Religious But Ungodly (Titus 1:10-16)

c41e0cfbdb77b1f38ed84b1cdfa488bdNoong bata tayo, itinuro sa atin ng ating mga magulang kung ano ang tama at mali. Kung ang buhay natin ay nasa tama, mapapaayos tayo. Kung hindi, mapapahamak tayo. Tulad ng tungkol sa droga, na sabi nila ito ang naging sanhi ng pagkamatay ng limang katao sa isang concert noong Linggo nang madaling araw, bagamat di pa final ang report. Lulong din sa droga ang isang lalaki na pumatay sa tita at pinsan niya dito sa ating bayan nung makalawa lang. Kaya mahalaga na itinuturo natin sa anak natin kung ano ang tama. Sinasaway naman at itinutuwid kung ano ang mali. Kung hindi, ibinubulid natin ang anak natin sa kapahamakan.

Dito sa pag-aaral natin sa Titus na pinamagatan nating Good News, Good Work, ipinapaalala ni Pablo kung ano ang tamang paniniwala na nagdudulot ng tamang pamumuhay, “the knowledge of the truth that leads to godliness” (1:1 NIV). Ang katotohanang tinutukoy dito ay ang Mabuting Balita (gospel) ng Panginoong Jesus, at anumang salungat dito o di naaayon dito ay mali. At ang dulot ng Mabuting Balitang ito ay mabuting gawa. Anumang uri ng pamumuhay na salungat dito o hindi ayon dito ay mali. Kapag mali ang paniniwala, kapag mali ang pamumuhay, kapahamakan ang kahahantungan.

Kaya nga sa pag-aaral natin last week sa Titus 1:5-9, nakita natin ang kahalagahan ng mga elders o pastors ng church na tumatayong mga magulang natin na nagbibigay sa ating ng spiritual leadership o direction. Unang-unang sa amin dapat makita ang magandang halimbawa na dapat tularan ng lahat ng mananampalataya – sa buhay pamilya (v. 6) at sa personal character (vv. 7-8). Mahalaga rin, bilang tagapanguna, na “kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita (o ang Mabuting Balita)” (v. 9 Ang Biblia 2008).

Bakit? Para saan? Una, para “makapangaral siya ng wastong aral.” Tungkulin naming ipaalala sa inyo, ituro sa inyo ang Mabuting Balita ni Cristo. Our role is to take you deeper into the gospel. Ito rin ang bilin niya kay Titus: “But as for you, teach what accords with sound doctrine” (2:1); “…in your teaching show integrity…and sound speech…” (2:7-8). Ito rin ang dapat ituro ng matatandang babae sa nakababata (disciplemaking!) sa “They are to teach what is good…” (2:3-4).

At bilang isang responsableng magulang, hindi lang dapat ituro kung ano ang tama, dapat sawayin din at ituwid kung ano ang mali – kung may maling paniniwala o maling pamumuhay. Ito rin naman ang function ng Word of God na “mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay” (2 Tim. 3:16 ASD). Kaya sabi niya kay Timoteo, “Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo” (4:2).

Ganun din ang responsibility ng mga elders na ibinilin ni Paul kay Titus, “maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito (sa Mabuting Balita ni Cristo)” (Tit. 1:9 MBB). Sa ASD, “maituwid.” Ito rin ang tungkulin ni Titus, “Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway” (2:15 ASD); “Pagsabihan mo ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa” (3:10). Responsibilidad ng mga elders at pastors at mga spiritual parents ang pagsaway at pagtutuwid sa maling paniniwala at sa maling pamumuhay.

