Burden and Vision (Nehemiah 1-2)

Preached by Derick Parfan on March 10, 2019 at Baliwag Bible Christian Church

Gospel Hope

Malungkot at nakakaawa ang mga kapatid nating namatayan ng ama. Mas higit na nakalulungkot at nakakaawa ang kalagayan ng mga kapatid nating nagpapatuloy sa kasalanan laban sa ating Ama. 

Natutunan natin sa ending ng sermon natin sa Ezra na ang salita ng Diyos ay nag-eexpose ng kasalanan. Masakit hindi lang dahil sa kasalanan ng iba, pero mas masakit kung nakikita natin ang sarili nating kasalanan. Pero para sa ikabubuti naman natin yun. Kaya kinukompronta natin, with love siyempre, ang mga nagkakasala. Sa nasa ministry na nagiging unfaithful, sa mga young people natin na in relationship sa unbelievers, pati sa sinumang nagkakasala ng adultery at iba pang sexual sins. We pray for confession of sins, genuine repentance. Kaya kung meron kayong kilala na nagkakasala, at nagpapatuloy dito, walang repentance, sabihin n’yo sa aming mga pastors n’yo. Pagtulungan natin. We want trust and confidentiality siyempre. Pero kung di naman tumatalikod sa kasalanan, we don’t tolerate that. Sin destroys our lives, our marriages, our families, our church. At pinakamahalaga ay ang paglapastangan sa pangalan ni Cristo. We cannot be silent about that. We don’t have to.

Itong story sa Ezra nag-end with genuine repentance and radical obedience after a sad story of their great sin, great guilt before God. Buti na lang we have a great Savior in Jesus. Ang kasalanan natin, gaano man karami, gaano man kalaki, hindi ending ng story natin. May pag-asa, may genuine transformation na mangyayari because of the gospel. That’s our hope and my hope as your pastor. May times na discouraging na kapag paulit-ulit. Pero hindi pa tapos ang Diyos.

Sa Ezra 4, after telling kung paano napahinto ang rebuilding ng temple, nagkaroon ng fast forward sa time na ni King Artaxerxes (4:7-23), almost a hundred years in the future. Nang matapos marahil ‘tong templo, next project naman. Yung mga city walls naman na sira-sira pa, na crucial for their security and protection. Kaso may nagsumbong sa hari. Pinatigil naman. So, hindi nagawa. Sira-sira pa rin. 

Nangyayari ‘yan sa atin. Sa halip na magpatuloy sa gawain ng Panginoon, yung iba tinatamad, yung iba merong ibang priorities, yung iba natatakot sa resulta, yung iba nadidiscourage na. Pero may ginagamit ang Diyos na instrumento para gisingin tayo, para i-push tayo na magpatuloy. Sa time ni Zerubabbel (Ezra 1-6), sina prophet Haggai and Zechariah. Sa time ni Ezra (Ezra 7-10), yung spiritual leadership ni Ezra. Dito naman sa Nehemiah, si Nehemiah.

The Problem (Neh. 1:1-3)

Bungad ng aklat na ito: “Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias” (1:1 MBB). Sa literal, “The words of Nehemiah…” (ESV). Galing sa personal na sulat niya, memoir, journal. First person kasi ang pagsasalaysay ng karamihan dito, hindi naman lahat. Posible pa rin na si Ezra ang nagcomplie nitong Ezra+Nehemiah. Ibig sabihin ng pangalan ni Nehemiah ay “Yahweh has comforted.” According to v. 11, isa siyang cupbearer to the king, “namamahala sa mga inumin ng hari.” Mahalagang political position ‘yan. Close sa hari at pinagkakatiwalaan ng hari. Kasi siya ang nagchecheck ng lahat ng iinumin at kakainin (2:1). Para sure na walang lason. Risky din para sa kanya. 

Maganda ang position niya. Kilala siya ng marami siguro. Maykaya sa buhay. Kumportable na. Nandun siya sa city of Susa, ito yung Persian capital kapag taglamig, dito nakatira si King Artaxerxes (1:1). Pero dayuhan pa rin siya. Isang Israelita na nasa ibang bayan. 

Isang araw, may mga kamag-anak siya na dumating, binisita siya. Nangyari ‘to 13 years after ng arrival ni Ezra sa Jerusalem. Tuloy pa rin naman ang ministry ni Ezra. But God has raised up Nehemiah for a different, unique, and crucial role sa ministry. Ang pagtawag ni Lord sa kanya nagsimula sa isang burden, a heavy burden in his heart. Sabi kasi ng mga kamag-anak niya, si Hanani (v. 2) in particular, matapos kumustahin ni Nehemiah ang mga nagbalik sa Judah, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito” (v. 3 ASD). 

“In great trouble and shame” (ESV). Di maganda ang nangyayari. Nakakaawa ang kalagayan nila. Grabe ang concern niya sa mga kababayan niya. Hindi tulad ng iba na wala nang pakialam sa nangyayari sa iba, basta sila okay na. Hindi lang basta nangumusta siya. Sa verse 4 makikita natin na ang response niya ay matinding pag-iyak. You cry when someone or something very close to your heart is in trouble. Sira ang pader, sunog ang mga city gates. Matagal nang nangyari ‘yan, 150 years ago pa, nang lusubin ng Babylon ang Jerusalem. Pero yung reaction ni Nehemiah, parang bagong balita. Hindi siya namandhid sa problema. This is genuine concern for God’s people.

This week (March 10-17) ay Discipleship Focus Week sa church natin. Meron tayong discipleship problem, actually every problem in the church ay failure of discipleship. Malaki ang pangangailangan for godly, passionate, gospel-driven leadership. Ang Diyos din naman ang nagre-raise up ng mga leaders na kailangan, mga pastors as shepherds ng bawat pamilya ng Diyos, mga tatay leading their families, and other disciple-makers leading others in discipleship. Merong matinding problema, merong malaking pangangailangan. Do you feel a burden about that na meron kang kailangang gawin? O wala kang pakialam?

Nehemiah’s Prayer (1:4-11)

Kung ano ang nasa puso mo, yun ang iniiyak mo sa Panginoon, laman ng prayers mo. Ano ang hinihiling mo kay Lord? Tulad kaya ng kay Nehemiah.
Or maybe di ka naman masyadong nagpepray. Kasi you are not desperate enough. Kasi feeling mo okay lang ang mga nangyayari sa buhay mo o sa mga kasama natin sa church o sa mga tao sa ibang bansa. Ang daming hindi okay sa puso mo, sa relasyon ng pamilya, sa nangyayari sa church. We must be desperate like Nehemiah. Pagkarinig niya ng bad news, naupo siya, umiyak. Ilang araw na nagdadalamhati siya at di kumakain, in prayer and fasting. Okay lang umiyak. Hindi mo pwedeng basta tawanan lang ang problema. But do not grieve like the rest of the world. Grieve with hope, feel sorrow with great expectation, be desperate enough with faith in God before the presence of God. Tulad ni Nehemiah. Kaya siya nagpray. Desperate siya, pero believing, trusting, hoping in “the God of heaven” (v. 4), the King who is sovereign over all the kings of earth, including Artaxerxes King of Persia.

Di ba’t ganito rin ang response ni Ezra nang mabalitaan niya ang kasalanan ng marami sa mga kasama niya? Nagpray din siya. Dito naman sa Nehemiah 2:5-11, nirecord niya ang prayer niya. Meron tayong matutunan about prayer. Akala kasi natin ang prayer paghingi lang sa Diyos. Yes, kasali yun, but it is a lot more than that.

Ang prayer natin dapat may pagkilala sa Diyos. “O Yahweh, Diyos ng kalangitan, kayo ay dakila at nanginginig kami sa takot sa inyong presensya. Matapat ninyong tinutupad ang inyong tipan at wagas na pag-ibig sa mga nagmamahal sa inyo at tumutupad ng inyong mga utos. 6Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod” (vv. 5-6). 
Siya ang Diyos na higit sa lahat. Inulit na naman niya yung “God of heaven,” talagang andun yung belief niya na si Yahweh ay hindi lang tribal deity o Diyos lang ng mga Judio. He is Lord of all. “The great and awesome God.” Walang makakalapit sa kanyang nagniningning na kabanalan.

Pero bakit nakakalapit si Nehemiah, and us who believe in Christ, sa Diyos when we pray? Because he is in relationship with us. Tapat siya sa pangako niya, “who keeps covenant and steadfast love.” Hesed na naman. Kinikilala niyang the only way na makakalapit siya sa Diyos ay dahil sa relasyon ng Diyos sa kanila. “Those who love him and keep his commandments.” Hindi yun ang kundisyon ng pag-ibig ng Diyos. Yun ang resulta ng pag-ibig ng Diyos. We love, we obey God, because he first loved us.

Kaya nga madalas sa bungad ng prayer ko ganito, “Our heavenly and gracious Father…” In Christ, we can come as a child to the Father, our God is both able and willing. Kaya niya, magagawa niya anumang hilingin natin. More than that, gusto niya. Masaya siya na sagutin ang mga prayers natin. Kung kilala natin ang Diyos, kilala din natin ang sarili natin. Si Nehemiah, “your servant.” Ang Israel, “your servants.” Sa Hebrew, ebed, slave. Hindi slave ng Persia, though totoo politically speaking. But slaves of the King of Heaven. Kung kinikilala natin ang kadakilaan ng Diyos, at ang kabababaan natin, tulad din ni Nehemiah, we will pray day and night, unceasing, walang hinto, walang sawa. Because day and night, desperate tayo sa tulong ng Diyos. At day and night din, God finds delight in helping us. 

Ang prayer natin dapat may pag-amin ng kasalanan. Confession of sins, tulad ng ginawa ni Ezra. “Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno. 7Napakabigat ng aming kasalanan sa inyo! Hindi namin sinunod ang inyong Kautusan. Nilabag namin ang mga tuntuning ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises” (vv. 6-7). Tulad din ni Ezra, he was not just confessing his own sins. He was confessing the sins of the people. Nangyari ang mga nangyari dahil sa kasalanan at unfaithfulness nila. Hindi sila nag-excuse, nag-justify, o nag-blame sa iba. They owned up their responsibility.

Dahil dyan, we don’t deserve any good thing from God. Mahalagang alalahanin ‘yan everytime you pray. You pray begging God for his mercy, his forgiveness, his undeserved help. Hindi dahil you are more righteous than others, o parang sinisingil mo ang Diyos sa mga dapat niyang isukli sa mga paghihirap na ginawa mo para sa kanya. 

Ang prayer natin dapat may pagkapit sa mga pangako ng Diyos. Para bang pinapaalala niya sa Diyos ang mga promises niya, “Remember..” (ESV). Hindi naman nakakalimot ang Diyos. This was just an expression of holding on to the promises of God. Yun lang naman ang claim natin, hindi yung ginawa natin dati, kundi yung ipinangako ng Diyos dati pa.

“Sinabi ninyo kay Moises, ‘Kung kayong mga Israelita ay tatalikod sa akin, ikakalat ko kayo sa iba’t ibang mga bansa.’ (Sa Lev. 26:33 ‘yan.) 9Subalit kung manunumbalik kayo at tutupad sa aking mga utos, mapadpad man kayo sa pinakamalalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lupaing aking pinili upang sambahin ako roon.’ (Sa Deut. 30:1-5 naman ‘yan.)” (vv. 8-9).

Nangyari na yung parusa sa kanila ng Diyos. Tinupad ng Diyos yun. On that basis, tutuparin din niya ang pangako niya. Nehemiah believes that. In a way, tinutupad na ni Lord ‘yan. Pero hindi pa tapos. Parang sinasabi ni Nehemiah, naniniwala akong tatapusin n’yo ang sinimulan n’yo. Sabi pa niya, “Sila ang inyong mga lingkod at ang inyong bayan na tinubos sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan at lakas” (v. 10). Naalala niya ang story ng Israel sa Egypt, kung paanong God is mighty to save them mula sa mga salot na pinadala sa Egypt, hanggang makatawid sila ng dagat, hanggang mamatay ang mga kaaway nila, hanggang makarating sila sa lupang pinangako ng Diyos. Kung nangyari yun, paano pa kaya yung rebuilding ng walls? Naitayo na nga ang templo, how much more this another project? 

Lahat ng pangako ng Diyos, when we pray, pinanghahawakan din natin. Kasi lahat ‘yan ay “Yes and Amen” sa Diyos dahil kay Cristo (2 Cor. 1:21). Kung si Jesus nga di ipinagkait ng Diyos sa atin, ibinigay niya, buung-buo, lahat-lahat, paano pa kaya itong mga panalangin natin araw-araw para matupad ang purposes ni Lord sa buhay natin (Rom. 8:32)?

Ang prayer natin dapat may pakumbabaang paghiling sa Diyos. O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari” (v. 11). Literally, “prayers of those who delight to fear your name.” Parang ang hirap namang paghaluin ng delight at fear in one sentence. May takot, may reverence, dahil sa kabanalan ng Diyos, his greatness, his awesomeness. Merong delight dahil sa habag, awa at pag-ibig ng Diyos.

Itong prayer niya, “Give success…” sa pagharap niya sa hari, ay pareho din ng “prosper” na nakita na nasa Joshua 1:8 at Psalm 1:3 din. At may kinalaman ito sa hangarin nating sumunod sa salita ng Diyos. Success and prosperity only come when we obey God. Hindi ka pwedeng magpray ng success tapos wala ka namang paki sa pagsunod sa salita ng Diyos. And success here is not just about career or business or anything. But success in accomplishing God’s work. ‘Yan ang prayer natin, “Our Father in heaven, hallowed be your name, your kingdom come, your will be done, on earth as it is in heaven.” 

And we pray everything in Jesus’ name. Pagkilala na siya ang Diyos. Pag-amin na makasalanan tayo’t sa pamamagitan lang ni Jesus, the Way, kaya tayo makakalapit sa Diyos. Pagkapit sa pangako ng Diyos, na ang katuparan ay nakay Cristo lahat. 

Bakit kaya hindi tayo ganito magpray? Kung titingnan n’yo bawat bahagi ng prayer ni Nehemiah, saturated ng Scripture. Yung pagkilala niya sa Diyos, yung pag-amin niya sa kasalanan, kasi alam niya ang malinaw na utos ng Diyos. Yung basis ng promises ni God, kasi alam niya nakasulat yun. Babad siya sa salita ng Diyos. Kahit pa busy siya, involved sa politics and serving the king. Maybe the reason we don’t feel yung burden sa discipleship at yung mga needs sa church o ng mga unreached and we don’t pray accordingly, maybe kasi hindi tayo babad sa salita ng Diyos.

But, when we are saturated with God’s word, na salita niya ang nananalaytay sa dugo natin, nagkakaroon tayo ng heavy burden sa heart natin tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa mga gawain ng Diyos, and we desire to do something about it, at alam din nating before we can do anything about it, we pray to God about it. Kahit na it takes a long time. For Nehemiah, halos four months ang lumipas, bago niya sabihin sa hari ang request niya. Kay Lord muna siya request nang request day ang night. At sumasagot si Lord. Tulad ng next na nangyari… 

The King’s Permission (2:1-8)

Isang araw, dinala niya yung alak sa hari. Yun naman ang trabaho niya. Ilang buwan na rin naman siya ng malungkot. Pero di niya pinapahalata sa hari. Siyempre naman siguro, kasama din sa trabaho niya, bawal ang nakasimalmal. Pero nung araw na yun, di na niya maitago (2:1). Obvious na. Sobrang bigat na. Tinanong siya ng hari, concern naman sa kanya, “Bakit ka malungkot? Wala ka namang sakit? Mukhang broken-hearted ka. Obvious e” (v. 2). Mukhang close naman sila ng hari. Pero natakot siya. Alam naman niyang powerful si Lord na baguhin ang puso ng hari. Remember King Cyrus? King Darius? Natakot siya kasi di pa rin siya sure sa outcome. Yung hari nga nagpatigil ng rebuilding project (Ezra 4:23), tapos baka maging act of disloyalty ang gagawin niya kung irerequest niya na i-lift na yung TRO sa project. 

Kahit na takot siya, sinabi pa rin niya kung bakit, ito naman ang totoo. Hindi dahil sa nagrerebelde siya sa hari, kundi dahil the condition of his people was really troubling his heart. Sabi niya, “Mabuhay ang hari! Paano naman pong hindi ako malulungkot, samantalang yung bayan namin, yung lugar kung san nakalibing ang mga ninuno ko, sira-sira” (v. 3). “Anong request mo?” tanong ng hari (v. 4). Sagot niya, “Kung papayagan n’yo po ako, at kung nalulugod kayo sa akin na lingkod n’yo, ipadala n’yo po ako sa Judah, para sa rebuilding project dun” (v. 5). He was requesting imperial authority para siya ang maglead ng project. Bold request. 

Tinanong siya ng hari kung gaano katagal at kung anu-ano pa ang kailangan. Sinabi naman niya ang schedule saka yung mga needs sa project, pati yung permit na kailangan para makatravel siya nang walang aberya, pati mga building materials ni-request na rin niya (vv. 6-8). Si Ezra nahiya na magrequest noon sa hari. Si Nehemiah walang hiya-hiya. Magkaibang diskarte, pero both of them acting in faith naman, umaasa sa sagot ng Diyos sa prayer nila. Yun naman ang mahalaga. Hindi lang siyempre pray nang pray. Within these four months hindi lang siya nagprayer and fasting. Obviously, very deliberate, and detailed ang pagpaplano na ginawa niya. We pray, we plan. Kasi merong burden sa ministry, merong need sa leadership and discipleship sa church. Something has to be done about it. We pray, we plan. God works. Yun ang pinakamahalaga sa lahat. 

Sabi niya sa verse 8, “And the king granted me what I asked, for the good hand of my God was upon me.” Hindi niya sinabing, “for the good hand, or the favor, of the king was upon me. My God! Binigay sa kanya ng hari ang hiling niya dahil sumagot na si Lord sa prayers niya. Ganito din later ang ikukuwento niya sa verse 18. Ganito rin ang paulit-ulit na nakarecord sa story ni Ezra (Ezra 7:6, 9, 28; 8:18, 22, 31). Ang kamay ng Diyos, ang pagkilos ng Diyos, the sovereign grace of God is very evident in this story. Ganun din sa kuwento ng buhay natin. Anumang ipinapagawa sa atin ng Diyos, in discipleship, in leadership, in ministry, in missions, magagawa lang natin sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos. What we need most is not human favor or approval, but God’s. If God is for us, who can be against us (Rom. 8:31)?

Nehemiah’s Preparations (2:9-16)

Meron namang magiging laban talaga sa atin, kontra-bida kumbaga. Kahit gaano pa ka-noble at ka-godly ang ambitions natin, meron at meron talagang oposisyon. Ito ngang si Nehemiah, meron nang official authority from the king, meron pang mga kasamang royal army to protect him (Neh. 2:9), may kumontra pa rin. Itong si Sanballat at Tobiah, na malamang na may position of authority rin sa Judah, though hindi naman mga Jewish talaga, nabalitaan nila. “It displeased them greatly that someone had come to seek the welfare of the people of Israel” (v. 10). You cannot please everybody. You don’t have to. To be a slave of Christ, a doulos of Christ, means we live only to please him, kahit pa maraming kumontra (Gal. 1:10). 

Di pa naman alam ni Nehemiah ‘yang opposition na ‘yan. Initial report pa lang. Mamaya makakita natin yung encounter nila kay Nehemiah at marami pang kasunod ‘yan sa mga susunod na episodes ng teleseryeng ito. Abangan.

Back to this story. Pagdating niya sa Jerusalem, di muna niya sinabi sa iba yung vision niya, yung vision from God, yung mission na pinapagawa sa kanya ng Diyos. Three days (vv. 11-12). He’s not rushing anything. He’s so passionate, sure, but he’s also very patient about this. Sa ikatlong gabi, lumabas siya, kasama ang ibang mga lalaki. Nag-inspect siya ng extent ng damage ng walls. Di pa alam ng iba kung ano ang ginagawa niya. Hindi pa niya na sa sabi sa ibang mga leaders, pati sa mga taong kailangan para matapos ang project (vv. 13-16).

Nehemiah’s Persistence (2:17-20)

Pero siyempre kailangan na niyang sabihin. Kaya sinabi na niya, “Nakikita ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan. Wasak ang Jerusalem at sunog ang pintuan nito” (2:17 MBB). Something is wrong, merong problema, hindi pwedeng walang gagawin, kaya kailangang aksyunan, pagtulungan. “Itayo nating muli ang pader ng lunsod upang mahango tayo sa kahihiyan” (v. 17). At sinabi niya sa kanila na ang kamay ng Diyos ay nasa mga nangyari. Again, the hand of God (v. 18). Yun naman ang mahalaga. Hindi yung burden and vision ni Nehemiah. But God’s vision, God’s mission. Evident ito siyempre sa favor na nakuha niya rin sa hari.

Kung galing sa Diyos, bakit ka kokontra? Bakit di ka sasali? Sumagot ang mga tao, “Kung gayon, simulan na natin ang pagtatayo” (v. 18). Wala nang hesitation, wala nang delay, wala nang excuses. Pagtulungan natin ‘yan. Kaya naghanda na sila para simula na. Very encouraging ang ganitong response lalo na sa mga leaders, tulad naming mga pastors. Pero siyempre, don’t do this for us, but for the good of the church, for your own good, and for the glory of God pinakamahalaga sa lahat.

Maganda na sana, pero may mga kumokontra talaga. Di mawawala ‘yan. Kahit naman sa ‘tin ngayon. Heto na naman sina Sanballat at Tobiah, may bago pang recruit sa opposition party, si Geshem (v. 19). Pinagtawanan sila. Nilait. Sabi ba naman, “Ano ‘yang ginagawa n’yo? Nagrerebelde kayo sa hari, ano?” Kung ikaw lang ang Christian sa family, mahirap kasi kokontrahin ka. Pero tuloy lang. Kapag meron kang kukumprontahin dahil sa kasalanan, kasi you are trying to rebuild their marriage, may maooffend. Pero sige lang. Whatever it takes. ‘Yan naman ang essence ng discipleship, you fight, you push through for the sake of the ones you love.

Ganyan ang determinasyon ni Nehemiah. Sinagot niya sila, “Pagtatagumpayin kami (prosper/successful) ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo’y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem” (v. 20). Our courage and confidence, nasa Diyos ‘yan. If God is for us, who can be against us?

Kaya mahalagang tanungin din, nasa panig ka ba ng Diyos? Are you doing his work? Are you an active, participating member of the church? O sinasabi mong, “Hindi naman ako kumokontra.” Hindi nga, pero baka passive ka naman, wala kang ginagawa, wala kang naiaambag sa gawain. Nakikibahagi ka ba? Ipinapakita mo ba sa panalangin mo, sa involvement mo, sa giving mo, na you are doing the Lord’s work and not opposing it?

Advertisements

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Powered by WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: