Priestly Failures (Mal. 2:1-9)

Image credit: www.propertycasualty360.com
Image credit: http://www.propertycasualty360.com

Itinuturing nating mga bayani ang The Fallen 44 – mga pulis na miyembro ng PNP Special Action Force na nasawi sa enkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao. Sa mga inquiries at investigations na nagpapatuloy hanggang ngayon, gusto nating malaman kung magkakaroon ng hustisya sa nangyari. Sino nga ba ang may kasalanan, may pananagutan? Mainam iyon, na nasa atin pa ang sense of justice. Ang kaso, we are quick to judge and put the blame sa mga leaders. Sasabihin natin failure of leadership ito kasi corrupt at inept at irresponsible ang mga leaders natin sa government.

Maaaring totoo. Pero ang problema, kapag pinag-uusapan natin ang kapalpakan ng iba, tumataas ang tingin natin sa sarili natin. Sila kurakot at masamang tao, ako hindi kurakot at mabuting tao. Kapag may mga magulang na pabaya sa kanilang mga anak, sa loob-loob natin, “Aba, ako hindi ganyan.” Kapag may mga pastor na pabaya sa tungkulin nila, “Aba, hindi ako ganyan.” Kapag may mga kasama ka sa trabaho o sa eskuwela na tamad, “Aba, ibang-iba ko sa kanila.” And this is partly the reason why we feel good talking about the mistakes of others. Pinagtsitsimisan natin ang kapalpakan ng iba, kasi kapag ginagawa natin iyon, we feel good about ourselves. Kapag nababahuan ang pangalan ng ibang tao, bumabango ang pangalan natin.

Listen now

Download

mp3-icon

pdf-icon

 


 

Ang mensahe ng Diyos sa Malachi 1:6-14 at sa text natin ngayon na 2:1-9 ay directed sa mga pari, sa mga religious leaders nila. “Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari…” (1:6; 2:1). In essence sinasabi niya dito, “Palpak kayo sa pagganap ng tungkuling ibinigay ko sa inyo.” Ang trabaho ng mga pari ay maging tagapamagitan o mediator sa pagitan ng Diyos at ng mga Israelita. Galing sila sa lahi ni Levi, isa sa 12 anak na lalaki ni Jacob (Israel), kaso hindi sila kasali sa bilang ng 12 tribo o lipi ng Israel. Ang dalawa doon ay galing sa dalawang anak ni Jose (isa din sa anak ni Israel) na sina Ephraim at Manasseh. Ang Levites ay set apart, sabi ng Diyos, “The Levites shall be mine: I am the LORD” (Num 3:45). Pero pumalpak sila sa tungkulin nila bilang mga pari. Sa tungkulin nila dapat sana’y bigyan nila ng karangalan ang Diyos dahil siya’y karapat-dapat sambahin. Pero anong ginawa nila? Nilapastangan nila ang pangalan ng Diyos. Nakita natin iyan last week sa Malachi 1:6-14.

Bagamat dito sa Malachi 2:1-9 ay ipagpapatuloy ng Diyos ang condemnation sa kanilang mga kapalpakan, di dapat isipin ng mga karaniwang Judio na ito ay condemnation lang sa mga leaders nila. Sila man, bilang isang bansa, ay tinawag na mga pari kung ang pag-uusapan ay ang role nila bilang tagapamagitan ng pagpapala ng Diyos sa ibang mga lahi (Ex 19:4-6). Ang kapalpakan ng mga leaders nila ay kapalpakan din nila.

At ganoon din sa ating lahat ngayon. Ang mensaheng ito ay condemnation hindi lang sa mga leaders ninyo tulad naming mga pastor. Na kapag nakakabalita kayo ng kapalpakan ng mga pastor na naging unfaithful sa relasyon nila sa Diyos at sa relasyon nila sa iglesiang pinaglilingkuran nila, tayong lahat ganoon din.

Ang katumbas ng priesthood noon ay hindi ang pastoral ministry. Wala nang official priests ngayon, simula nang tuparin ni Jesus ang tungkuling iyan at akuin ang lahat ng kapalpakan ng mga pari. He was our Great High Priest. Kaya ang priesthood ng Roman Catholic Church ay hindi biblikal. Ang buong iglesia ay tinatawag na “royal priesthood” (1 Pet 2:9; Rev 1:6). Dahil lahat tayo ay binigyan ng tungkuling tulungan ang ibang taong magbalik-loob sa Diyos at lalo pang mapalapit sa Diyos. Whenever we speak the gospel to other people, hindi man tayo mga pari, pero ang ginagawa natin ay “priestly” o ayon sa tungkulin ng isang pari. Tulad ni apostol Pablo na itinuring ang sarili niya na “lingkod ni Cristo Jesus para sa mga hindi Judio. Naglilingkod ako sa kanila na tulad ng isang pari (priestly service, ESV) at ipinapangaral ko ang Magandang Balita ng Dios” (Rom 15:16 ASD).

