Part 9 – On Curses (Psalm 137)

https://www.thegospelcoalition.org/article/should-we-pray-the-imprecatory-psalmsHindi tamang iwanan na natin ang pag-aaral natin sa Psalms kung hindi ko tatalakayin ang mga awit na tulad ng Psalm 137. Mahirap pag-aralan, mahirap ipaliwanag, mahirap siyasatin kung paano isasabuhay ang mga katulad nito. Ano’ng mararamdaman mo pag narinig mo ‘to: “Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin! Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin. Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol, at ihahampas sa mga bato” (vv. 8-9 ASD). Try to imagine that!

Nang nagpunta kami sa Cambodia, pinuntahan namin ang isa sa mga killing fields doon. 40 years ago sa time ni Pol Pot dito niya pinapapatay ang mga edukadong Cambodians para mawala ang Western influence sa kanila. Kasama ang mga bata na pinapatay. Merong isang puno doon na may mga pako. Doon daw hinahampas ang ulo ng mga bata para patayin, sayang daw kasi ang mga bala kung babarilin pa. Grabe yan! Tapos mababasa natin ‘to sa Word of God: “Blessed shall he be who takes your little ones and dashes them against the rock” (137:9 ESV)!

Baka naman pwede nating tanggalin yan sa Bible natin. One verse lang naman. Baka naman may nagsingit lang niyan na gustong siraan ang mga Christians. Baka pwede kung isolated case yan. Pero kung tutuusin, ilang mga awit ang matatawag na “imprecatory psalms” tulad nito. Sa konteksto ng isang lament, merong ilang verses na inilalaan para hilingin sa Diyos na sumpain (imprecation or curses) at parusahan ang kanyang mga kaaway o ang mga gumagawa ng kasamaan. It often employs violent and graphic languages. Tulad nito:

  • “O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway. Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano. Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan, dahil silaʼy sumuway sa inyo” (5:10).
  • “Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan. Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa, at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay” (35:8).
  • “…kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho” (59:13).
  • “Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit. Habang kumakain sila at nagdiriwang, mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama. Mabulag sana sila at laging manginig. Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila para wala nang tumira sa mga ito. Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan, at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito. Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas. Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay at huwag isama sa talaan ng mga matuwid” (69:22-28).

Sa haba nitong sa Psalm 69, hindi iyan nabigla lang at nakapagsalita ng mabibigat na parang bugso lang ng matinding emosyon. Pinag-isipan yan bago isulat. At ginabayan sila ng Diyos sa pagsulat.

The Problem with Imprecatory Psalms

Ano ngayon ang problema dito?

  1. “Parang sobrang violent naman niyan.” Yes, violent nga. We cannot soften the language of this kind of psalms. Totoong karaniwan sa atin pag nagalit tayo, nagkakasala tayo. And our thoughts, our words and our actions became violent. Kasalanan iyan. Pero hindi lahat ng klase ng galit ay kasalanan. “Be angry and do not sin” (Eph. 4:26). At anumang violent action na sinasabi ng sumulat ng awit ay hindi violence na gagawin niya para maghiganti sa kanyang mga kaaway. Ito ay isang panalangin sa Diyos na siya ang gumawa. We see a lot of violence in the Old Testament bilang parusa ng Diyos sa mga taong naghihimagsik laban sa kanya.
  2. “Parang hindi naman yata ito compatible sa message of love sa New Testament.” Oo sabi ng Panginoong Jesus, “Love your enemies, do good to those who hate you” (Lk 6:27). Pero mabigat ang sinabi niya sa mga hipokritong Pariseo, “Woe to you!” Hindi lang isang beses, kundi paulit-ulit pa (Mt 23:13, 15, 16, 23, 25, 27, 29). Ang OT punung-puno din ng message of love din. Ang NT, meron ding mga messages of judgment and curses. “Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon” (1 Cor. 16:33 MBB)! Sinabi din niya sa Gal. 1:8-9 (not just once but twice!) na sumpain ang sinumang mangangaral ng taliwas sa Magandang Balita ni Cristo. Sa Acts 1:20 ginamit din ang isang imprecatory psalm na tumutukoy sa nangyari kay Judas (Ps 69:25, “May their camp be a desolation; let no one dwell in their tents.”). Tungkol naman sa katigasan ng mga di sumasampalatayang mga Israelita at sa parusa ng Diyos sa kanila, Paul cited Ps 69:22-23 sa Rom 11:9-10.
  3. “Parang hindi naman applicable na ang ganyang mga salita ngayon. Alangan namang gamitin natin sa prayer natin ‘yan.” Sinabi ni Pablo sa 1 Tim. 3:16-17 na lahat ng Kasulatan (referring to OT Scripture) ay galing sa Diyos at kapaki-pakinabang). Kasali ang Psalm 137 diyan. Posible na kahit sa prayer life natin at sa worship gathering ng church magamit din natin ang mga psalms na kagaya nito, pero dapat tama ang motibo, tama ang pagkakaunawa. We need wisdom and discernment. Hindi siyempre para sumpain ang mga kaaway natin o ang mga masasamang tao tulad ng ISIS or Abu Sayyaf o mga pulis at vigilantes na pumapatay sa mga pinaghihinalaang drug addicts. No, but to help us see more of Jesus. Kasi sabi niya sa Luke 24:44 na lahat ng nakasulat sa Kautusan ni Moises at mga Propeta at Mga Awit ay dapat na matupad. Even Psalm 137, even imprecatory psalms, point us to Jesus. That’s the primary application of every text of Scripture.

Foundational Principles Underlying Imprecatory Psalms

Pero bago natin tingnan ‘yan, mahalagang ilatag muna natin ang ilang mga foundational principles na makatutulong sa atin para maunawaan natin ang mga psalms na gawa nito. Tandaan nating ang mga imprecatory psalms ay…

  1. Hindi para sa pansariling problema. These are not personal trivial matters. Na parang nainis lang kasi malakas mag-videoke ang kapitbahay o may kaibigang di nakabayad ng utang at naninira pa sa iyo. When you look at Psalm 69 it appear as if personal ang issue ni David dito sa mga kaaway niya. Pero dapat nating tandaan na it’s a response sa kasamaan ng mga kaaway niya. Hindi siya ordinaryong citizen. He was king, anointed by God to lead God’s people. Sinumang umaaway sa kanya, naninira sa kanya ay kumakalaban sa buong bayan ng Israel at sa Diyos na humirang sa kanya. This is an expression of moral indignation. Lalo na sa Psalm 137. Nasa Babylon ang mga Israelita, binihag at inalipin bilang parusa din ng Diyos dahil sa kanilang unfaithfulness sa covenant. Pero ang awit na ito ay song of remembrance para sa kanilang bayan (Zion/Jerusalem). Umiiyak sila (v. 1). Isinabit na nga nila sa puno ang kanilang mga musical instruments because they cannot find a reason to sing while in a foreign land (v. 2). Tapos aasarin pa sila ng mga tao dun at sasabihing kantahan sila (v. 3). Hindi nila makakalimutan ang homeland na bigay sa kanila ng Diyos (vv. 4-6). They were longing to come back, to be restored to God.
  2. Hindi para sa pansariling paghihiganti. Hindi nila sinasabi sa Diyos na, “Lord, pahintulutan mo kaming resbakan sila.” No. They were asking God to act. Hindi sa kanila ang paghihiganti. Sinabi nila sa Diyos na: “Lord, alalahanin mo ang ginawa ng mga taga-Edom nang tulungan pa nila ang Babylon na wasakin ang Jerusalem. Gantihan n’yo sila” (v. 7). Nang ipost ko sa Facebook yung nangyari sa coffee business ko, nakita ng iba yung pictures ng mga nanloko sa amin. May mga nagcocomment na mukha talagang manloloko ang mga iyan, malaki pa ang ilong, at kung anu-ano pang pang-aasar at pangungutya. Sabi pa nung iba na kung makita nila yun talagang sasaktan nila. Pero ang prayer ko, and I believe na application din ito ng imprecatory psalm, ay hindi for personal vengeance. “Lord, bring them to justice. Parusahan n’yo. Ipakulong n’yo.” Hindi lang para sa akin. Kundi para rin sa ibang nabiktima, para rin sa mga maaari pa nilang mabiktima kung di pa sila mahuhuli. Hindi natin ilalagay sa sarili nating kamay ang hustisya. Ipapaubaya natin sa ating gobyerno. Nakasampa na ang kaso sa awtoridad sa Tarlac. Wala pa ring warrant of arrest. Pero may nailabas na daw sa nauna pang nagsampa sa kanila sa mga nauna na rin nilang naloko. Kung di man maaksyunan ng gobyerno, we ask God in prayer to bring them to justice at the last judgment, assuming that they will remain unrepentant.
  3. Hindi para sa personal na pangarap. Hindi para makabawi sa naluging negosyo. Hindi para malinis ang nasirang pangalan. Ang mga panalanging ito ay para sa kapakanan ng bayan ng Diyos at higit sa lahat para sa pangalan ng Diyos na nadudungisan ng kanyang mga kaaway. “Zeal for your house has consumed me” (Ps 69:9). Ito rin naman ang naging motivation ni Jesus nang magalit siya at ipagtabuyan niya ang mga taong ginagawang palengke ang bahay sambahan ng Diyos (Jn 2:17).

Personal at corporate prayers ang imprecatory psalms pero hindi ito pansarili. Ito ay para sa karangalan ng Diyos. Ito ay prayerful expressions ng…

  1. Kabanalan at katuwiran ng Diyos. Before praying for God to act against his enemies, sinabi ni David na ito ay nakaayon sa katangian ng Diyos. He is a holy God. Therefore, he hates evil. “Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan, at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman. Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling. Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya” (Ps 5:5-6 ASD). Maging ang bayan ng Israel hindi exempted dito. Inaamin ni David na nagkasala din siya sa Diyos at dapat lang na parusahan. Ang bayan ng Israel nagtaksil sa Diyos, kaya nga sila sinalakay at inalipin ng Assyria at Babylon. Bago pa sila pumasok sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos, ipinaalala niya sa kanila ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos niya (Dt 27:9-10). Merong blessings for obedience (28:1-14). Pero mas matindi ang emphasis niya sa warnings na merong curses for disobedience (27:15-26; 28:15-68).
  2. Magandang layunin ng Diyos para sa kanyang bayang pinili.
    Sa kabila ng kanilang pagsuway, nananatiling ang pangunahing layunin ng Diyos para sa kanila ay pagpalain at hindi sumpain. Ang susumpain ay ang mga taong hindi sumasampalataya sa Diyos at silang kumakalaban sa bayang pinili ng Diyos. This was expressed in the Abrahamic Covenant, “Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo. Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan. Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain. Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo. Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo. Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo” (Gen 12:1-3 ASD). For Israel to be saved and be blessed, their enemies must be destroyed and be cursed. Ayon dito, ang mga imprecatory psalms ay panalangin para sila ay iligtas ng Diyos mula sa kanilang mga kaaway, at ang kalakip nito ay ang pagpaparusa ng Diyos sa mga kaaway nila.
  3. Katuparan ng mga pangako at salita ng Diyos. Ito ang sabi ng Diyos through prophet Jeremiah, “Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya…Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang” (Jer 51:56, 58). Pangako ng Diyos iyan. So yung prayer sa Psalm 137:8-9 is a prayer na nagsasabi sa Diyos na tuparin niya ang ipinangako niya. “Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin! Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin. Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol, at ihahampas sa mga bato.” Kahit ang pagpatay sa mga sanggol ng kaaway ay bahagi ng pangako ng Diyos bilang parusa sa pagmamalupit na ginawa rin ng Babylon sa bayan ng Diyos. “Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa” (Isa 13:16).

Hindi natin lubos na mauunawaan ang damdamin ng mga Judio noon dahil nakita nila ang mga anak nila na pinatay at mga asawa nila na ginahasa. Yes, God’s judgment still sounds horrifying and violent. Pero tandaan nating God is infinitely more holy, more fwise, more loving, more just than us. A biblical imprecatory psalm is “not about me. It is about God.” Sinasabi mo sa Panginoon sa panalangin ang ganito: “Lord, gawin mo ang ayon sa iyong kabanalan, katuwiran at katarungan. Gawin mo ang lahat ng plano mong mangyari. Tuparin mo ang ipinangako mo.”

The Gospel of Jesus

Gagawin ng Diyos ang lahat ng dapat gawin para iligtas ang kanyang mga anak na minamahal. It takes the death of all the firstborn of Egypt to rescue Israel out of slavery. Walang salvation kung walang judgment. Iniligtas tayo ng Diyos nang ipadala niya ang kanyang sariling anak na si Jesus, ihinampas ang kanyang katawan sa punung-kahoy, sa krus, at ibinaon ang mga pako sa kanyang mga kamay at paa at ang matatalim na tinik sa kanyang noo. Remember that now, remember that during the Holy Week. Dumanak ang dugo sa Kalbaryo para iligtas tayo, tayo na nararapat lang na umako ng sumpa ng parusa at galit ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan. If you are horrified at the language of the imprecatory psalms, imagine the horror and violence of the crucifixion of Jesus on the cross. Malinis ang mga crosses natin ngayon, magandang tingnan, ayaw nga natin na may nakapako diyan. Yes, we want to focus on the resurrection. Pero ang nangyayari naman, we no longer feel the horror and the violence of the cross.

Dumanak ang dugo ni Cristo nang iligtas niya tayo. “Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan (Deut 21:23), ‘Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.’ Ginawa ito ng Dios para ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo Jesus; at para matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya” (Gal. 3:13-14).

Applying Imprecatory Psalms Today

The curses of the imprecatory psalms point us to Jesus. At dahil tayo ay nakay Cristo na, when we read these psalms, makakatulong ito sa atin ngayon na…

  1. Mas maging maalab ang puso natin para sa karangalan ng kabanal-banalang Diyos. We don’t feel the emotions ng mga imprecatory psalms kasi hindi tayo ganoon ka-passionate sa karangalan ng Diyos. The more we see the holiness of God, mas nararamdaman natin ang damdamin ng Diyos sa kasamaan ng mga taong nagrerebelde sa kanya.
  2. Mas kamuhian ang kasalanan at ang mga taong naghahasik ng kasamaan. We hate what God hates. We love what is good. We hate what is evil. Ano’ng kinagagalit mo? Na nakaw ang cellphone mo? Magulo ang kapitbahay mo? Di ba mas dapat lang nating ikagalit ang walang awang pagpatay sa mga kabataang sangkot daw sa droga? Ang pamumugot ng ulo ng mga Cristiano na kagagawan ng ISIS? O ang mga taong nagbebenta ng mga bata para gawing sex slaves? Nagiging manhid tayo sa kasamaan sa paligid natin. We need to feel what the Imprecatory Psalms feel about evil.
  3. Mas kamanghaan ang biyaya ng Diyos sa ating kaligtasan. Iniligtas tayo ng Diyos bagamat di tayo deserving. Sa halip na sumpain at dumanas ng bagsik ng galit ng Diyos, we received grace upon grace. Di ka mamamangha sa biyaya ng Diyos kung bait na bait ka sa sarili mo at iniisip mo lang na dapat parusahan ay ang masasama sa paligid mo.
  4. Mas maging tulad ni Jesus sa kanyang habag at awa maging sa kanyang mga kaaway. Hindi panalangin ng pagpaparusa ng Diyos ang first prayer natin. We pray for their salvation. Kahit ang pinakamasamang tao we pray for faith and repentance. Ang imprecatory psalm assuming na di sila magrerepent. Pero kung alam mo ang tindi ng parusa ng Diyos, the more you will pray for their salvation.
  5. Mas tumibay ang pag-asa sa tiyak na darating na pagpaparusa ng Diyos sa lahat ng masama. Kasi marami pa rin ang magpapatuloy sa kasalanan. Laganap pa rin ang kasamaan. Pero ang kumpiyansa natin, balang araw lahat ng makasalanan ay walang hanggang magdurusa sa impiyerno. Ang ilan sa inyo hanggan ngayon nagpapatuloy sa kasalanan. Ang sumpa ng parusa ng Diyos ay katakutan mo. Flee to Christ now! Kung ikaw ay nakay Cristo na, wag mong kainggitan ang mga yumayaman na masasamang tao, wag kang mainip na may mga manggagantsong di pa rin nakakulong. Darating ang oras nila. Haharap sila kay Cristo na kanilang Hukom at itatapon sila sa walang hanggang apoy. Haharap tayo kay Cristo at daranas ng walang hanggang kagalakan sa piling ng ating Tagapagligtas.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s