin. Yung iba mas maraming sira-sira. Pero lahat sa atin in need of discipleship. Ano ang gagawin natin? Yun ang “disciple-making”: pagtulong sa ibang tao na mas makilala si Jesus, magtiwala kay Jesus, at sumunod kay Jesus. 

Paano mangyayari ‘yan? Ano ang kailangan mong gawin? Meron ding submission sa leadership. Ano ang plano, strategy at programa na isinusulong ng leadership ng church? Do you submit to that? Paano mo masasabi? Kung merong action. Meron kang gagawin. Merong kakausapin. Merong tuturuan ng Bible para mas makilala si Jesus. Merong mga kasama tayo in suffering na kailangang ipagpray para mas magtiwala kay Jesus. Merong kailangang i-rebuke para mag-repent at sumunod kay Jesus. Kailangan ang cooperation ng bawat isa. The work is great for a few. Bawat miyembro mahalaga. May bahagi. 

Ano ang goal natin sa gagawin natin? Restoration, renewal, reformation. Hindi ito basta building project. It is rebuilding God’s people. Ano ang motivation natin sa discipleship? Minsan kasi feeling natin burdensome ang pag-didisciple. Pero sabi nga ni Max Chismon, double-edged sword ang Great Commission. Oo,  nakakatulong ka sa iba. Pero dapat mong marealize na as you help others sa discipleship, natutulungan mo pa ang sarili mo. It is also for your good, for your joy. Di ba’t mas nakikilala mo rin si Jesus? Mas nagtitiwala ka sa kanya? At mas sumusunod sa kanya? Kasi sinasabi mo sa iba, “Follow me as I follow Christ.” At siyempre, ang nangingibabaw na motivation natin ay yung passion natin for God’s glory. We make disciples to glorify God.

Di ba’t ganyan ang nangyari this week? Bagamat si Lord lang pwedeng magschedule kung sino ang mamatay at kailan mamamatay, sinasadya niya ‘yan para turuan tayo. Ang pamilya Bautista at Esguerra kung ano ang hope na meron tayo kay Cristo. Yung magkakapatid din na Bautista naging encouragement din sa iba. Yung mga pastors natin na naglead ng mga services. Yung mga gabi-gabi ay pumupunta sa burol at nakikiramay. Yung nagpray at nagbigay para sa hospitalization ni ate Jane. God is glorified as we help each other in discipleship, sa paglago sa pagtitiwala kay Jesus, at sa pagtulad sa halimbawa niya in caring for each other.

Opposition Round One (4:1-6)

Kapag sumusunod ka sa Panginoon, kahit na tulung-tulong tayong lahat sa discipleship, meron pa ring mga tao na nega, kontra nang kontra. Tulad nitong sina Sanballat at Tobiah. Heto na naman, partners in crime talaga. Nung mabalitaan nila ang plano ni Nehemiah, nainis at nadismaya na agad sila (2:10). Nang mag-commit na ang mga tao sa vision ni Nehemiah, kontra agad sila, pinagtawanan at nilait sila. Sabi, “May balak ba kayong magrebelde sa hari?” (2:19). Itong si Nehemiah, matapang na sinagot sila, “Sisiguraduhin ng Diyos na magiging successful ang project na ‘to” (2:20). Determinado siya. Determinado ang mga tao. Pero pano na kung walang puknat ang opposition? Nakakapagod din di ba, kapag paulit-ulit na lang at ayaw kang tantanan?

Heto na naman sila. Nabalitaan nilang tuluy-tuloy na ang rebuilding ng pader. Hindi lang galit, galit na galit. Nilait ni Sanballat ang mga gumagawa. Sabi niya sa mga tauhan niya, pasigaw para marinig ng mga gumagawa, “Ano ba ‘yang ginagawa nitong mga kawawang Judiong ito? Matatayo ba nila ‘yan ng isang araw lang? Akala kaya nila’y magagamit pa nila ang mga durog na bato dun” (vv. 1-2). Ito namang sidekick niyang si Tobiah, tatawa-tawa din, ang sabi, “Talunan lang ng aso ‘yan, siguradong magigiba! Wahahaha!” (v. 3). 

This time, hindi sila kinibo ni Nehemiah. Ginawa niya na yun nung isang araw lang. Oh, tulad ng Panginoong Jesus na gentle and meek and lowly in heart. Hindi kumibo kahit sa mga kung anu-anong sinasabi ng mga kalaban niya. Sa halip, ang Diyos ang kinausap niya. “O aming Dios, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag. Huwag nʼyo po silang patawarin dahil sa panghahamak (o, pagpapagalit; ESV, provoked you to anger) nila sa inyo sa harap naming mga gumagawa ng pader” (vv. 4-5). 