Lahat tayo may katungkulang “priestly” – lalo na tayong mga iniligtas ng Panginoong Jesus. At kahit ikaw ay di pa Cristiano hanggang ngayon, tandaan mong meron ka ring ganyang katungkulan. Bahagi ito ng pagkakalikha sa atin sa larawan ng Diyos (Gen 1:26). Nilikha ng Diyos si Adan at Eba – lahat ng tao – to mediate his rule and his blessing to all humanity. Kung lahat tayo merong ganitong tungkulin, at tulad din ng mga pari sa panahon ni Malachi, lahat tayo ay pumalyang tupdin ang tungkuling iyan. Ang tanong, “Paano tayo pumalpak sa tungkuling iyan?”

Priestly Duties to God

Bago natin masagot iyan, dapat maging malinaw sa atin kung anu-ano ang obligasyong iyan. Ang tungkulin ng mga mga pari ay ayon sa kanyang kasunduan (ASD) o tipan (MBB) sa angkan ni Levi. “…kayo’y binibigyan ko ng babalang ito upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi. Sa aking kasunduan kay Levi” (2:4-5). This is a covenant. Hindi ito basta kasunduan lang ng dalawang equal parties. God dictates the terms of the covenant. Siya ang Haring Diyos! Hindi ito open for negotiation na para bang inilatag niya ang kontrata at sinabi sa kabilang partido, “OK ba sa iyo iyan? May suggestion ka ba? May gusto kang baguhin? I’m open to your ideas and opinion.” No way! Ang tungkuling ito’y ayon sa kagustuhan ng Diyos. At bilang mga pari, dalawang bahagi ang obligasyong ito. Ang una ay may kinalaman sa relasyon sa Diyos, tulad ng first and great commandment, “Love the Lord your God…” Ang ikalawa naman ay may kinalaman sa relasyon sa mga tao, tulad ng second greatest commandment, “Love your neighbor…”

Bagamat ang unang bahagi ay binigyang-diin sa nakaraang section (1:6-14), inulit na naman ito dito.

1. Priestly ears. Ang una ay may kinalaman sa tainga ng mga pari. Dapat silang makinig sa salita ng Diyos. Kung ang tungkulin nila’y ituro ito sa mga tao, dapat munang makinig kung anong sinasabi ng Diyos. Warning sa verse 2, “Kapag hindi ninyo pinakinggan ang sinasabi ko…” Kaya nga paulit-ulit simula pa sa chapter 1, “Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon…” Dito rin sa chapter 2, verse 1 at verse 8, ganoon din. Sa verse 3 sabi niya, “Makinig kayo!” Tulad sana sila ni Moises na naghihintay sa sasabihin ng Diyos. O tulad ng sabi ng paring si Eli kay Samuel bago siya tawaging pari at propeta, “Speak, Lord, for your servant is listening” (1 Sam 3:9-10).

Pero nakikinig ba sila? Hindi! Naririnig nila ang sabi ng Diyos, pero di sila nakikinig. Nababasa nila ang Kasulatan, pero di nila natututunan o inuunawa ang sinasabi ng Diyos.

Ikaw naman? Di ba’t ilang beses mo lang nababasa ang Bibliya? Baka nga kapag Linggo lang sa iba sa inyo. Ang iba di pa nakikinig. O kung nagbabasa ka man, para masabi mo lang sa sarili mo na nagbasa ka. Pero naririnig mo bang nagsasalita ang Diyos? Gaano kadalas na nagbabasa ka lang o nakikinig ng sermon, pero di mo naririnig ang boses ng Panginoon? O kung naririnig mo man, hanggang tenga lang, at hindi nakakarating sa puso.

2. Priestly heart. Ang ikalawa ay may kinalaman sa puso ng mga pari. Dapat nilang pahalagahan o isapuso ang pagbibigay karangalan sa Diyos. Ibinigay ng Diyos ang kasunduang ito para siya’y “igalang” ng mga pari (2:5). “Kapag hindi ninyo pinakinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pinapahalagahan (MBB, isinasapuso) ang pagpaparangal sa akin” (2:2 ASD). Sinasabi ng Diyos na dapat nilang tularan ang mga ninuno nila kung passion for God’s glory ang pag-uusapan.

Ang priesthood ay gantimpala ng Diyos kay Phinehas (lahi ni Levi) at sa kanyang mga salinlahi (Num 25:12-13). Katatapos lang baligtarin ng Diyos at gawing pagpapala ang nais na sumpa ni Haring Balak ng Moab sa mga Israelita. Pero itong mga Israelita nag-asawa at nakipagtalik sa mga taga-Moab (parang Christian na nag-aasawa ng non-Christian), na naging dahilan kung bakit sila naakit na sumamba kay Baal. Nagalit ang Diyos. Inutusan niya silang patayin ang mga kamag-anak nilang sumasamba sa diyus-diyosan. Habang nagagalit ang Diyos, merong isang lalaki na nagdala ng isang Midianita sa kanyang tolda. Sa kanyang paglapastangan sa galit ng Diyos, si Phinehas (apo ni Aaron na kapatid ni Moises) ay kumuha ng sibat, pinasok sila sa kanilang tolda, at pinatay. 24,000 ang namatay sa salot, pero huminto na nang gawin iyon ni Phinehas.

Nalulugod ang Diyos sa katulad niyang nagbibigay karangalan sa pangalan ng Diyos. Di tulad ng mga pari sa panahon ni Malachi. Sa Malachi 2:2, “…hindi ninyo pinapahalagahan ang pagpaparangal sa akin.” Sa chapter 1 nakita nating kung paano nila nilapastangan ang pangalan ng Diyos sa klase ng mga handog na ibinibigay nila. Instead of honoring God’s name, they want people to honor them by their position, riches and prestige.

Ikaw naman? Ano ang passion ng heart mo? Gaano ka kainit sa pagsamba sa Diyos at pagbibigay karangalan sa kanya? Hindi ba’t karaniwan mas passionate pa sa pagtatrabaho, sa pagkita ng pera, sa pag-aangat ng sariling pangalan kesa sa pangalan ng Diyos. Hindi ba’t nagdadalawang-isip tayong sumunod sa Diyos sa tungkuling pinapagawa niya sa atin dahil iniisip natin ang sasabihin ng iba.

3. Priestly feet. Ang ikatlo ay may kinalaman sa paa o nilalakaran ng mga pari. Dapat silang mamuhay nang matuwid at may magandang relasyon sa Diyos. Tungkol kay Levi, sinabi ng Diyos na dapat ganito ang mga pari, “Maganda ang kanyang relasyon sa akin, namuhay siya nang matuwid” (v. 6). Nakikinig sa salita ng Diyos, isinasapuso ang pagbibigay-karangalan sa Diyos. Siyempre ang resulta nito ay makikita sa buhay niya.

Pero kung di nakikinig, di isinasapuso ang mga ito, palpak din ang resulta nito sa buhay. Verse 8, “Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan.” Verse 9, “Hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan.” Hindi ang gusto ng Diyos ang nasusunod sa buhay nila kundi kung ano ang gusto nila. Hindi magbigay-karangalan sa Diyos ang hangad nila kundi maitaas ang sarili nila.

Ikaw naman? Sa tagal mo na sa Christian life, di ba’t nararamdaman mo pa ring ang layu-layo mo sa Diyos? Ilang beses bang pangarap mo ang sinusunod mo, at hindi ang misyong bigay sa iyo ng Diyos?

Priestly Duties to Man

Kung pakikinig, pagsamba, at pagsunod sa Diyos ang pag-uusapan, palpak ang mga pari, palpak din tayo. Natural na resulta nito ay palpak din sa ministeryo natin sa mga tao.

1. Priestly Lips. Sa labi ng mga pari dapat marinig na sila’y nagtuturo ng katotohanan. Verse 6, “Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan.” Verse 7, “Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao tungkol sa akin.” Kung ano ang narinig na sinasabi ng Diyos, iyon din naman ang ipararating sa mga tao. Ang kaso, hindi nga nakikinig at mas gustong parangalan ang sarili nila kesa sa Diyos. Kaya, verse 9, “may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.” Mas gusto nilang sabihin ang hindi totoo o ang partially true (na kasinungalingan din) para makiliti ang mga tao. Kung mayayaman ang kakausapin, maingat dapat, dapat hindi sila maooffend.

Hindi ba’t ganoon din tayo? We hesitate na i-share ang gospel sa iba kasi iniisip natin, “Ay baka maoffend, baka magalit, hinay-hinay muna.” We are not being true to the gospel. At kahit sa bahay, mga magulang, hindi rin natin sinasadyang ituro ang gospel sa mga anak natin. We have priestly duties to our children. Mas gusto pa nating hayaan na lang silang manood ng mga movies, kesa ikuwento natin sa kanila ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Guilty din ako diyan.

2. Priestly Heart and Feet. Sa puso at paglakad ng isang pari, dapat makita na siya’y namumuhay ayon sa itinuturong katotohanan. Verse 7, “…At dapat naman silang magpaturo sa inyo dahil mga sugo ko kayo.” Sila ay “messengers of God,” they represent God. Kaya kung nakikita sa pamumuhay nila iyon, attractive sila sa ibang tao. Role models. Verse 6, “At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.” Yan ang pagiging pari, tinutulungan ang mga taong magbalik-loob sa Diyos, hindi lang sa salita, kundi sa halimbawa nila. Pero, verse 8, “Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala.” They became stumbling blocks sa halip na bridges para makalapit ang tao sa Diyos.

Mga kapwa ko pastor, nagiging stumbling block tayo kung sa preaching natin di sila kumbinsido na pinaniniwalaan natin ang sinasabi natin, kung ang itinuturo natin sa kanilang commitment sa paglilingkod at discipleship ay di naman nakikita sa halimbawa natin. Mga kabataan, nagiging stumbling block kayo kung sa eskuwelahan n’yo o sa trabaho o sa Facebook n’yo ay worldliness ang nakikita ng iba, na ibang-iba sa ipinapakita ninyo dito sa church. Worship team members, nagiging stumbling block kayo kung sa paglead n’yo sa mga tao sa worship, nararamdaman nilang kumakanta lang kayo o tumutugtog but you are not really worshipping, o kung ang ilan sa inyo ay mabalitaang engaging in sexual immoralities, that you are worshipping God and sex at the same time!

In Our Priestly Failures, We Deserve God’s Curse

Ang mga obligasyong ito ng mga pari ay bahagi ng covenant ng Diyos sa kanila. Ayon sa Deuteronomy 28, kung faithful sila sa pagganap ng tungkulin nila, blessings ang consequences, pero kung hindi, curses ang consequences. Pangako ito at babala ng Diyos, verse 5, “Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako.” Pero imposible sa sarili nating paraan na maranasan nating itong life and peace dahil lahat ng mga pari ay sumira sa kasunduang ito, tulad ng inisa-isa natin kanina. Verse 8, “Ako ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira n’yo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi.” Corrupted the covenant. Hindi lang mga lawmakers natin o government officials ang corrupt at sumira sa sinumpaan nilang tungkulin sa bayan. We are all corrupt.

Anong nararapat sa atin? Parusa ng Diyos, hindi pagpapala. At ang parusang ito ay kapahamakan at kahihiyan. Verse 9, “Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao.” Ito ang warning niya verse 2 pa lang, “Susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap (o, iginagawad) ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, ginawa ko na iyan.” Ang blessing na tinutukoy dito ay maaaring mga material blessings para sa kanila, pero hindi nila maeenjoy at tulad ng mga mayayaman ngayon na ikapapahamak lang nila ang kayamanan nila. Ang akala nilang blessing galing sa Diyos, isang sumpa pala na magdadala sa kanila sa kahihiyan. Maaaring blessing din na ginagawad nila sa ibang tao, na magiging katitisuran pa, hindi lang sila ang napapahamak, kundi pati ang ibang tao, pati ang pamilya nila.

Verse 3, “Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at pati kayo’y itatapon sa tapunan ng mga dumi.” This is gross, disgusting. At kung ang reaksyon n’yo ay sobra naman yan, di naman siguro gagawin ng Diyos iyan. I’m not deserving of that kind of humiliation. Kung ganyan ang reaskyon mo, ibig sabihin hanggang ngayon di mo pa rin nauunawaan kung gaano ka-disgusting sa Diyos ang mga kasalanan mo, kung paanong sa pagsuway mo sa Diyos ay para ring sinasabuyan mo ng dumi ang kanyang mukha. What do we deserve then? Isang kahihiyang parang ipapalabas ng Diyos sa harap ng maraming tao – with widescreen projector – ang lahat ng kasalanang inisip at ginawa mo. Tingnan natin kung hindi tayo lalamunin ng kahihiyan natin sa harap ng asawa natin, pamilya natin, church natin.

Jesus Our Great High Priest

Sinabi ng Diyos na gagawin niya ito dahil faithful siya sa covenant. Tayo unfaithful. Nilapastangan natin ang pangalan niya. He is zealous to uphold the honor of his name. Sumira tayo sa kasunduan. Siya, hinding-hindi sisira sa pangako niya. Kaya sa halip na tayo ang dumanas ng kanyang parusa – merong isang Pari na dumating na siyang umako ng parusa, kahihiyan, kapahamakang dapat sana ay para sa atin. He “endured the cross, despising the shame” (Heb 12:2).

Itinuring siya lumapastangan sa Kautusan, samantalang perfect ang kanyang relasyon sa Diyos at sa tao. Siya lang ang may record na unblemished. Sa Diyos siya nakikinig, hindi kay Satanas. Sa puso niya, he was zealous in honoring the name of his Father. Nagagalit siya kapag may lumalapastangan sa pangalan ng Diyos. Sa lahat ng ginagawa niya ay nais niyang maitaas ang pangalan ng Ama. His relationship with God is perfect. Sumunod siya sa kalooban ng Diyos, hanggang kamatayan, wala siyang sinuway kahit isa.

At ang itinuturo niya sa mga tao ay puro katotohanan. Kahit masakit pakinggan sasabihin niya dahil alam niyang the truth will set you free. At ang itinuturo niya ipinapamuhay niya – humility, servanthood, love, sacrifice, obedience – lahat iyan makikita sa kanya. He was the perfect Priest. There is only one Mediator between God and man, the man Jesus Christ (1 Tim 2:5).

Siya ang sinabuyan ng dumi sa mukha, umako ng kahihiyang para sa atin, para hindi na tayo mapahiya. He was “a cornerstone chosen and precious, and whoever believes in him will not be put to shame” (1 Pet 2:6). Sa mga taong nanatili sa sarili nilang paraan, naghihintay pa rin sa kanila ang eternal punishment and shame. Pero para sa atin na nakay Cristo, at kumakatawan kay Cristo dito sa mundo, malaking karangalan ang iginawad na sa atin ng Diyos.

Point People to Jesus

Malaking karangalan, hinding-hindi natin dapat ikahiya, ang mapabilang sa Special Action Force ng Panginoong Jesus. Hindi dahil tayo ay mga bayani, kundi dahil alam natin there is only one Hero. Hindi tayo ang Tagaligtas, kundi kinatawan ng nag-iisang Tagapagligtas. Hindi naman tayo mga pari, kundi si Jesus ang ating Great High Priest. Pero para tayong mga pari as we represent him, na hindi na karangalan natin ang iniisip natin, kundi kung paano maitatanyag ang pangalan ni Jesus.

Tayo ay parang buwan, at hindi araw. Sabi ni J. A. Medders, “In the theological solar system, Jesus is the sun and we are the moon. We are reflectors. Our mission in evangelism (and all kinds of ‘priestly ministry’) is to humbly proclaim the radiant otherness of Jesus, not ourselves” (Gospel Formed, Kindle edition, location 2406).

Ibang-iba si Jesus. Yan ang tema ng bawat sermon na maririnig n’yo sa akin. Hindi para sabihing kaya’y angat sa iba, kundi si Jesus ang angat na angat sa iba. Kapag may magpacounsel sa akin, sa simula pa lang sasabihin ko na sa kanila, hindi ako ang makakatulong sa iyo, kundi si Jesus. I am not the Messiah, Jesus is. Kaya kung may lalapit sa inyo at magpapa-counsel, umiiyak siya, bigat na bigat sa nagawa niyang kasalanan, huwag mong sabihing, “Huwag kang mag-alala, kaya mo iyan, pagsikapan mo lang labanan ang kasalanan.” Ituro mo siya kay Jesus, sabihin mo, “Jesus is infinitely better than the idols you are worshiping – infinitely better than sex, money, and power.” O kung may group kayo ng Story of God, ituro mo silang lahat kay Jesus na siyang tanging liwanag at pag-asa ng kanilang buhay. At sabihin sa kanilang ang hinahanap nilang unfailing love ay kay Jesus lang matatagpuan.

We are moons. We reflect the the light of the Son of God. He is the Light of the World. We let his light shine in our lives. Hindi mangyayari iyon kung hindi tayo nakatutok sa liwanag, kung hindi tayo kay Jesus nakatutok. Kung ang buhay natin ay hindi nakatutok kay Jesus, walang mapapala ang mga tao sa atin.


Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s