Dito sa sumunod na talata sa 1:10-16, ipapakita ni Pablo kay Titus kung gaano kahalaga ang pagsaway sa mali. Kapag may mali, dapat itama. Kapag may mali, may problemang dapat bigyan ng solusyon. Di dapat balewalain, di dapat i-deny, dapat harapin, dapat seryosohin. Nagsimula ang verse 10 sa salitang “for” o “sapagkat.” Kapag nagbabasa ka ng Bible, ibig sabihin pansinin mo ang salitang iyon. Sinasabi sa iyo na ang mga susunod na sasabihin ng sumulat ay may koneksiyon sa nauna. Ito ay nagpapakita ng dahilan kung bakit mahalaga na may mga elders bawat iglesia, mga elders na mabuting halimbawa, may mabuting katangian, pinanghahawakan ang Mabuting Balita. Ang dahilan? Sa verses 10-16 ipapakita ni Pablo na malaki ang problema kaya malaki ang responsibilidad ng mga tagapanguna.

Kaugnay nito, sasagutin natin ang apat na tanong: 1) Saan galing ang problema?; 2) Ano ang problema?; 3) Gaano kalaki ang problema; at 4) Ano ang dapat gawin sa problema?

1) Saan galing ang problema?

Isang dahilan bakit sumulat si Paul kay Titus ay dahil merong problem na kailangang i-address. Saan galing yung problem na iyon?

Problem from the inside. Kahit tayo’y Christians na – yes, naniwala tayo sa tama, namumuhay tayo sa tama sa biyaya ng Panginoon – pero naroon pa rin ang ating sinful human nature. Meron na tayong bagong buhay, pero natural pa rin sa atin na bumabalik sa dating gawi, sa nakasanayang pamumuhay. Kaya di nakapagtataka kung meron tayong makikitang bahagi ng pamumuhay natin na di sang-ayon sa gospel na pinaniniwalaan natin.

Kaya sabi ni Paul sa v. 12, “Isa mismo sa kanilang mga propeta ang nagsabi: ‘Ang mga taga-Crete ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.'” Ang nagsabi nito ay si Epimenedes noong 600 BC. Hindi si Pablo ang nagsabi na ganun sila, pero nag-agree siya kaya sabi niya, “Tama ang kanyang sinabi” (v. 13). Siyempre generalization iyon, di naman ibig sabihin lahat ganyan. Pero nagpapakita ito na sa kultura nila, merong mga maling pamumuhay na dahil natural na, talamak na, nagiging acceptable na. Hindi naging maganda ang reputation nila in terms of moral principles, pero naging accepted na. Parang tayo, sinasabi natin kapag nagkakamali, “Tao lang…”, nagiging acceptable tuloy.

Ang problema kahit culturally acceptable na, problema pa rin. Ang mali, kahit maraming gumagawa, ay hindi pwedeng maging tama.
  • “Sinungaling.” Tama ba iyon? Sinasabi mong naniniwala ka sa katotohanan, tapos nagsasalita ka ng kasinungalingan at mas mahalaga sa iyo ang sarili mong reputasyon kaysa sa reputasyon ng Diyos at ng kanyang salita?
  • “Asal-hayop.” Sa ESV, “evil beasts.” Hindi na tao kung umasta. Wild, parang yung mga party goers sa isang event noong nakaraang araw kung saan ilang katao ang namatay, karamihan mga teenagers. Hindi makontrol ang passion, ang hilig ng katawan. Nagiging marahas. The gospel restores the image of God in us, yung ang pagiging tunay na tao. Tapos mag-aasal hayop? May mali di ba?
  • “Batugan.” O tamad. Hindi komo naligtas tayo hindi sa sariling gawa, ibig sabihin wala nang gagawin! The gospel causes us to work hard, hindi dahil kailangan ng Diyos ang gawa natin, kundi dahil kailangan ng ibang tao.
  • “Matatakaw.” Gluttons. Walang masama sa mahilig kumain, pero kung kontrolado na tayo ng tiyan natin, yan na ang nagiging Diyos natin. At kung ang food ang hinahanapan natin ng satisfaction na dapat ay sa Diyos nanggagaling, paano mo di matatawag iyang mali?

Ito ang nagdedefine sa cultura ng mga taga-Crete. Parang tayong mga Filipino, merong tinatawag na Filipino time (laging late), manana habit (ipagmamaya na lang ang pwede namang gawin ngayon), crab mentality (hahatakin pababa ang nasa itaas). Common sa mga Filipino, ibig sabihin ba tama na? Pwede ba nating sabihing, ganun talaga, mahirap nang baguhin? Kahit sa mga Christians naririnig iyan. Do we really believe that the gospel has power to change us?

Problem from the outside. Natural na ngang makasalanan ang puso natin, at ang lipunang kinabibilangan natin. Mas lumalala pa ang problema sa mga impluwensiya ng maling katuruan na dinala ng mga Judiong nasa Crete, na mga nagpapanggap na kasama nilang mananampalataya. Tinawag sila ni Paul na “circumcision party” (v. 10) o “ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya” (ASD). Sila rin ang humihikayat sa mga believers na maniwala sa mga “Jewish myths” (v. 14), “kathang-isip ng mga Judio” (ASD). Merong mga nagtuturo sa kanila na merong silang mga kailangang gawin, bukod pa sa ginawa na ni Cristo, para maging katanggap-tanggap sila sa Diyos. Merong nagtuturo sa kanilan na meron silang dapat paniwalaan na di naman nanggaling sa turo ng Salita ng Diyos, gawa-gawa lang ng tao, tradisyon lang.

This is a problem kasi para bang sinasabi nila na hindi sapat ang ginawa ni Cristo, hindi sapat ang gospel. Susceptible din naman tayo sa ganyang problema, kapag nakikinig sa sabi-sabi ng matatanda, sa mga pamahiin, sa nakalakihang relihiyon o tradisyon na di naman ayon sa salita ng Diyos.

Ano ang problema?

Dalawang konektadong problema ang dapat harapin ng mga tagapanguna. Maling pagtuturo at maling pamumuhay. Kambal yan. Di mapaghihiwalay. Nagiging mali ang pamumuhay dahil mali ang itinuturo.

Maling pagtuturo (vv. 10-11)

“…nagtuturo sila ng mga bagay na di dapat ituro” (v. 11). Ang diin dito ay sa salitang “di dapat.” Merong dapat ituro, ang Mabuting Balita. Kapag iba rito ang itinuro, nagiging masamang balita, kahit pa gaano kagandang pakinggan. Ang dapat ituro ay ang nais ng Diyos, ang kanyang Salita na nakasentro sa pagliligtas na ginawa ni Cristo.

Kapag ang isang tao ay nagtuturo ng “di dapat ituro” anong tawag dun? Heto ang description sa kanila ni Pablo, verse 10, “insubordinate, empty talkers, and deceivers”; sa Ang Biblia, “suwail, mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya. Suwail, ibig sabihin, parang sundalong nagsabi ng No! sa utos ng commander-in-chief. Parang anak na suwail na inutusan ng nanay, ang sabi, ayoko nga! May utos ang Diyos, ipangaral ang salita niya. Kapag iba ang ikinukuwento natin sa mga tao, nagrerebelde tayo sa awtoridad ng Diyos, acting independently.

Empty talkers, galing sa salitang Griyego na dito lang ginamit sa New Testament. Walang kabuluhan, walang laman, walang sustansya, walang patutunguhan. Parang nagtayo ng bahay sa buhanginan, parang naghahabol sa hangin, parang suntok sa buwan, parang naghahabol sa sarili niyang anino (Spiros Zodhiates, The Complete Word Study Dictionary).

Deceivers, galing din sa salitang dito lang ginamit sa New Testament. Ito yung mga taong nagsasalita ng magaganda para mahikayat ang mga taong wag nang maniwala sa katotohanan (Friberg’s Analytical Lexicon). Mabulaklak magsalita, masarap pakinggan, pero di totoo. Tulad ng ahas kay Eba sa Genesis 3.

Anong motivation nila sa pagtuturo nila? Pansarili, hindi para sa paglilingkod. Verse 12, “teaching for shameful gain…” Para pagkakitaan ang mga tao. Hindi dapat ganyan ang mga elders na tagapagturo: “not greedy for gain” (v. 7; “not for shameful gain,” 1 Pet. 5:2). Sabi ni Warren Wiersbe, “A true servant of God does not minister for personal gain; he ministers to help others grow in the faith (Bible Exposition, vol. 2, 263).

Kung ang isang katuruan ay salungat sa turo ng Diyos, at ginagawa para sa pansariling interes, maling pagtuturo iyan. Kaya mag-ingat po tayo. Wag basta nagbabasa ng mga “Christian” o “inspirational” books, komo good-looking, nakangiti at mukhang successful ang author, babasahin na. Wag basta mag-like sa mga nababasa sa Facebook o magshare ng nakikita sa Internet. Alamin mo muna kung yan ay ayon sa salita ng Diyos.

Maling pamumuhay (vv. 14-16)

Dulot ng tamang pagtuturo ay tamang pamumuhay. The gospel results in true godliness. Ang dulot naman ng maling pagtuturo ay maling pamumuhay. Kaya makikita natin na mali ang katuruan kung ang mga tagapagturo ay di namumuhay nang sang-ayon sa katotohanan ng salita ng Diyos. Sa verse 14, inilarawan ni Pablo ang kanilang katuruan bilang “mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan.” Posible naman kasi na may katotohanan ang itinuturo nila. Pero ang pamumuhay naman nila ay “tumalikod” sa katotohanan, hindi nila ipinapamuhay ang salita ng Diyos, ang buhay nila ay kumokontra sa mga salita nila. Nagpapatunay na sila ay di tunay na mga Cristiano.

They were not really “born again.” Verse 15, “Sa mga malilinis ang isip, lahat ng bagay ay malinis” (ASD). Ang “malinis” na tao dito ay tumutukoy sa mga nakaexperience ng “new birth” na siyang pinangako ng Diyos sa New Covenant sa Ezekiel 36:25-29. Dahil kay Cristo, gawa ng Espiritu, may bagong puso, may bagong isip, truly born again, may bunga ng kabutihan at kabanalan at pagsunod sa Diyos. Para sa atin, “lahat ng bagay ay malinis.” Hindi ibig sabihing pwede ka nang manoon ng porn o kahit TV series na may halong kalaswaan o gumawa ng mga kasalanan. Maaaring tumutukoy ito sa isyu tulad ng pagkain, na isyu sa Jewish legalism. May malinis kainin, may maruming kainin (like pork). Pero, sa kaharian ng Diyos, hindi iyon ang pinakaisyu. “For the kingdom of God is not a matter of eating and drinking but of righteousness and peace and joy in the Holy Spirit” (Rom. 14:17).

Itinuloy pa niya sa Titus 1:15, “Ngunit sa mga marurumi ang isip at hindi sumasampalataya ay walang anumang malinis.” Tinutukoy niya dito ang mga false teachers, na hindi totoong born-again Christians, nagpapanggap lang, sa salita lang. “Marumi” sila, dahil wala pa ang cleansing work ng Holy Spirit sa kanila. Kahit kumain sila ng “malinis” na pagkain, kahit gumawa sila ng “malinis” na gawain, kahit magsimba sila palagi, kahit magBible study sila palagi, kahit mukhang kagalang-galang sila, marumi pa rin sila sa harapan ng Diyos. Dahil di sila sumasampalataya talaga kay Cristo. “Whatever does not proceed from faith (kahit anong mabuti o relihiyosong gawa nila) is sin” (Rom. 14:23). Puso nilang marumi ang nagpaparumi sa kanila. “It is not what goes into the mouth that defiles a person, but what comes out of the mouth; this defiles a person” (Matt. 15:11).

Maaaring maganda ang itinuturo nila, maaaring sinasabi nilang sumasampalataya sila kay Cristo, magaganda ang mga posts nila sa Facebook, maraming Bible verses, mukhang godly, pero di naman totoo. Verse 16, “Sinasabi nilang kilala nila ang Dios, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa.” Sinasabi born again sila, di naman nakikita ang bunga ng new birth sa buhay nila. Maraming ganyan ngayon! Sinasabing naniniwala sila kay Jesus, di naman makita sa gawa. Patay ang ganyang pananampalataya, ayon kay James (Jas. 2:17). Pati nga ang mga demonyo, naniniwala ding may Diyos, nanginginig pa (v. 19). Mas masahol pa sa demonyo ang “pananampalataya” mo na di naman nagreresulta ng mabuti sa buhay mo.

Masakit pakinggan, pero yun ang totoo. Si Pablo ganun din ka-strong ang mga words na ginamit niya. Ituloy natin ang Titus 1:16, “Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang mabuting ginagawa” (ASD). Kasuklam-suklam, detestable, galing sa word na dito lang din ginamit sa New Testament (talagang piling-pili ang mga salita ni Paul sa section na ‘to, to express yung seriousness ng false teaching). Abominable ang turo nila at ang pamumuhay nila, di katanggap-tanggap sa Diyos. Kapag walang mabuting bunga, ibig sabihin patay, para kang bangkay na naaagnas at umaalingasaw, kahit na mukha ka pang santo o santa sa loob ng simbahan.

“Disobedient, unfit for any good work.” Minsan naman parang obedient kasi active sa ministry, o parang mabuti ang ginagawa, pero puro panlabas lang. Pero sa loob, ang puso ay malayo sa Diyos, ni walang pagmamahal para sa Diyos. “For the mind that is set on the flesh is hostile to God, for it does not submit to God’s law; indeed, it cannot. Those who are in the flesh cannot please God” (Rom. 8:7-8).

Kung meron man sa inyo na hanggang ngayon ay ganyan, nagsusumamo ako na pakinggan n’yo ang warning ng Panginoon dito. Kung sa buhay mo, walang nakikitang ebidensiya na you are really born again, ibig sabihin wala talaga ang gospel sa puso mo. Magsisi ka, humingi ng tawad, tunay na magtiwala kay Cristo bilang Tagapagligtas.

Ganito ako magsalita, ganito kaseryoso, kasi ganito din si Pablo, kasi malaki at seryoso ang problemang kinahaharap nila.

Gaano kalaki ang problema?

Gaano kalaki ang problema? Kung merong isang false teacher, may problema din, pero di ganoon kalaki ang influence. Madaling solusyunan. Pero dito sa Crete, ilan? “There are many…” (1:10). Marami sila. Maraming kaaway. Maraming mali ang pagtuturo. Ganun din ngayon. Marami nasa TV, nasa Internet, sumulat ng mga books, pero maling turo, taliwas sa gospel ang turo. Di tayo pwedeng manahimik lang diyan.

Bakit? Kasi maraming naaapektuhan. Ano’ng nangyayari? They were “upsetting whole families” (1:11). Nanggugulo sila. Buti kung ilang tao lang ang apektado, pero whole families. This is a serious problem. Hindi lang basta nanggugulo na nang-iinis o nakakairita. Ang salitang ginamit dito ay galing sa Greek na anatrepo, tatlong beses lang ginamit sa NT. Ang isa ay tungkol sa pagbabaligtad ni Jesus ng mga mesa ng nagtitinda sa templo (Jn. 2:15), ang isa naman ay tumutukoy ay pagkakawasak ng pananampalataya ng ilan dahil sa maling turo (2 Tim. 2:18). Hindi lang nanggugulo. naninira, nangwawasak. Dahil sa mga taong ito, merong mga tao na tuluyan nang tumalikod sa tunay na pananampalataya. Delikado!

Wag n’yong isiping what we’re discussing now is just a trivial or light matter. This is serious. Eternity – heaven or hell – is at stake here. Ang may pandinig ay makinig!

Ano’ng dapat gawin sa problema?

May problema – maling pagtuturo, maling pamumuhay. Malaki ang problema. Hindi pwedeng balewalain. Hindi pwedeng manahimik tayo na may hawak ng Mabuting Balita. Lalo na ang mga elders, pastors at leaders ng church. Ano ang utos ni Pablo kay Titus at sa mga elders na itatalaga niyang manguna sa iba’t ibang house churches sa Crete?

Meron tayong aksiyon na dapat gawin laban sa mga false teachers. Verse 11, “They must be silenced.” Patahimikin mo, wag mong hayaang magsalita at magkaroon ng platform sa church. Sa ibang pagkakataon, kailangang paalisin at patalsikin ang mga taong nagtuturo ng mga maling aral. Again, ang salitang “silence” dito ay galing sa word na dito lang din ginamit sa NT. Parang “muzzle” na inilalagay sa bibig ng mga mababangis na aso para hindi makakagat at makapagdala ng nakamamatay na rabies. Parang “bridle” na inilalagay sa bibig ng kabayo, para makontrol. Extreme measure yan, patahimikin, kasi seryoso naman ang problemang dala nila.

Verse 13, “Rebuke them sharply, that they may be sound in the faith.” Sinabi na niya yan sa verse 9, tungkol sa role ng mga elders, “rebuke them.” Pero dito may dagdag na “harshly,” mas may diin. Minsan din itong ginamit ni Paul sa 2 Cor. 13:10 na tumutukoy sa kanyang severe use of authority, mahigpit na pananalita, mabigat, nagpapakita ng bigat ng problemang hinaharap.

Ginagawa natin ito kasi isinasaalang-alang natin ang goal or mission natin sa ministry. At ito ang ipinaalala niya kay Titus, “that they may be sound in the faith.” Sa ASD, “upang maging wasto ang kanilang pananampalataya.” Sound, wasto, ibig sabihin healthy, malusog, malakas, matuwid, matibay. Healthy doctrine, healthy Christian life. Ginamit na niya iyan sa verse 9, dapat ang elders makapagturo ng “sound doctrine.” Si Titus din sinabihan ni Paul na magturo nang ayon sa “sound doctrine” (2:1). Ang mga kalalakihan dapat maging “sound in faith, in love and in steadfastness.” Tama ang paniniwala, nakakapit sa Mabuting Balita. Tama ang pamumuhay, nakaayon sa Mabuting Balita. Nagtuturo tayo ng tama, sinasaway natin ang mali para dito. Para ang mga kapatid natin sa Panginoon ay mas tumibay sa pananampalataya. Para rin naman itong mga false teachers, pati mga false professors of faith, mga nominal Christians, mga pasaway, mga namumuhay sa kasalanan ay magkaroon ng tunay na pananampalataya.

Mabigat ang problema, oo, kasi makasalanan ang tao, baluktot ang pag-iisip, mahirap baguhin. Pero di dapat tayo panghinaan ng loob. Sabi ni William MacDonald, nagbibigay ang verse na ito ng encouragement sa atin sa ministry, na kahit gaano kasama ang mga taong kaharap natin, merong hope, “Through the gospel there is hope for the worst of men” (Believer’s Bible Commentary). Ang mali turo, maitatama. By the power of the gospel. Ang makasalanan magbabago, ang sinungaling magiging tapat, ang marahas magiging mapagmahal, ang tamad magiging masipag, ang sexual addict magiging sexually pure and faithful sa relationships. By the power of the gospel.

Merong mga nagtuturo ng di dapat ituro. Para sa atin, ang ituturo natin at paniniwalaan ay ang katotohanan ng Salita ng Diyos. We will go deeper into the gospel and help others go deeper into the gospel. Merong ang pamumuhay ay parang tumalikod na sa katotohanan. Para sa atin, mamumuhay tayo ayon sa katotohanan ng Salita ng Diyos. We will apply the gospel in our lives and help others apply the gospel in their lives.

As we do, we will discover that we have a gospel that is more powerful – kaysa sa droga. Ang droga pumapatay, ang gospel nagbibigay-buhay. Ang solusyon sa droga – at anumang problema sa lipunan natin – ay hindi ang itapon ang bangkay ng mga pushers at addicts sa Manila Bay. Ang solusyon ay nasa ating kamay, tayo na mga may hawak ng Mabuting Balita ni Cristo, na siyang may kapangyarihang bumago sa pag-iisip ng lahat ng tao – para magkaroon sila ng tamang paniniwala at tamang pamumuhay. “The gospel (alone!) is the power of God for salvation” (Rom. 1:16).


Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s