Grabe din ‘tong prayer na ‘to. Parang sinasabi ni Nehemiah na resbakan sila ng Panginoon, gantihan mo sila, parusahan mo sila. We don’t easily understand these kind of prayers, imprecatory ang tawag diyan, pronouncing a curse (see Ps. 123:3-4; 79:12; 69:27-28; 109:14-15; Jer. 18:23 for similar prayers). Pero tandaan nating ang concern nila dito ay hindi lang para maghiganti, concern sila for God’s people, sa fulfillment ng promise ni God, sa glory ni God. Kasi ang kinakalaban nila ay ang Diyos mismo. They were just asking God to be true to his character, merong justice. Kung tayo ay God’s people, nakay Cristo, sinumang kumakalaban sa atin ay kumakalaban kay Cristo. 

Hindi naman ito pagiging revengeful. Kasi si Lord nga ang kinakausap natin. Naniniwala tayo sa sabi niyang, “Vengeance is mine, I will repay” (Rom. 12:19; Heb. 10:30. Deut. 32:35). If they will not repent, of course, sa kanila ang parusa ng Diyos. But forgiveness is available because of Jesus: “Father forgive them” (Luke 23:34). Ang mahalaga, pinapaubaya natin sa Diyos ang hustisya at paghihiganti, na naniniwalang mayaman ang awa niya sa mga nagsisisi.

May kalaban sila, pero panalangin at pagtitiwala sa Diyos ang response nila. Kaya focused pa rin sila sa kailangang gawin. Hindi natigil, tulad ng sa rebuilding ng temple. Itong walls, tuluy-tuloy. Verse 6, “Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya’t hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho.” Project completion report, 50% na. Wow. Kahit maraming kontrabida. Bakit? Kasi sumasagot si Lord sa prayers. Saka determinado at focused sila. Itong “masigasig” sa ESV, “had a mind.” Sa Hebrew, leb, ito yung “heart,” na sa kanila ay tumutukoy sa isip, sa damdamin at sa will of action. So nandun yung passionate desire, determination and enthusiasm nila. Hindi dahil duty lang. Kung passionate ka sa gawain ng Panginoon, walang makapipigil sa ‘yo kahit sino.

Opposition Round Two (4:7-9)

Kahit gaano pa sila karami. Heto na, nabalitaan na ulit nila Sanballat, Tobiah at may mga kasama pang Arabs, Ammonites, Ashdodites na tuluy-tuloy ang gawain (v. 7). “…the repairing was going forward…” (ESV). Yung word na ginamit dito (arukah) ay merong sense ng being restored to soundness, wholeness. Yung sira na naaayos, yung sugat na gumagaling, yung hiwa-hiwalay na naibabalik. Yun ang discipleship, di ba? Merong healing, restoration of the broken parts of our hearts and our lives.

Siyempre ‘yan gusto nating mangyari. Pero yung iba ayaw.  Nagalit na naman sila. Di na humupa ang init ng ulo ng mga ‘to, dumami pa sila. Nagkaisa pa na guluhin sila, at labanan kung kinakailangan (vv. 7-8). Nung una galit lang, tapos nagsalita na, tapos ngayon lalabanan na sila. Discipleship is not just finishing a program or attending an event. It is engaging in a spiritual battle.

Hindi lang tao ang kalaban natin. Kaya kailangang armed din tayo ng spiritual weapons sa pagrespond natin sa mga difficulties sa buhay Cristiano. Sila ano ang ginawa nila? Hindi lang si Nehemiah ang nagpray. Lahat sila. Humingi sila ng tulong sa Diyos (v. 9). Pero hindi lang pray. Binantayan din nila ang mga lugar na pwedeng atakehin ng kaaway. Prayer na may action. Hindi yung pray ka ng pray para maging Christian ang kaibigan mo, tapos di mo naman kinakausap? Pano maliligtas yun kung di mo mase-sharean ng gospel? O kung pinagpepray mong magbalik-loob kay Lord ang isang kasama natin sa church, tapos di mo naman pinapaalalahan sa kasalanan niya? Magpe-pray tayo. Kikilos din tayo. We trust God. We obey God. Trust and obey, there is no other way…

Opposition Round Three (4:10-14)

Kung hindi kasi, lalo tayong panghihinaan ng loob. Tulad nitong mga workers dito sa story. Aminado sila, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin” (v. 10 ASD). The harvest is plentiful, the workers are few (Luke 10:2). Marami pang di gumagawa. Nakakapagod ‘yan. Tapos may mga kalaban pa na sasamantalahin ang weaknesses and vulnerabilities nila.

Sabi nila, “Biglain natin sila. Surprise attack ba. Salakayin natin, tapos patayin, nang matigil na ‘yang gawain na ‘yan” (Neh. 4:11). Grabe, murderous na. Para ‘yang mga kaaway ni Jesus. Noong una, pumupuna lang, tapos kumokontra na, tapos nagagalit na, tapos nagbalak nang patayin siya, hanggang mapatay nga siya. Pero anumang plano nila, kahit na lahat ng bansa (tulad ng dito sa Nehemiah!) ay magsabwatan laban kay Jesus (Psa. 2:1-2), alam ng Diyos lahat ‘yan. Nasa plano din ng Diyos lahat ‘yan. Pati si Judas, pati si Herodes, pati si Pontius Pilate. Para gawin kung ano ang itinakda ng Diyos na mangyari (Acts 4:27-28).

Kahit nga dito sa story na ‘to, di rin nalihim ang plano ng mga kaaway. Itong mga malapit sa kanila, narinig, isinusumbong paulit-ulit kina Nehemiah ang maitim nilang balak (Neh. 4:12). Dahil dun, dinagdagan pa ni Nehemiah ang mga armadong lalaki na nagbabantay sa kanila. May espada, may sibat, may pana (v. 13). Ready to fight with their lives. Medyo kinakabahan na siguro ang iba, natatakot. Parang gusto nang umatras. Kaya si Nehemiah, as a good leader, nagsalita to encourage them. Sabi niya, “Do not be afraid. Remember the Lord, who is great and awesome, and fight for your brothers, your sons, your daughters, your wives, and your homes” (v. 14). 
Naalala ko tuloy ‘tong eksena ni William Wallace (Mel Gibson) sa Braveheart. 

Bakit tayo matatakot? Kung ang Diyos ang nasa panig natin? He is great and awesome. Nung dumating siya, si Jesus, pinagdudahan din siya. Kaya nga pinatay siya. But his death is our victory. Nagsabwatan ang lahat ng mga bansa laban sa kanya, but one day, all the nations will bow to kiss the feet of Jesus (see Psa. 2). We fight dahil sa tagumpay na meron na tayo kay Cristo. Darating ang araw yung mission natin to make disciples of all nations will be over. Pero hanggang di pa dumarating ‘yan, nagpapatuloy ang gawain. Pamilya natin ang pinaglalaban natin. Mga anak natin. Mga kabataan. Mga kapatid sa Panginoon.

Para magpatuloy tayo, we need to pray. Kasi di natin kaya sa sarili natin, kailangan natin ang tulong ng Diyos. We believe, we trust God. Na sasagot siya. Na tutulungan niya tayo. As we trust, we obey. Anuman ang sabihin ng iba, anuman ang gawin laban sa atin, susunod tayo sa Diyos. And we do it with vigilance. That is, being “alertly watchful especially to avoid danger” (Merriam-Webster). But in our case, we face the dangers. Discipleship is risky. Dapat alerto tayo 24 oras. It might cost us our lives, but our lives will not be wasted. Sulit, hindi sayang.

Work Resumes (4:15-23)

Sa bandang huli, wala namang magagawa itong mga kaaway natin. Pati sina Sanballat, napansing Diyos na ang humahadlang sa plano nila (v. 15). Kaya tinantanan na nila, at least for a meantime. Tuloy ang trabaho. Ang kalahati, nagtatrabaho. Ang kalahati nagbabantay (v. 16). All out support na ang lahat, lalo na yung mga leaders. Dapat lang. Yung iba double time pa. Sa isang kamay ay pala, sa isang kamay ay may espada (vv. 17-18). Ganun din naman tayo. Habang gumagawa ng gawain ng Panginoon, be watchful.

Maging maingat. Kasi kung tinutulungan natin ang iba sa paglaban sa kasalanan, baka tayo naman ang mahulog sa kasalanan (Gal. 6:1-2). The work is serious, the work is great. Kaya sabi ni Nehemiah sa kanila, “Magtulung-tulong tayo. Suportahan tayo. Magbantayan tayo. Our God will fight for us” (Neh. 4:19-20). Kaya nagpatuloy sila sa trabaho, habang nagbabantay, hanggang matapos (vv. 21-23).

Sa paggawa ng gawain ng Panginoon sa discipleship, tulung-tulong tayo, tuluy-tuloy tayo. Malaki ang gawain kaya kailangang tulung-tulong. Mahirap ang gawain kaya kailangang tuluy-tuloy. “Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo at wag magpapatinag. Lagi kayong magsipag sa paglilingkod sa Panginoon, kasi alam nyong hindi nasasayang ang mga efforts nyo para sa kanya” (1 Cor. 15:58 NTPV).

Advertisements

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Powered by WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: